8 Disyembre 2015
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria (ABK)
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38
Pormal nang sinisimulan ng Simbahan ang Banal na Taon ng Awa sa araw na ito. Binuksan ng Santo Papa Francisco ang Banal na Pintuan ng Awa sa Basilika ni San Pedro Apostol sa Lungsod ng Vaticano bilang pagbubukas sa Hubileyo ng Awa. Sa Pilipinas, bubuksan din ang Pintuan ng Awa ng Katedral-Basilika ng Kalinis-linisang Paglilihi na mas kilala bilang Katedral ng Maynila (Manila Cathedral) kinabukasan. Ang Mahal na Kardinal ng Arkidiyosesis ng Maynila na si Luis Antonio Cardinal Tagle ang magbubukas Banal na Pintuan ng Awa ng nasabing Katedral. Isa lamang ang Manila Cathedral sa mga itinalagang Lugar ng Peregrinasyon para sa Hubileo ng Awa sa Arkidiyosesis ng Maynila. Ang tema para sa isang taong pagdiriwang ng Hubileo ng Awa ay, "Maawain tulad ng Ama."
Maraming siguro ang magtatanong: Bakit sa Kapistahan ng Inmaculada Concepcion binuksan ang Hubileo ng Awa? Bakit hindi na lang noong Unang Linggo ng Adbiyento? Ayon sa Bulla de Iubilaeo Extraordinario Indicendo, Misericordiae Vultus, noong nagkasala sina Adan at Eba laban sa Diyos, hindi ninais ng Diyos na mamuhay bilang mga alipin ng kasamaan at kasalanan. Kaya, pinili ng Diyos si Maria upang maging ina ng Tagapagligtas ng sangkatauhan, ang ating Manunubos at Panginoong si Hesukristo.
Ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria ay isa sa mga dinami-daming dakilang gawa ng Diyos. Tugmang-tugma ang Salmo sa araw na ito, "Umawit sa D'yos ng awa, ang gawain N'ya'y dakila." Bago pa siya'y ipinaglihi ni Santa Ana, ang Mahal na Birheng Maria ay iniligtas ng Diyos mula sa kasalanang mana. Kaya, noong isinilang ang Mahal na Ina, hindi siya dinungisan ng kasalanang mana. Bakit ito ginawa ng Diyos? Sapagkat ang Kanyang plano para kay Maria ay di-pangkaraniwan - pinili ng Diyos si Maria na maging ina ni Hesus, ang dakilang Manunubos ng sangkatauhan, ang Diyos na Emmanuel.
Sa Ebanghelyo, maririnig natin ang bati ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Ina, "Aba, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoon ay sumasaiyo!" (Lucas 1, 28) Pinuno ng Diyos ng Kanyang grasya at awa kay Maria. Naging kalugud-lugod si Maria sa paningin ng Diyos. Si Maria'y puno ng grasya at awa ng Diyos. Dahil sa ginawang pagliligtas ng Diyos kay Maria bago pa siya iluwal ni Santa Ana, siya'y naging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Walang dungis ng kasalanang mana. Bagkus, punung-puno ng dakilang awa at grasya ng Diyos si Maria.
Hindi pinayagan ng Diyos na dungisan si Maria ng kasalanang mana. Alam Niya na ang sanggol na dadalhin ni Maria sa loob ng siyam na buwan at iluluwal pagkatapos ng siyam na buwan ay ang Tagapagligtas ng sangkatauhan na si Kristo. Si Kristo ay perpekto at banal, kaya kinakailangang banal at perpekto ang magdadala sa Kanya. Pinabanal ng Diyos ang Mahal na Ina bago pa siya iniluwal ni Santa Ana dahil siya ang magdadala kay Kristo.
Kung si Hesus ang Panginoon at Hari ng Awa, si Maria ay ang Ina at Reyna ng Awa. Ang Panginoong Hesus ay naging anak ng Mahal na Birheng Maria. Ang awa ng Panginoon sa daigdig ang nag-udyok sa Kanya na magkatawang-tao at isilang ng isang babae, katulad natin. Nagkatawang-tao ang Diyos ng Awa, sa pamamagitan ni Hesus. Kaya, ang Mahal na Birheng Maria ay tinatawag din Ina ng Awa sapagkat iniluwal niya ang Panginoong Hesukristo, ang Panginoon ng Banal na Awa. Tinaglay ni Hesus ang Dakilang Awa ng Diyos sa Kanyang pagsilang noong unang Pasko.
Mapalad at kahanga-hanga si Maria! Puno siya ng grasya at awa ng Diyos. Bago pa siya isinilang, iniligtas ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria mula sa dungis ng kasalanang mana. Hindi siya dinungisan ng anumang kasalanan sapagkat iniligtas siya ng Diyos. Pinabanal ng Diyos si Maria upang maging kalugud-lugod sa Kanyang paningin at upang maging karapat-dapat na dalhin si Kristo sa kanyang sinapupunan. Mula sa kalinis-linisang paglilihi sa kanya hanggang sa sandaling siya'y iniakyat sa langit, sa kapangyarihan ng Panginoon, naranasan ng Mahal na Birheng Maria ang dakilang grasya at awa ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento