Linggo, Enero 24, 2016

SA PAMAMAGITAN NI HESUS, IPINAHAYAG SA DAIGDIG ANG MABUTING BALITA NG MAAWAING DIYOS

24 Enero 2015 
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Nehemias 8, 2-4a. 5-6. 8-10/Salmo 18/1 Corinto 12, 12-30 (o kaya: 12, 12-14. 17)/Lucas 1, 1-4; 4, 14-21 



Sa ating Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus na natupad na ang propesiya ni propeta Isaias patungkol sa sugo ng Panginoon. Ang sugo ng Panginoon na ipinahayag ni propeta Isaias sa Lumang Tipan ay tumatayo at naglalakad sa harapan nila. Kapiling ng mga tao ang Hinirang ng Panginoong Diyos. Si Hesus, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao, ay namuhay sa piling ng Kanyang mga kababayan bilang katuparan sa propesiya ni propeta Isaias. 

May misyon si Hesus noong Siya'y pumarito sa daigdig. Hindi lamang gumala si Hesus sa bawat sulok ng daigdig. May isang misyon si Hesus na dapat Niyang gawin. Napakahalaga ng tungkuling ibinigay ng Ama kay Hesus sa Kanyang pagparito sa daigdig. Isinilang si Hesus para sa isang napakahalagang tungkulin. Naparito si Hesus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. At bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan, ipinapahayag ni Hesus ang Mabuting Balitang ito mula sa Diyos sa bawat tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. 

Sa pamamagitan ng Kanyang mga pangangaral at kababalaghan, ipinapahayag ni Hesus ang Mabuting Balita ng pagliligtas ng Diyos. Unang sinimulan ni Hesus ang Kanyang misyon ng pagdadala ng Mabuting Balita sa Nazaret. Doon Niya sinimulan ang Kanyang misyon sa isang sinagoga. Ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang pahayag pagkatapos Niyang basahin ang isang bahagi ng aklat ng propeta Isaias. 

Ang Panginoong Hesus ang tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang pahayag. Si Hesus ang sugong hinirang ng Diyos upang ihatid ang Mabuting Balita ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Hatid ni Hesus ang isang mabuting balita na magdadala ng kagalakan sa lahat ng tao. Isinasalarawan ng Mabuting Balitang hatid ni Hesus sa sangkatauhan ang misteryo ng Dakilang Awa ng Diyos. 

Ipinangako ng Diyos na magpapadala Siya ng isang sugo sa Kanyang bayan. Ang Diyos ay nagbitiw ng isang pangako para sa kapakanan ng sangkatauhan. Ipapadala Niya ang Mesiyas upang iligtas ang sangkatauhan. Si Hesus ang katuparan ng pangakong ito. Ang pangakong binitiwan ng maawaing Diyos ay tinupad ni Hesus. Kay Hesus, tinupad ng Diyos ang pangakong binitiwan Niya sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagparito ni Hesus sa sanlibutan, ipinakita ng Diyos ang Kanyang katapatan sa Kanyang pangako. 

Dumating si Hesus sa daigdig upang ihatid ang Mabuting Balita patungkol sa Banal na Awa ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan Niya. Si Hesus ang Mukha ng Maawaing Diyos. Ipinamalas ni Hesus sa daigdig ang Mukha ng Diyos. Ang Mukha ng Diyos ay puspos ng Kanyang Banal at Dakilang Awa, at ito'y nakita natin sa katauhan ni Hesus. Naparito si Hesus upang ipalaganap sa buong daigdig ang Mabuting Balita ng Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ay nagbibigay kagalakan sa abang sangkatauhan. Ang ating kagalakan ay nagmumula sa Awa ng Diyos. 

Nagpahayag ang mga propeta patungkol sa pangako ng Diyos. Nagbitiw ng isang pangako sa sangkatauhan ang Diyos. Nangako ang Diyos dahil sa Kanyang Awa. Nais ipaalam ng Diyos sa sangkatauhan na sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan, ipapadama pa rin Niya sa kanila ang Kanyang Awa. Hindi nais ng Diyos na magdusa ang sangkatauhan dahil sa kanilang pagiging makasalanan. Magmula noong nagkasala sina Adan at Eba, gumawa ng paraan ang Diyos upang iligtas ang Kanyang bayan. Ang Diyos ay nagsalita tungkol sa Kanyang pangako sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga propeta ng Lumang Tipan. Ang pangako ng Diyos ay nagkatotoo sa Bagong Tipan sa pamamagitan ni Hesus. 

Si Hesus ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Tinaglay ni Hesus ang Mabuting Balitang mula sa Diyos. Hinatid ni Hesus ang Mabuting Balitang ito sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Ang Mabuting Balitang ito ay tungkol sa Dakilang Awa ng Diyos na ipinamalas Niya sa pamamagitan ni Hesus. Sa pamamagitan ni Hesus, ililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ni Hesus, ipinahayag at ipinalaganap sa buong daigdig ang Mabuting Balita patungkol Dakilang Awa ng Diyos. Sa pamamagitan ni Hesus, ipinamalas sa sangkatauhan ang dakilang gawa ng Awa ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento