Linggo, Pebrero 7, 2016

MGA HINIRANG NG PANGINOON

7 Pebrero 2016 
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Isaias 6, 1-2a. 3-8/Salmo 117/1 Corinto 15, 1-11 (o kaya: 15, 3-8. 11)/Lucas 5, 1-11 


Ang Panginoong Diyos ay humihirang ng mga tao para sa isang napakalaking tungkulin. Halimbawa, sa Lumang Tipan, hinirang ng Panginoon si Abraham upang maging Ama ng lahat ng mga bansa. Kinikilala din siyang Ama ng pananampalataya dahil sa kanyang pananalig sa Diyos, kahit hindi niya maunawaan ang Kanyang kalooban. Si Moises ay hinirang ng Panginoon upang palayain ang bayang Israel na namumuhay sa kaalipinan sa Ehipto noong kapanahunang yaon. Humihirang din Siya ng mga propeta na magsasalita sa bayang Israel, katulad nina Samuel, Elias, Isaias, Jeremias, at marami pang iba. 

Mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa ang salaysay ng paghirang ng Diyos kay propeta Isaias. Hinirang ng Panginoon si propeta Isaias, kahit na ang paniwala ni Isaias hindi siya karapat-dapat maging propeta ng Panginoon. Isang napakalaki at napakabigat na tungkulin ang pagiging propetang hinirang ng Diyos. Alam ni propeta Isaias na siya'y isang makasalanang mahina. Dahil sa kanyang mga kahinaan bilang makasalanan, naniniwala si propeta Isaias na siya'y isang taong kawawa at hindi karapat-dapat maging propeta. 

Subalit, sa kabila ng pagiging makasalanan, pinili at hinirang pa rin ng Panginoon si propeta Isaias. Hindi naging hadlang ang pagiging makasalanan at ang mga kahinaan ni propeta Isaias bilang isang tao sa paghirang sa kanya ng Panginoon. Gumawa ng paraan ang Panginoon upang magampanan nang mabuti ni Isaias ang kanyang tungkulin at misyon bilang isang propetang hinirang ng Panginoon. Dinalisay ng Panginoon si Isaias sa Kanyang harapan at pinawalang-sala. 

Sa bandang huli ng Unang Pagbasa, tinawag at hinirang ng Panginoon si propeta Isaias sa pamamagitan ng isang katanungan, "Sino ang Aking ipadadala? Sino ang Aming susuguin?" Buong katapangang tinanggap ni propeta Isaias ang tungkuling iniatasan sa kanya ng Panginoon. Ang kanyang sagot, "Narito po ako. Ako ang isugo N'yo." (10, 8) Nawala ang lahat ng pangamba ni propeta Isaias. Dahil sa biyaya ng Panginoon sa kanya, buong katapangan niyang ginampanana ang kanyang misyon at tungkulin sa Panginoon bilang propetang Kanyang hinirang. 

Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung papaano siya naging apostol at misyonero ni Kristo. Inamin ni Apostol San Pablo ang kanyang mga kahinaan, kahit siya ay isang misyonero. Ang tingin niya sa kanyang sarili ay isang miserableng tao. Hindi siya malakas, mahina siya. Marami siyang mga kahinaan, lalung-lalo na sa kanyang misyon bilang apostol ni Kristo. Subalit, ang awa at kagandahang-loob ng Diyos ang dahilan kaya siya naging apostol. Kahit na inusig niya dati ang mga unang Kristiyano, ang mga unang tagasunod ni Kristo, siya'y naging apostol. Hinirang siya ng Panginoon. Sa paghirang kay Apostol San Pablo, ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa mga makasalanan. Kaya nga, may isang kasabihan, "May nakaraan ang bawat santo, may kinabukasan ang bawat makasalanan." 

Sa ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang pagtawag ni Hesus sa mga una Niyang alagad. Dito nagsimula ang samahan nina Hesus at ng Kanyang mga alagad na nagtagal ng mga tatlong taon. Ang samahan ni Hesus ay hindi perpekto. May mga kahinaan ang mga alagad ni Hesus. Isa pa nga sa kanila ang nagkanulo sa Kanya - si Hudas Iskariote. Si Hesus lang ang walang kahinaan sa samahang iyon. Subalit, hindi naging hadlang ang kahinaan ng bawat alagad upang sila'y tawagin at hirangin ni Hesus bilang Kanyang mga apostol. 

Ang unang apat na tinawag ni Hesus ay mga mangingisda. Mga mamalakaya. Hanapbuhay nina Apostol San Pedro, San Andres, Santiago, at San Juan ang pamamalakaya. Ito lamang ang alam nilang paraan upang mapakain nila ang kanilang mga sarili at ang kani-kanilang mga kapamilya. Ang mahirap para sa kanila, bilang mga mamamalakaya, hindi nila matiyak kung magkakaroon sila ng huli. Katulad ng sinabi ni San Pedro Apostol (na noo'y tinawag na Simon), "Magdamag po kaming napagod at wala kaming nahuli!" (5, 5)

Kahit na mangingisda lamang sina Simon Pedro, Andres, Santiago, at Juan, tinawag at hinirang pa rin sila ni Hesus. Inutusan ni Hesus ang dalawang magkapatid na pumalaot muli sa lawa upang manghuli ng isda. Bagamat alam ni Simon Pedro na magdamag na sila doon at wala silang nahuli, sumunod pa rin sila. Isang himala ang naganap noong sinunod nila si Hesus. Nakahuli sila ng napakaraming isda.  Namangha ang apat na mangingisda nang makita iyon. 

Dahil doon, hiniling ni Simon Pedro na layuan siya ni Hesus. Hindi siya karapat-dapat na sumama kay Hesus. Pinagdudahan ni Simon Pedro si Hesus noong una, sapagkat magdamag silang naghintay at wala silang nahuli. Ngunit, noong nakilala nila si Hesus at inutusan Niya ang apat na mangingisda, nakahuli sila ng napakaraming isda. Alam niya na marami siyang kahinaan, hindi siya malinis o karapat-dapat sa paningin ng Panginoong Hesus. Inamin niya na isa siyang mahinang makasalanan. Inamin niya na isa siyang miserableng tao. 

Pinalakas ni Hesus ang kalooban ni Simon Pedro. Ang sabi ni Hesus, "Mula ngayo'y mamamalakaya ka ng mga tao." (5, 10). Kahit maaari Siyang maghanap ng iba upang maging Kanyang (mga) alagad, pinili pa rin ni Hesus ang apat na mangingisdang iyon upang maging mga alagad Niya. Bagamat kakaunti lamang ang kanilang pananalig sa Kanya, o kaya kakaunti lamang ang alam nila patungkol sa Banal na Kasulatan, pinili pa rin ni Hesus ang apat na mangingisdang yaon. 

Hindi mga perpekto ang hinihirang ng Panginoon. Sabi nga ng Panginoong Hesukristo, "'Habag ang ibig Ko, at hindi hain.' Sapagkat naparito Ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi mga banal." (Mateo 9, 13) Kahit alam ng Panginoon na ang tao'y marupok at mga makasalanan, hindi ito nagiging hadlang sa pagtawag at paghirang Niya sa atin. Sa pamamagitan ng pagtawag at paghirang sa ating lahat, ipinapakita at ipinapadama sa atin ng Panginoon na tayo'y Kanyang kinahahabagan at hindi pinapabayaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento