Linggo, Enero 3, 2016

PAGPAPAKILALA NG DIYOS SA DAIGDIG

3 Enero 2016
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon (ABK) 
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12 



Isa sa mga pinakamahalagang pangyayari sa buhay ng ating Panginoong Hesukristo ay ang Kanyang pagpapakita (Epifania). Tatlong pantas ang naglakbay mula sa silangan upang sambahin ang Sanggol na Hesus (Hindi natin alam kung ilan talaga sila; subalit ayon sa tradisyon, tatlo ang mga pantas na dumalaw sa Sanggol na Hesus). Malayo ang nilakbayan ng mga pantas, subalit pinagtiyagaan ito ng mga pantas para lamang sa Sanggol na Hesus. Tiniis ng mga pantas na ito ang lahat, ang kanilang panahon, ang layo ng paglalakbay, upang makita at makasamba sa Banal na Sanggol na si Hesus. 

Ayon sa mga dalubhasa ng Banal na Kasulatan, ang mga tagatangkilik ni San Mateo sa kanyang pagsusulat ng Mabuting Balita ay mga Hudyo. Isinulat ni San Mateo ang kanyang Ebanghelyo para sa mga Hudyong may mga katanungan patungkol sa Kristiyanismo. Kahit inuusig ang mga sinaunang Kristiyano noong mga kapanahunang yaon, mayroon ding mga taong interesado sa Kristiyanismo. Gusto nilang makilala ang isang lalaking taga-Nazaret na nagngangalang Hesus. Marami silang mga katanungan tungkol kay Hesus. 

Sa kanyang pagsusulat ng salaysay ng Mabuting Balita, sinasagot ni Apostol San Mateo ang mga katanungan ng kanyang mga kababayan patungkol kay Hesus. Ipinapakilala ni San Mateo sa kanyang mga kababayan ang lahat ng bagay tungkol kay Hesus at ang Kanyang mensahe. Ipinapakilala ni San Mateo sa kanyang mga kababayang may mga katanungan tungkol sa Kristiyanismo na si Hesus ang Mesiyas na ipinangakong ipapadala ng Diyos sa Kanyang bayan. Hindi lamang isang guro at karpintero mula sa Nazaret ang Hesus na ito. Si Hesus ay higit pa doon. Higit pa si Hesus sa isang guro at karpintero. Hindi Siya pangkaraniwan, bagamat mukha Siyang karaniwan. Si Hesus ay kakaiba at walang katulad. 

May ipinapahiwatig si San Mateo sa kanyang pagsasalaysay ng kwento ng pagdalaw ng mga pantas mula sa silangan. Ang mga pantas ay hindi kabilang sa bayan ng Diyos. Bagkus, mga Hentil ang mga pantas na nagmula sa silangan. Sila'y mga dayuhan lamang. Mga banyaga ang mga pantas na ito. Hindi sila kabilang sa bayan ng Israel. Hindi sila kabilang sa bayang hinirang. Subalit, nakilala nila ang isang tunay na hari sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus. Nakilala nila ang bagong Haring isinilang. Alam ng mga Pantas na ang Sanggol na ito ang pinangakong Hari at Mananakop ng Kanyang bayan.

Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako. Hindi nakalimutan ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Ang pagpapadala kay Hesus sa sanlibutan ang katuparan ng Kanyang pangako. Ipinapakilala ngayon ng Diyos ang Kristo at ang Tagapagligtas na si Hesus. Subalit, ayon kay San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, hindi lamang ito para sa mga Hudyo lamang. Ang lahat ng mga Hentil ay kabilang na sa bayan ng Diyos. Tayong lahat ay napabilang sa bayan ng Diyos. Si Hesus ang dakilang biyaya ng awa mula sa Diyos. Si Hesus rin ang dahilan kaya tayong lahat ay naging mga kahati sa pangako ng awa at pagpapala ng Diyos. 

Paano tayo napabilang sa pangako ng Diyos? Ayon kay Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang awa at kagandahang-loob ng Diyos. Dahil sa awa at kagandahang-loob ng Diyos sa atin, napabilang tayo sa pangako ng Diyos. Nakikinabang tayo sa pangako ng Diyos dahil sa Kanyang awa at kagandahang-loob sa atin. Kung hindi dahil sa awa at kagandahang-loob ng Diyos, hindi tayo makikinabang sa Kanyang pangako. Hindi tayo mapapabilang sa Kanyang bayan. Tayo'y kabilang na sa bayan ng Diyos. Tayo'y kabilang sa mga anak Niya dahil sa Kanyang awa at kagandahang-loob sa atin. 

Nagpakilala ang Diyos sa daigdig sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus. Ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang Diyos ng Awa. Ang tala na nakita ng mga pantas ay ang tala ng Diyos. Inakay ng Diyos ang mga pantas patungo sa Sanggol na Hesus sa pamamagitan ng tala. Inaakay tayong lahat ng Diyos patungo sa Kanya. Nais ng Diyos na lapitan natin Siya. Ang lahat ay tinatanggap ng Diyos bilang Kanyang mga lingkod at mga anak. Kaya nga, sabi sa Salmo para sa Pista ngayong araw na ito, "Poon, maglilingkod sa 'Yo tanang bansa nitong mundo."  

Ang Diyos ay nagpakilala sa daigdig noong dinalaw ng mga pantas ang Sanggol na Hesus. Sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus, nakita ng mga pantas ang mukha ng Diyos at Hari ng Awa at Kapayapaan. Nakita at nakilala ng mga pantas ang Hari ng mga Hari. Sinamba nila ang tunay na Hari na si Hesukristo. Tayong lahat ay inaanyayahang lumapit at sambahin ang ating Panginoong Hesukristo, katulad ng ginawa ng mga pastol at ng mga pantas. Siya ang tunay na Hari at Panginoon. At bilang Hari at Panginoon natin, ipinapalaganap ni Kristo ang biyaya at pagpapala ng Kanyang Awa at Kapayapaan sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento