31 Enero 2016
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Jeremias 1, 4-5. 17-19/Salmo 70/1 Corinto 12, 31-13, 13 (o kaya: 13, 4-13)/Lucas 4, 21-30
Ang mga propeta ng Matandang Tipan, katulad nina Elias at Jeremias, ay nagtuturo ng mga bagay na sasalungat sa pananaw ng kanilang mga tagapakinig. Kahit itinuturo ng mga propeta ang katotohanan at ang mga pahayag ng Diyos para sa Kanyang bayan, hindi nakikinig ang karamihan sa kanila. Maging mga hari at pinuno ng bayan ay hindi nakikinig sa kanila. Bagkus, nakikinig ang taong-bayan sa mga bulaang propeta. Itinuturing ng taong-bayan ang mga bulaang propeta bilang mga "tunay na propeta," mga propetang mapagkakatiwalaan.
Ito ang katotohanang ating napakinggan sa Unang Pagbasa. Ipinahayag ng Diyos kay propeta Jeremias sa Unang Pagbasa ang magiging misyon niya. Hinirang ng Diyos si propeta Jeremias para sa isang importanteng misyon. Si Propeta Jeremias ay hinirang ng Diyos upang maging propeta sa Kanyang bayan. At bilang propetang hinirang at isinugo ng Diyos, ipapahayag ni propeta Jeremias ang mga utos at mensahe ng Diyos para sa Kanyang bayan.
Subalit, ipinapapaalalahanan ng Diyos si propeta Jeremias na hindi magiging madali ang kanyang misyon. Maraming hindi makikinig kay Jeremias. Ang taong-bayan ay hindi makikinig sa kanya. Pati na ang mga hari, mga saserdote, at iba pang mga pinuno ng bayan, hindi sila makikinig kay Jeremias. Walang makikinig o tatanggap kay Jeremias at sa kanyang mga pahayag. Ituturing na bulaang propeta si Jeremias. Kahit nagmula sa Diyos ang mga ipinapahayag ni propeta Jeremias, hindi makikinig sa kanya ang taong-bayan.
Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa pag-ibig sa Ikalawang Pagbasa. Ayon kay San Pablo Apostol, ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob. Ganyan ang pag-ibig ng Diyos. Kahit na tayong lahat ay mga makasalanan, iniibig pa rin tayo ng Diyos. Hinihintay Niya ang panahon ng ating pagbabalik-loob sa Kanya. Tayo ay hinihintay Niyang magbalik-loob sa Kanya. Sa kabila ng napakaraming mga kasalanang nagawa laban sa Kanya, patuloy na naghihintay ang Diyos para sa araw ng ating pagbabalik-loob sa Kanya.
Dahil sa pag-ibig ng Diyos sa atin, ipinapamalas Niya ang Kanyang Awa sa atin. Bagamat tayong lahat ay mga makasalanang hindi karapat-dapat na makinabang sa Kanyang Awa at Pag-ibig, nais ng Diyos na maramdaman natin ang Kanyang Awa at Pag-ibig. Nais ng Diyos na makinabang tayo sa Kanya. Nais ng Diyos na maranasan natin ang Kanyang Awa at Pag-ibig. Kaya, sa pamamagitan ng Kanyang habag at pag-ibig sa atin, tayong lahat ay tinatawag ng Diyos na magbalik-loob sa Kanya. At sa pamamagitan ng panawagang ito, tayong lahat ay inaanyayahan Niyang makinabang sa Kanyang Dakilang Awa at Pag-ibig.
Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang salaysay ng di-pagtanggap kay Hesus sa Nazaret. Kahit si Hesus, hindi tinanggap sa sariling bayan. Naranasan din ni Hesus ang pagtatakwil ng mga kakilala at kababayan. Noong ipinahayag ni Hesus na natupad na ang propesiya ni propeta Isaias, naghati-hati ang mga pananaw at pagtingin ng Kanyang mga kababayan patungkol sa Kanya. Ang tanong ng mga nagkatipon sa sinagogang iyon, "Hindi ba ito ang anak ni Jose?" (Lucas 4, 22) Kilala Siya sa Nazaret bilang anak nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria. Tapos, ipapahayag Niya na Siya ang katuparan ng pahayag ni propeta Isaias?
Mahirap para sa mga kababayan ni Hesus na tanggapin Siya bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Hindi nila kinilala at tinanggap si Hesus bilang Mesiyas. Hindi rin nila kinilala si Hesus na kabilang sa kanilang bayan. Itinakwil ng mga taga-Nazaret si Hesus dahil sa Kanyang pahayag patungkol sa propesiya ni propeta Isaias. Pinalayas si Hesus ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Hindi Siya kinilala o tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret bilang isa sa kanila. Walang lugar para kay Hesus sa Nazaret. Kahit doon mismo sa Nazaret lumaki si Hesus, hindi Siya kinilala o tinanggap ng Kanyang mga kababayan.
Ayon sa Ebanghelyo ni San Juan, si Hesus ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at nakipamayan sa atin. Subalit, noong dumating si Hesus sa sanlibutan, hindi Siya tinanggap ng Kanyang mga kababayan (1, 11). Nakita natin ito noong si Hesus ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Hindi tinanggap si Hesus ng Kanyang mga kababayan. Bagkus, ayon kay San Lucas sa Ebanghelyo ngayon, pinalayas si Hesus, ibig pa nga nilang patayin si Hesus. Pero, umalis si Hesus sa kanilang piling at tumungo sa ibang bayan (4, 30).
Ano ang nararamdaman ng isang taong itinakwil? Kapighatian, kapaitan, at marami pang ibang hindi maganda. Nakakasakit sa damdamin ang pakiramdam ng pagiging isang taong itinakwil. Ayaw nating itakwil tayo. Ayaw nating tayo ay itatakwil ng mga nakakakilala sa atin. Kapag tayo ay itinatakwil, nawawasak ang ating mga puso. Nasasaktan ang ating mga damdamin. Nagkakaroon din tayo ng sama ng loob. Galit at poot ay ilan din sa mga natatanim sa ating mga puso at kalooban kapag tayo ay itinatakwil. Nais nating maghiganti sa (mga) taong nagtakwil sa atin. Gusto nating patunayan na nagkamali sila.
Paano namang tumugon si Hesus noong Siya'y itinakwil ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret? Siguro, nalungkot din Siya. Nalungkot at nadismaya si Hesus noong Siya'y itinakwil ng Kanyang mga kababayan. Pero, nagtanim ba Siya ng galit at poot sa Kanyang puso? Hindi. Bagkus, minahal pa rin ni Hesus ang Kanyang mga kababayan mula sa Nazaret. Hindi Niya hiniling sa Ama na isumpa ang buong bayan ng Nazaret dahil hindi Siya tinanggap doon. Hindi Niya hiniling sa Ama na parusahan ang Kanyang mga kababayan sa Nazaret dahil hindi nila tinanggap Siya. Kahit na itinakwil at pinalayas si Hesus sa Nazaret, pagmamahal pa rin ang nasa Puso ni Hesus para sa kanila. Kung nanalangin si Hesus sa Ama para sa kanila, hiniling Niya sa Ama na patawarin at kahabagan sila.
Mahirap magmahal kung ikaw ay hindi tinatanggap. Mahirap, pero hindi imposible. Sa mata ng tao, imposible para sa atin ang patawarin o mahalin ang mga nagkasala sa atin, lalung-lalo na kung ang kasalanang ginawa laban sa atin ay napakabigat. Subalit, sa mata ng Panginoon, walang imposible sa pagpapatawad at pagmamahal. Ginawa ng Panginoon ang imposible sa mga mata ng tao - patuloy Niyang pinapatawad at minamahal ang mga makasalanang paulit-ulit na nagkakasala laban sa Kanya. Gaano mang kabigat ang mga kasalanang ginawa laban sa Kanya, hindi mapapantayan nito ang Kanyang Dakilang Awa.
Tayong lahat ay patuloy na pinapatawad at minamahal ng Diyos, sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. Kahit tayong lahat ay mga makasalanan, awa at pagmamahal ang nasa Puso ng Panginoon para sa atin. Handa ang Panginoon na ipakita at ipadama sa atin ang Kanyang Awa at Pag-ibig sa atin upang tayong lahat ay magbalik-loob sa Kanya. Hinding-hindi Niya tayo itatakwil, kahit gaano mang kabigat ang bawat kasalanan natin laban sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento