Huwebes, Disyembre 24, 2015

PAGSILANG NI HESUS: PAGSILANG NG LIWANAG AT AWA NG DIYOS SA DAIGDIG

25 Disyembre 2015
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang (ABK):
Pagmimisa sa Hatinggabi
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14 



Ipinahayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa na isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa lahat ng sangkatauhan. Sa pagsilang ng sanggol na ito, sumilay ang isang malaking liwanag na pumawi sa lahat ng uri ng kadiliman sa daigdig. Ang pagsilang ng sanggol na ito ay nagdulot ng malaking kaliwanagan. Nagniningning ang lahat sa pagsilang ng sanggol na isinilang para sa buong sangkatauhan. Sa pagsilang ni Hesus, tinaglay Niya ang napakalaking liwanag na ito mula sa kalangitan. Ang napakalaking liwanag na ito ay nagniningning at pumapawi sa lahat ng uri ng kadiliman dulot ng kasamaan at kasalanan. 

Ang Sanggol na Hesus ay ang liwanag na nagniningning noong unang Pasko. Noong Siya'y isilang ni Maria, tinaglay Niya ang isang maningning na liwanag mula sa kalangitan. Siya ang nagbigay ng liwanag na nagniningning noong gabi ng Kanyang pagsilang. Kahit napakadilim noong gabing yaon, ang Sanggol na Hesus ang nagbigay ng isang maningning na liwanag.  Mula sa Kanyang pagsilang, si Hesus ay ang liwanag ng sanlibutan. Siya ang nagbibigay liwanag sa buong sanlibutan na nababalot ng kadiliman. 

Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa patungkol sa pagpapahayag ng kagandahang-loob ng Diyos. Iniligtas ng Diyos ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang kagandahang-loob. Ang pagsilang ng Panginoong Hesus ay ang pagpapahayag ng kagandahang-loob ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagsilang ni Hesus, sumapit na ang Araw ng Kaligtasan. Sa pagsilang ni Hesus, dumating ang kaligtasang ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan. Matutupad na ang pangako ng Diyos. Ang sangkatauha'y ililigtas sa pamamagitan ni Hesus. 

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na ang mga pastol ay natakot sa kanilang mga nakita. Una, may isang anghel ng Panginoon na nagpakita sa kanila. Pangalawa, isang maningning na liwanag mula sa kalangitan ang pumaligid sa kanila. Ang liwanag na nagniningning ay nagmula sa kaningningan ng Panginoon sa kalangitan. Kinalabutan ang mga pastol sa mga pangyayaring nagaganap. 

May mabuting balitang hatid ang anghel ng Panginoon na nagpakita sa kanila. Nang makita ng anghel na natatakot ang mga pastol sa mga nangyayari, sinabihan niya ang mga pastol na huwag matakot. Hatid ng anghel ng Panginoon ang isang balitang magbibigay ng matinding kagalakan sa mga pastol. Papawiin ng balitang hatid ng anghel ang lahat ng mga kinatatakutan ng mga pastol. Ang Tagapagligtas na si Kristo ay isinilang na. Isinilang na si Kristo sa isang sabsaban sa Betlehem. Dumating na ang araw na pinakahihintay ng lahat. Dumating na ang Mesiyas. 

Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Sa takdang araw, ipapadala Niya sa daigdig ang Mesiyas upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Palalayain ng Mesiyas ang lahat ng mga nababalot ng kadiliman at aakayin tungo sa landas ng kaliwanagan. Aakayin ng Mesiyas ang lahat sa landas ng kaliwanagan pabalik sa Diyos. Sa pagdating ni Hesus, aakayin Niya ang lahat pabalik sa Ama. Tayong lahat na naliligaw ng landas at nababalot ng kadiliman ay inaakay tayo pabalik sa kaliwanagan dulot ng Awa ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na si Hesus. 

Ang pagsilang ng Panginoong Hesukristo ay ang pagsilang ng liwanag at awa ng Diyos sa daigdig. Liwanag ang dulot ng Awa ng Diyos. Inaakay tayong lahat ng Awa ng Diyos pabalik sa Maawaing Panginoon. Ang ating gabay pabalik sa Mahal na Panginoon ay ang Kanyang Awa. Ang Awa ng Mahal na Panginoon ay ang liwanag na umaakay sa ating lahat pabalik sa Kanya. Ang liwanag na taglay ni Hesus sa Kanyang kapanganakan ay dulot ng Dakilang Awa ng Diyos. 

Iniluwal ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ang Panginoong Hesus noong unang Pasko. Noong iniluwal ang Mahal na Panginoon mula sa sinapupunan ng Mahal na Ina, sumilay ang liwanag dulot ng Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ang nagdulot ng maningning na liwanag sa gabi ng unang Pasko. Sa pamamagitan ng pagsilang ng Mukha ng Maawaing Ama na si Hesukristo, nagningning sa buong kapaligiran ang Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ang liwanag na nagniningning at pumapawi sa lahat ng kadiliman. 

Patuloy na nagniningning ang liwanag dulot ng Awa ng Panginoon. Buong kaliwanagang nagniningning ang liwanag ng Awa ng Diyos. Ang Sanggol na Hesus ay ang Mukha ng Banal na Awa. Sa Kanya nagmula ang nagniningning na liwanag. Ang liwanag na ito ay nagniningning at pumapawi sa lahat ng uri ng kadiliman dulot ng kasalanan. Sinakop ang mundo ng liwanag dulot ng Awa ng Diyos sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento