10 Pebrero 2016
Miyerkules ng Abo (ABK)
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18
Sinisimulan natin ngayon ang panahon ng Kuwaresma, ang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay, sa pamamagitan ng Miyerkules ng Abo. Pinapahiran ng abo ang noo ng bawat mananampalatayang nagsisimba ngayong araw na ito. Ang abo ay sumasagisag sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Sa Banal na Kasulatan, lalung-lalo na po sa Lumang Tipan, ang mga tao'y nagdadamit ng mga sako at binubuhusan nila ng abo ang kani-kanilang mga sarili. Kasabay nito ang taimtim na pananalangin sa Diyos upang sila'y kahabagan at patawarin sa kanilang mga kasalanan.
Ang panawagan ng Simbahan sa bawat mananampalataya, lalung-lalo na ngayong kapanahunan ng Kuwaresma, ay ang pagsisi sa mga nagawang kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoon. Hindi lamang ito panawagan ng Simbahan, panawagan ito ng Panginoon. Ang Panginoon ang tumatawag sa atin na magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Paulit-ulit nating mapapakinggan sa Banal na Kasulatan na ang Diyos ay nananawagan sa mga tao upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Ang hinihingi ng Panginoong Diyos mula sa bawat isa sa atin ay ang taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya.
Mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa ang panawagan ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Joel. Isa ito sa napakaraming mga pagkakataon na kung saan nananawagan ang Diyos sa mga tao na pagsisihan at talikdan ang kanilang makasalanang pamumuhay. Hindi nais ng Diyos na lalo pang mapalayo ang sangkatauhan. Ayaw ng Diyos na mapahamak tayo nang dahil sa ating mga kasalanan sa Kanya. Kaya, pinapaalala sa atin ng Diyos na kinakailangan nating magsisi at magbalik-loob sa Kanya habang may panahon pa.
Nais ng Diyos na magmula sa kaibuturan ng ating puso ang ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Ayaw Niya tayong nagpapanggap. Hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya dahil gusto nating makita ng iba na tayo'y nagsisisi at nagbabalik-loob sa Diyos. Hindi na iyon taos sa puso. Hindi na iyon mataimtim. Hindi na galing sa puso ang ganung pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Hindi na iyan ang hinihingi ng Panginoon sa atin. Ang kagustuhan ng Diyos ay isang mataimtim at taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya, hindi pagpapanggap o pakitang-tao lamang.
Sa Ebanghelyo, nagsalita si Hesus laban sa mga gumagawa ng mga banal na gawain upang mapansin sila ng tao. May mga taong nagdadasal, nagsisimba, sumasama sa mga prusisyon, at nakikiisa sa mga gawain ng Simbahan upang mapansin sila ng tao. Hindi pa sila nagkukumpisal at nagbabagong-buhay. Hangad nila ang pagpupuri at parangal ng ibang tao sa kanila. Hindi na para sa Diyos ang kanilang mga ginagawa. Bagkus, ginagawa nila iyan para sa kanilang mga sarili. Gusto nilang mapansin ng ibang tao at sumikat dahil doon. Hindi na tungkol sa Diyos ang kanilang mga debosyon. Sila na ang nagiging bida sa kanilang mga debosyon. Tungkol na sa kanila ang kanilang mga debosyon.
Ang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos ay hindi tungkol sa atin. Tungkol ito sa Diyos at kung gaanong kadakila ang Kanyang Awa at Habag sa sangkatauhan. Siya ang tumatawag sa atin na magsisi at tumalikod sa makasalanang pamumuhay. Nananawagan sa atin ang Diyos dahil sa Kanyang Awa at Habag sa ating lahat. Sa pamamagitan ng pagtawag sa atin na pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya, ipinapakita sa atin ng Diyos kung gaanong kadakila ang Kanyang Awa at Habag sa sangkatauhan.
Kailan ba dapat tayong magsisi at magbalik-loob sa Diyos? Kahit kailan, pwede. Subalit, ayon nga kay Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, mas maganda kung ngayon na. Katulad ng mga titik na isinulat sa awiting Pag-Aalay ng Puso (Minsan Lamang), "Nawa'y h'wag ko itong ipagpaliban, o ipagwalang-bahala." Mas mabuti pang huwag nating patagalin pa ang panahon kung kailan tayong magsisisi at magbabalik-loob sa Diyos. Mas mabuti pa kung ngayon na tayong magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos, bago mahuli ang lahat. Huwag na nating patagalin pa ang panahon ng ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Bagamat matiyaga ang Diyos sa paghihintay sa ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya, mas magandang ngayon na tayong magsisi at magbalik-loob sa Kanya.
May panawagan at paalala sa atin ang Simbahan ngayong kapanahunan ng Kuwaresma. Ang panawagan ng Simbahan ay ang panawagan ng Panginoon, "Magbagong-buhay kayo at sa Mabuting Balita sumampalataya." (Marcos 1, 15) Ang paalala sa atin ng Simbahan ay ang paalala ng Panginoon kina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden, "Abo ang iyong pinanggalingan, at abo rin sa wakas ang iyong babalikan." (Genesis 3, 19) Hindi natin alam kung kailan babawiin ng Panginoon ang ating buhay, kaya, ngayon pa lang, habang may panahon pa, nanawagan ang Panginoon na tayo'y magsisi at tumalikod sa ating makasalanang pamumuhay at magbalik-loob sa Kanya. Nananawagan at pinapaalalahanan tayong lahat ng Panginoon dahil sa Kanyang Awa at Habag sa atin. Ang Awa at Habag ng Panginoon sa atin ay lubos na dakila at walang pagmamaliw.
Ngayong taon, napapaloob ang panahon ng Kuwaresma sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ni Papa Francisco. Binibigyan ng halaga ng kapanahunan ng Kuwaresma ang Awa ng Diyos. Ang panahon ng Kuwaresma ay tungkol sa Awa ng Diyos. Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma, na pagsisisihan at talikdan ang ating mga kasalanan. Binibigyan tayo ng pagkakataon na lumapit sa ating Panginoon sa Sakramento ng Kumpisal, upang taos-pusong magbalik-loob sa Kanya. Hinihintay tayong lahat ng Panginoon sa Sakramento ng Kumpisal. Matiyagang naghihintay ang Panginoon para sa panahon ng ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya.
Huwag na nating patagalin pa ang panahon ng ating pagbabalik-loob sa Diyos. Huwag na tayong magbingi-bingihan sa panawagan ng Panginoon. Huwag nating patigasin ang ating mga puso. Maawain ang Panginoon. Ang Awa ng Panginoon ay lubos na dakila at walang pagmamaliw. Huwag tayong matakot na lumapit sa Panginoon upang humingi ng Awa at kapatawaran mula sa Kanya. Hindi tayo itatatwa ng Panginoon dahil tayo ay mga makasalanan. Bagkus, tayong lahat ay Kanyang kahahabagan at tatanggapin muli sa Kanyang piling. Lubos na dakila at hindi nagmamaliw ang Awa ng Panginoon. Walang makahihigit pa sa Dakilang Awa at Habag ng Panginoon sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento