Lunes, Pebrero 1, 2016

AWA NG DIYOS: NAGDUDULOT NG LIWANAG SA LAHAT NG MGA BANSA

2 Pebrero 2015 
Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus na Panginoon sa Templo 
Malakias 3, 1-4/Salmo 23/Hebrero 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32) 



Sa simula ng pagdiriwang ng Banal na Misa para sa araw na ito, ang mga kandila ay binabasbasan ng pari at sinisindihan. Pagkatapos ng Rito ng Pagbabasbas ng mga Kandila, sabay-sabay magpuprusisyon ang pari at ang kongregasyon patungo sa Simbahan. Ang Prusisyon ng mga Kandila ay pangkaraniwang sinisimulan sa labas ng Simbahan, pero maaari ring magsimula sa loob ng Simbahan ang Pagbabasbas at Prusisyon ng mga Kandila. 

Ginugunita ng Pista ng Candelaria ang Pagdadala ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa Sanggol na Hesus sa Templo upang ihandog sa Panginoon. Noong inihandog ang Sanggol na Hesus sa Templo, ipinahayag ni Simeon na ang Panginoong Hesus ang liwanag na tumatanglaw sa lahat ng mga bansa. Si Hesus ay biyaya ng Diyos sa lahat ng mga bansa. Ipinadala ng Diyos si Hesus upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. At sa pamamagitan ng pagpapadala kay Hesus sa daigdig, dumating ang liwanag na dulot ng Awa ng Diyos. Si Hesus ang Mukha ng Awa ng Diyos, at ang Liwanag ng sanlibutan (Juan 8, 12). 

Ipinagkaloob ng Diyos si Hesus dahil sa Kanyang Awa sa sangkatauhan. Naawa ang Diyos sa sangkatauhang nalugmok sa kasalanan. Magmula noong nagkasala ang unang lalaki at babae na sina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden, nasira ang relasyon ng Diyos at ng sangkatauhan. Hindi kagustuhan ng Diyos na mapalayo sa Kanya ang sangkatauhan. Hindi kagustuhan ng Diyos na mamuhay ang sangkatauhan bilang mga alipin ng kasamaan. Kaya, pinlano ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Binalak ng Diyos na tubusin ang sanlibutan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Hesukristo. Kaya, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan at ibalik sila sa piling ng Ama. 

Noong kinain nina Eba't Adan ang bungang ipinagbabawal ng Diyos, ang bunga mula sa puno ng karunungan patungkol sa kabutihan at kasamaan, pumasok ang kasamaan sa sanlibutan. Sinakop ng kasamaan ang sangkatauhan. Mula sa pagiging malaya, naging mga alipin ng kasamaan ang sangkatauhan. Bagamat may araw at gabi, namumuhay ang sangkatauhan sa kadiliman. Wala sa kanila ang tunay na liwanag na nagmumula sa Awa ng Diyos. Ang sangkatauhan ay namumuhay sa kadiliman dahil sila'y namumuhay bilang mga alipin ng kasamaan. Ito'y naging isa sa mga pinakamadilim na sandali sa buhay ng tao. 

Hindi nagpapabaya ang Diyos. Hindi pinahintulutan na mawalay ang sangkatauhan sa Kanya. Paulit-ulit Siyang nakipagtipan sa sangkatauhan. Kahit paulit-ulit na nilalabag at nasisira ng sangkatauahn ang kanilang kasunduan sa Diyos, paulit-ulit na gumawa ng paraan ang Diyos na bumalik sa Kanya ang sangkatauhan. Nagsalita Siya sa pamamagitan ng mga propeta ng Matandang Tipan. Dumating ang mga iyon sa punto na ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan na magpapadala Siya ng isang Tagapagligtas. Ang Diyos ay nangakong ipadadala Niya ang Mesiyas para sa kaligtasan ng Kanyang bayan. 

Ang Diyos ay hindi nakakalimot sa Kanyang mga pangako. Nang dumating ang takdang panahon, dumating ang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. Dumating si Hesus na nagdadala ng liwanag mula sa Diyos. Sa pamamagitan ni Hesus, nakita ng sanlibutan ang liwanag na dulot ng Awa ng Diyos. Si Hesus, na Siyang Mukha ng Awa ng Diyos, ang nagdulot ng isang liwanag na nagniningning sa sanlibutang punung-puno ng kadiliman. Laganap na sa daigdig ang Liwanag na nagmumula sa Maawaing Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Laganap sa buong daigdig ang liwanag na dinala ni Kristo noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. Ang Awa ng Diyos ang dahilan kaya si Kristo'y dumating sa sanlibutan upang ipalaganap ang liwanag na dulot ng Dakilang Awa ng Diyos. Mula sa pamumuhay bilang mga alipin ng kadiliman, ang sangkatauhan ay namumuhay sa liwanag dulot ng Awa ng Diyos. Tayong lahat ay namumuhay sa kaliwanagang dulot ng Awa ng Diyos. Sa pamamagitan ng liwanag dulot ng Awa ng Diyos, tayong lahat ay pinalaya ng Panginoon mula sa pamumuhay bilang mga alipin at namumuhay ngayon nang may kalayaang dulot ng Panginoon. 

Si Hesus ang nagpalaganap ng liwanag na dulot ng Awa ng Diyos sa daigdig. Noong Siya'y pumarito sa sanlibutan, dinala Niya ang liwanag na nagningning mula sa langit. Ang Dakilang Awa ng Diyos ang nagulot ng liwanag na nagniningning mula sa langit. Sa pagdating ni Hesus sa daigdig, ang liwanag dulot ng Awa ng Diyos ay sumilay sa daigdig. Ang liwanag dulot ng Awa ng Diyos ay umaakay sa sangkatauhan pabalik sa Diyos. Sapagkat ang Diyos ay maawain, dakila ang Kanyang Awa, at walang pagmamaliw ang Kanyang Awa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento