Martes, Disyembre 22, 2015

PAGSILANG NI SAN JUAN BAUTISTA: PAGPAPAMALAS NG KAGILIWAN NG DIYOS

23 Disyembre 2015
Ikawalong Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK) 
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66



Isang propesiya patungkol sa pagdating ng Mesiyas ang ating napakinggan sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni propeta Malakias na magpapakita si propeta Elias bago dumating ang Panginoon. Bago sumapit ang araw kung kailan magpapakita ng Panginoon, darating si propeta Elias. Magpapakita si propeta Elias upang ihanda ang lahat ng tao para sa araw ng Panginoon. Natupad ang propesiyang ito sa pamamagitan ni San Juan Bautista. Si San Juan Bautista ang huling propetang isinugo ng Panginoong Diyos bago dumating ang araw kung kailan nagpakita si Hesukristo. 

Sa Ebanghelyo, napakinggan natin ang salaysay ng pagsilang ni Juan Bautista. Nagdulot ng matinding kagalakan para kina Zacarias at Elisabet (Santa Isabel) ang pagsilang ni San Juan Bautista. Ayon pa nga sa Ebanghelyo, nakigalak ang mga kapitbahay at mga kamag-anak nina Zacarias at Elisabet sa pagsilang ng kanilang anak. Pagkatapos ng mahaba-habang panahon, nagkaroon na sila ng anak. Bagamat baog na si Elisabet, pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng anak. Sa kabila ng katandaan nina Zacarias at Elisabet, nagkaroon sila ng anak dahil sa awa at pagpapala ng Diyos sa kanila. 

Pipi si Zacarias noong kapanahunang yaon. Nakakapagsalita siya noong isinilang si San Juan Bautista. Natapos ang sumpa kay Zacarias. Makakapagsalita na siya. Isang himala ang naganap sa pagsasalita ni Zacarias. Nagwakas ang pagiging pipi at bingi ni Zacarias sa pagsilang ni San Juan Bautista. Sa pamamagitan ng pagsilang ni San Juan Bautista, ipinapakita ng Diyos ang kagiliwan sa lahat ng tao, kabilang na sina Zacarias at Elisabet. 

May misyon na iniatang ng Diyos kay San Juan Bautista - ihanda ang daraanan ng Panginoon. Kaya siya tinatawag na "Elias na darating." (Mateo 17, 10-13) Hindi man siya ang literal na Elias, natupad ang propesiyang ito sa pamamagitan ni San Juan Bautista. Katulad ng sinabi ng Arkanghel na si San Gabriel kay Zacarias, tataglayin ni San Juan Bautista ang kapangyarihan at espiritu ni Elias (Lucas 1, 17).  Si San Juan Bautista ang katuparan ng propesiya patungkol sa pagpapakita ni Elias bago magpakita ang Mesiyas. 

Subalit, bakit kinailangan pang magpadala ng sugo ang Diyos? Bakit kinailangang isugo ng Panginoon si San Juan Bautista upang ihanda ang Kanyang daraanan? Bakit hindi na lang Siya magpakita agad? Ano ba ang kahalagahan ng papel ni Juan Bautista? Bakit napakahalaga ang papel ni San Juan Bautista sa plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan?

Nasa kahulugan ng pangalan ni Juan Bautista ang dahilan kaya siya isinugo. Ang kahulugan ng pangalang "Juan" ay "Magiliw ang Diyos." Katulad ng pagpapakita ng Kanyang kagiliwan kina Zacarias at Elisabet, ipinapakita din ng Diyos ang Kanyang kagiliwan sa lahat ng tao. Ang pagsugo kay San Juan Bautista ay pagpapakita ng kagiliwan ng Diyos. Sa pagsusugo kay Juan Bautista, binibigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos upang ihanda ang ating mga sarili para sa Kanyang pagdating sa ating buhay. Nais ng Diyos na maging handa tayo upang salubungin Siya sa Kanyang pagdating sa ating buhay. 

Ang tanong ng mga kamag-anak at kapitbahay nina Zacarias at Elisabet, "'Magiging ano nga kaya ang batang ito?' Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon." (Lucas 1, 66) Namangha ang mga kamag-anak at kapitbahay nina Zacarias at Elisabet. Namalas nila ang kagiliwan ng Diyos sa pamamagitan ng sanggol na si San Juan Bautista. Hindi ordinaryong sanggol ang nasa kanilang piling. May mahalagang papel ang sanggol na ito. Hindi man siya ang Mesiyas, may mahalagang papel ang sanggol na ito sa plano ng Diyos. Kaya, katulad ng sinabi ni San Lucas Ebanghelista, "Sumasakanya ang Panginoon." Kinagiliwan ng Diyos si San Juan Bautista, magmula noong siya'y isinilang. 

Sa pagsilang ni San Juan Bautista, nais ipahayag ng Diyos sa atin na Siya'y magiliw. Ipinapamalas ng Diyos ang Kanyang kagiliwan sa lahat ng mga may takot sa Kanya at ang mga kalugud-lugod sa Kanya. Nais ipamalas sa ating lahat ng Panginoon ang Kanyang kagiliwan sa ating lahat, sa kabila ng katotohanang tayo'y mga makasalanan. Tayong lahat ay mga makasalanan, totoo iyon. Iyan ang katotohanan - mga makasalanan tayong lahat. Subalit, kahit mga makasalanan tayo, hindi ito magiging hadlang para sa Diyos upang ipamalas at ipadama sa ating lahat ang Kanyang awa at kagiliwan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento