Linggo, Disyembre 27, 2015

HESUS: LUMAKI SA ISANG PAMILYA NA BINUBUO NG ISANG LALAKI AT BABAE; NAMUHAY BILANG ISANG MASUNURING ANAK

27 Disyembre 2015
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose (K) 
Sirac 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14) (o kaya: 1 Samuel 1, 20-22. 24-28)/Salmo 127 (o kaya: Salmo 83)/Colosas 3, 12-21 (o kaya: 1 Juan 3, 1-2. 21-24)/Lucas 2, 41-52



Kasabay ng pagdiriwang natin ng Banal na Taon ng Awa ay ipinagdiriwang natin dito sa Pilipinas ang Taon ng Eukaristiya at ng Pamilya. Sa isang buwan na rin po, bilang pagsalubong sa Bagong Taon, ay isasagawa ang Pandaigdigang Kongreso ng Eukaristiya sa Lungsod ng Cebu. Bilang mga Katoliko, tayo ay naniniwala na matatagpuan natin ang tunay na presensya ng Panginoong Hesukristo sa Banal na Eukaristiya. At dahil dito, masasabi natin na ang Mahal na Birheng Maria ang unang tabernakulo sapagkat dinala niya sa kanyang sinapupunan ang Panginoong Hesukristo. Dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ang tunay na presensya ni Kristo. At noong dumating ang takdang panahon, iniluwal ni Maria ang Katawan at Dugo ni Hesus. 

Sa huling Linggo ng taong ito, nakatuon ang ating pansin sa Banal na Mag-Anak na sina Hesus, Maria, at Jose. Inilaan ng Simbahan ang huling linggo ng taon (kung hindi pumapatak ang Pasko at Bagong Taon sa araw ng Linggo) sa karangalan ng Banal na Pamilya. Dalawa ang pinapakita ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Pamilya. Una, ipinapakita Niya sa atin kung papaanong bumuo ng isang pamilya at ang kahalagahan ng pamilya. Ang pamilya ay dapat binubuo ng isang lalaki at isang babae. Noong nilikha ng Diyos ang sanlibutan, nilikha Niya ang lalaki at babae upang dumami ang kanilang mga supling sa buong daigdig. At pangalawa, ipinapakita ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus ang Kanyang pagiging mapagpakumbaba. Nagpakababa ang Diyos Anak at naging masunurin. Hindi naging masuwayin ang Diyos Anak kahit kailan. 

Una, isang lalaki at isang babae ay pinili ng Diyos upang maging mga magulang ng Kanyang Anak sa Kanyang pagparito sa daigdig. Noong pumarito si Hesus sa sanlibutan, ang Kanyang pamilya ay nabuo ng isang lalaki at isang babaeng magkabiyak. Si San Jose ay tumayo bilang ama-amahan ni Hesus noong Siya'y nabubuhay dito sa mundo habang ang Mahal na Ina ay ang Kanyang ina. Ipinapakita sa atin ng Panginoon kung ano ang larawan ng isang tunay na pamilya - isang pamilyang binubuo ng pagmamahalan ng isang lalaki at isang babae. Binuo ng Diyos ang Banal na Pamilya nina Hesus, Maria, at Jose, upang ipakita sa atin kung ano ang larawan ng isang tunay na pamilya. 

Halos wala nang awa ang lipunan sa bawat pamilya. Pinag-uusapan ngayon ang mga bagay na nakakasira o nakakawasak ng pamilya. May mga batas pa nga sa panahon ngayon na nakakasira sa pamilya. May mga kontrobersyal na batas na pinag-uusapan sa pamahalaan na nakakasira sa pamilya. Balak ng lipunan na sirain ang mga pamilya. Hindi sila naaawa sa mga pamilya na namumuhay na punung-puno ng pagmamahalan. Hindi na binibigyang halaga ang kahalagahan ng pamilya, na kung saan nagmumula ang buhay ng bawat isa sa atin. 

Si Kristo ay lumaki sa isang pamilya na binuo ng isang lalaki at isang babaeng magkabiyak. Ang tumayong ama-amahan Niya sa daigdig ay si San Jose. Ang Mahal na Birheng Maria ay pinili ng Diyos upang dalhin sa kanyang sinapupunan at iluwal pagdating ng takdang panahon. Sina Jose ay Maria ay pinili ng Diyos upang maging mga magulang ni Hesus. Lumaki si Hesus sa pamilya na binuo ng isang lalaki at isang babaeng magkabiyak - sina Maria at Jose. Binuo ang Banal na Mag-Anak nina Hesus, Maria, at Jose sa awa ng Diyos. 

Ikalawa at panghuli, si Hesus ay namuhay nang masunurin. Masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama buong buhay Niya. Mula pa sa Kanyang kabataan, masunurin na si Hesus. Hindi Siya naging suwayin, o sumuway sa utos kahit minsan. Kalooban ng Diyos na lumaki si Hesus sa pamilyang binuo ng isang lalaki at isang babaeng magkabiyak. Sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama, lumaki Siyang masunurin sa pangangalaga ng Kanyang ama't inang sina Maria at Jose. 

Natunghayan natin sa Ebanghelyo na mula pa sa pagkabata, masunurin na si Hesus. Labindalawang taon pa lamang si Hesus, alam na Niya kung ano ang kalooban ng Ama. Kaya, ang tanong Niya kay Maria noong hinanap Siya, "Bakit po ninyo Ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na Ako'y dapat na nasa bahay ng Aking Ama?" (2, 49) Alam na ni Hesus kung ano ang kagustuhan ng Kanyang Amang nasa langit, kahit nasa murang edad pa lamang Siya. Sa murang edad pa lamang, alam na ng Batang Hesus na may dahilan kaya Siya naparito. Alam na ni Hesus kahit bata pa Siya na may ipinapagawa sa Kanya ang Amang nasa langit. May tungkulin at misyon si Hesus sa sanlibutang ito, at hindi pang-karaniwan ang tungkulin ibinigay ng Ama kay Hesus sa pagparito Niya sa sanlibutan. 

Dagdag ni San Lucas sa pangwakas na bahagi ng Ebanghelyo, "Naging isang masunuring anak (si Hesus)....Patuloy lumaki si Hesus. Umunlad ang Kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao." (2, 51-52) Si Hesus ay masunurin sa Kanyang mga magulang at sa Diyos. Sa Kanyang paglaki, hindi sinuway ni Hesus ang Diyos ni ang Kanyang mga magulang. Bagkus, buong pagpapakumbaba Niyang sinunod ang Diyos at ang Kanyang mga magulang. Walang pagkakataon kung kailan naging masuwayin si Hesus sa Diyos at sa Kanyang mga magulang na sina Maria at Jose. 

Lumaki si Hesus sa piling ng isang ama at isang ina sa pamamagitan nina Maria at Jose. At bilang anak nina Jose at Maria, naging masunurin si Hesus sa kanila. Naging masunurin si Hesus sa Diyos at sa Kanyang mga magulang dito sa lupa. Sa pamamagitan ng Banal na Pamilya, ipinapakita sa atin ng Diyos ang kahalagahan ng pagsasama ng isang lalaki at isang babae bilang mag-asawa. Sa pagsasama ng isang lalaki at isang babae bilang magkabiyak, bumubuo ang isang pamilya. Ipinapakita din ng Diyos na Siya, sa pamamagitan ng Kanyang Anak na nagkatawang-tao, ay naging mapagpakumbaba at masunurin, kahit na Siya ang Banal, ang Kataas-taasan at Makapangyarihang Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento