6 Marso 2016
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma (K)
Josue 5, 9a. 10-12/Salmo 33/2 Corinto 5, 17-21/Lucas 15, 1-3. 11-32
Nararapat lamang na mapapakinggan natin ang Talinghaga ng Alibughang Anak sa Ebanghelyo ngayong kapanahunan ng Kuwaresma. Mas lalo itong nararapat dahil ngayong taon, napapaloob ang banal na panahon ng Kuwaresma sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ni Papa Francisco isang taong na ang nakalipas. Ang layunin ng Banal na Taon ng Awa na idineklara ng Santo Papa ay muling nating matutunan at imulat ang ating mga mata sa Banal na Awa ng Diyos. Paulit-ulit na binibigyang diin ng Santo Papa Francisco sa kanyang mga homiliya at talumpati ang Awa ng Diyos. Dagdag pa ng Santo Papa, ang misyon ng Simbahan ay ang pagsaksi sa Dakilang Awa at Habag ng Diyos.
Mapapakinggan natin sa mga Pagbasa ngayon ang mga kwento tungkol sa Awa ng Diyos sa Lumang Tipan at Bagong Tipan. Hindi nagmamaliw ang Awa ng Diyos, magbago man ang panahon. Sa Unang Pagbasa, kinausap ng Diyos si Josue tungkol sa ginawa Niyang pagpapalaya sa bayang Israel mula sa kahihiyan dulot ng pamumuhay bilang mga alipin sa Ehipto. Pinalaya ng Diyos ang mga Israelita mula sa Ehipto dahil sa Kanyang Awa sa kanila. Sa Ikalawang Pagbasa, nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa ginawang pakikipagkasundo ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo. Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang Talinghaga ng Alibughang Anak.
Ayon kay San Pablo Apostol sa Ikalawang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nakipagkasundo sa atin sa pamamagitan ni Kristo. Si Kristo ang Tagapamagitan ng Diyos at ng sangkatauhan. Naparito si Kristo upang ayusin ang relasyon ng Diyos at ng sangkatauhan. Nasira ang relasyon ng Diyos at ng sangkatauhan noong nagkasala sina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden. Subalit, ayaw ng Diyos na manatiling wasak ang Kanyang relasyon sa sangkatauhan. Nais ng Diyos na ayusin muli ang Kanyang relasyon sa makasalanang sangkatauhan. Kaya, gumawa Siya ng iba't ibang paraan upang makipagkasundo muli sa sangkatauhan.
Sa Lumang Tipan, nakipagtipan ang Diyos sa sangkatauhan. Subalit, paulit-ulit na nasira ang mga tipang ginawa sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan dahil sa kasalanan ng tao. Sa kahuli-hulihan, gumawa ng Bagong Tipan sa sangkatauhan ang Diyos. Sa Bagong Taon, ipinadala ng Diyos sa sanlibutan si Kristo upang makipagkasundo sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paghahain ni Kristo ng Kanyang buhay sa Krus ng Golgota (Kalbaryo), muling inayos ang relasyon ng Diyos at ng sangkatauhan. Ang paghahain ni Kristo sa Krus ng Kalbaryo ay tanda ng Awa ng Diyos sa sangkatauhan. Inihain ni Kristo ang Kanyang buhay sa krus upang ipakita sa ating lahat ang Dakilang Awa ng Diyos.
Isinalarawan ni Hesus ang Awa ng Diyos sa ating Ebanghelyo sa pamamagitan ng Talinghaga ng Alibughang Anak. Kahit nilustay at sinayang ng bunsong anak ang mga kayamanang minana mula sa kanyang ama, hindi ito naging hadlang sa ama sa pagtanggap muli sa anak na ito. Ang anak na ito, na gumamit ng kanyang minanang kayamanan sa masamang paraan, ay pinatawad at tinanggap muli ng kanyang ama. Naghanda ng isang pagdiriwang ang ama para sa kanyang bunsong anak na bumalik mula sa ibang bayan.
Sa pamamagitan ng talinghagang ito, itinuturo sa atin ni Hesus kung gaano kadakila at kawagas ang Awa ng Diyos. Kahit paulit-ulit tayong magkasala laban sa Kanya, handa Siyang magpatawad. Ang Diyos ay laging handa na patawarin at tanggapin tayo sa Kanyang piling. Katulad ng ama sa talinghaga, hinihintay ng Diyos ang araw ng ating pagsisisi't pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Kanya. Walang makakapagbigay ng higit na kaligayahan sa Diyos kaysa sa pagsisisi at pagbabalik-loob ng isang makasalanan sa Kanya.
Ang Talinghaga ng Alibughang Anak ay kwento ng isang makasalanang nagsisi at nagbalik-loob. Ang Talinghaga ng Alibughang Anak ay kwento rin ng Awa ng Diyos. Matiyaga ang Diyos sa paghihintay para sa ating pagsisisi sa ating mga kasalanan. Hindi Siya magsasawa sa paghihintay para sa atin. Gaano mang kabigat ang ating mga kasalanan laban sa Kanya, mapapatawad ng Diyos ang mga ito. Hindi mapapantayan ng mga kasalanan natin ang Awa ng Diyos.
Huwag tayong matakot na lumapit sa Diyos. Huwag tayong matakot na lumapit sa Diyos upang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya. Walang kasalanang makakapantay sa Awa ng Diyos. Mas dakila ang Awa ng Diyos kaysa sa mga kasalanan ng sangkatauhan, kahit magsama-sama ang napakaraming mga kasalanan ng sangkatauhan. Walang kasalanang hindi mapapatawad ng Diyos. Walang makasalanang lumalapit sa Kanya upang hingin ang Kanyang Awa at pagpapatawad ang itinakwil ng Diyos. Bagkus, pinapatawad ng Diyos ang sinumang makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento