Lunes, Disyembre 7, 2015

MARIA: INA NI HESUS, ANG HABAG NG DIYOS

12 Disyembre 2015
Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Guadalupe 
Zacarias 2, 14-17/Judith 13/Lucas 1, 26-38



"Hindi ba't ako'y narito, akong iyong ina?" (Mga salita ng Mahal na Birheng Maria noong nagpakita siya kay San Juan Diego sa Guadalupe) 

Ina rin po natin ang Mahal na Birheng Maria. Si San Juan Apostol ang kumakatawan sa atin, ang sambayanang Kristiyano, noong si Maria ay nasa paanan ng krus ni Hesus. Noong binigkas ni Hesus ang salitang, "Ginang, narito ang iyong anak...Narito ang iyong ina!" (Juan 19, 25-27), ipinapakilala Niya kay Maria ang buong sambayanang Kristiyano at ipinapakilala din tayo ni Hesus sa Kanyang Inang si Maria. Kapatid na rin natin si Hesus. 

Noong unang nagpakita ang Mahal na Ina kay San Juan Diego sa Guadalupe, Mexico, ipinakilala niya ang kanyang sarili bilang ina ng Diyos at ina ng sambayang Kristiyano. Ang tawag pa nga ng Mahal na Birheng Maria kay San Juan Diego, "Mahal kong anak..." Dito ipinapakita ni Maria kung paano niya tayong inaaruga at inaalagaan bilang ating ina. Tayong lahat ay tinuturing anak ni Maria sapagkat tayo'y ipinagkatiwala sa kanya ni Hesus. 

Ang pagninilay ay hango sa tema ng Piyesta ng Pambansang Dambana ng Mahal na Birhen ng Gudalupe sa Guadalupe Nuevo, Lungsod ng Makati. Binibigyang diin ng tema ng Piyesta ng Dambana ng Mahal na Birhen ng Guadalupe na ang Mahal na Birheng Maria Ina ni Hesus at Ina ng Awa. Tinaglay ni Hesus ang Dakilang Awa at Habag ng Diyos noong Siya'y nagkatawang-tao at ipinanganak ni Maria. Kung titingnan natin nang mabuti ang larawan ng Mahal na Ina ng Guadalupe, mayroon siyang bigkis na sinusuot. Ang bigkis, noong kapanahunang yaon, ay isang tanda na ang isang babae'y nagdadalantao. Sa larawang iyon, dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan si Hesus.

Kung titingnan natin nang mabuti, nakatingin ang Mahal na Birheng Maria sa atin. Ang kanyang mata ay puno ng awa. Makikita natin na tinitingnan niya tayo na puno ng awa. Kaya siyang tinatawag na Ina ng Awa, eh. Kapag tayo ay tinitingnan ng Mahal na Ina, punung-puno ng awa ang kanyang pagtingin niya sa atin. Ganun din ang pagtingin ng Panginoong Hesukristo sa atin. Tumitingin sa atin si Hesus na may Banal na Awa. Gayun din si Maria. Maawain ang mga mata ni Maria, katulad ng mga mata ni Hesus. Makikita natin ang awa kapag tumitingin si Hesus at si Maria sa atin. 

Parang nagkaroon lang tayo ng replay o rewind sa Ebanghelyo. Narinig na natin ito nitong nagdaang Martes, ang Dakilang Kapistahan ng Inmaculada Concepcion. Muli nating napakinggan sa Ebanghelyo ngayong Kapistahan ng Nuestra Senora dela Guadalupe ang salaysay ng pagpapakita ng Arkanghel Gabriel sa Mahal na Birhen. Nagpakita si San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Ina upang ibalita ang papel ng Diyos para sa kanya. Si Maria'y hinirang ng Diyos na maging ina ni Hesus, ang Mesiyas, ang Diyos na Emmanuel. 

Hinirang ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria upang dalhin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ang Panginoong Hesus, ang Panginoon at Hari ng Banal na Awa. Sa sinapupunan ni Maria, nanahan ang awa ng Diyos sa loob ng siyam na buwan. Noong dumating ang takdang panahon, iniluwal ni Maria ang Sanggol na Hesus, ang mukha ng Awa ng Diyos. Ang Dakilang Awa ng Diyos ay naranasan ng daigdig sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. 

Bukod pa sa pagiging Anak ng Diyos, si Hesus ay Anak ng Mahal na Birheng Maria. Si Hesus ang Panginoon at Hari ng Banal na Awa. Dahil dito, si Maria ang Ina at Reyna ng Awa. Dinala ni Maria ang Panginoon at Hari ng Banal na Awa na si Hesus sa kanyang sinapupunan at isinilang noong dumating ang takdang oras. Ang Awa ng Diyos ay dumating sa mundo sa pamamagitan ni Hesus at ng pagtalima ni Maria sa kalooban ng Diyos. 

Kapag tinititigan natin nang mabuti ang larawan ng Mahal na Birhen ng Guadalupe, makikita natin na ipinapakita sa atin ng Mahal na Birhen ang kanyang mga maawaing mata. Ibinabaling sa atin ng Mahal na Ina ang kanyang mga matang mawaain. Punung-puno ng awa ang pagtingin sa atin ng Mahal na Ina. Nakadaop din ang mga kamay ni Maria. Ipinapanalangin niya tayo sa kanyang Anak na si Hesus na kaawaan niya tayong lahat, sapagkat si Hesus ang Panginoon at Hari ng Banal na Awa. Ang Awa ng Panginoon ay napakadakila at wagas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento