14 Pebrero 2015
Unang Linggo ng Kuwaresma (K)
Deuteronomio 26, 4-10/Salmo 90/Roma 10, 8-13/Lucas 4, 1-13
Mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa ang pamamaraan ng pagpapahayag ng pananampalataya ng bayang Israel sa Panginoong Diyos, sa utos ni Moises. Bahagi ito ng mga tuntunin tungkol sa ikapu at unang bunga ng pananim. Sa kanilang pagpapahayag ng pananampalataya, mapapakinggan natin ang isang maikling pagsasalaysay ng Awa ng Diyos sa Kanyang Bayan noong namumuhay ang bayang Israel bilang mga alipin sa Ehipto. Ipinahayag ng mga Israelita na ang Diyos ay maawain, at dahil sa Kanyang Awa ay pinalaya Niya ang bayang Israel mula sa kaalipinan sa Ehipto. Hindi nila kinalimutan ang dakilang gawa ng Awa ng Diyos.
Nagsalita si Apostol San Pablo sa mga taga-Roma sa Ikalawang Pagbasa patungkol sa pagpapahayag ng pananampalataya sa Panginoon. Si Kristo ay ipinadala ng Diyos upang maging Panginoon at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang bawat sumasampalataya kay Kristo ay Kanyang ililigtas sa pamamagitan ng Kanyang Makapangyarihang Awa at Habag. Ililigtas sila ni Kristo kung sila'y taos-pusong mananalig sa Kanya nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pagkatao. Bukod pa sa pagpapahayag ng pananampalataya sa Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng ating mga labi, ang pananalig sa Kanya ay isang pamamaraan ng pagpapahayag ng ating pananampalataya sa Kanya.
Si Hesus ang Panginoon ng Awa. Siya ang Mahabaging Tagapagligtas na ipinadala ng Ama sa sangkatauhan. Ipinadala Siya upang ang lahat ay sumampalataya sa Kanya. Tayong lahat ay Kanyang ililigtas sa pamamagitan ng Kanyang Awa at Habag. Subalit, ayon kay San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, kinakailangang manalig nang buong puso sa Panginoon at ipahayag ating pananampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga bibig at mga gawain.
Taun-taun nating mapapakinggan ang salaysay ng pagtutukso sa Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo ng Unang Linggo ng Kuwaresma. Tatlong ulit tinukso ang Panginoong Hesus ng demonyo sa ilang. Subalit, bago Siya tinukso ni Satanas, inakay Siya ng Espiritu Santo patungo sa ilang. Nag-ayuno at nanalangin si Hesus sa ilang sa loob ng apatnapung araw. Sumulpot ang demonyo sa eksena noong nakikita at nararatnan niyang si Hesus ay nasa yugto ng Kanyang buhay kung saan Siya'y napakamahina. Gutom na gutom na si Hesus sa mga sandaling yaon. Napakahina na ni Hesus sa mga sandaling yaon.
Ang demonyo ay napakatalino. Hindi niya tutuksuhin ang isang tao kapag alam niya na siya'y nasa mabuting kalagayan. Alam ng demonyo na mahihirapan siya kung tutuksuhin niya ang tao sa kanyang mabuting kalagayan. Bagkus, hinihintay ng demonyo ang tamang pagkakataon - ang mga sandali sa buhay ng bawat tao na kung saan sila'y napaka-mahina. Kung kailan mahina ang tao at sigurado siyang mahihirapan ang tao sa pag-iwas sa kanyang mga tukso, doon lamang siya magpapakita at susulpot sa eksena upang tuksuhin ang tao.
Hindi lang iyan ang katalinuhan ng demonyo. Ang isa pang katalinuhan ng demonyo ay ang paraan ng kanyang pagtutukso. Kapag magtutukso ang demonyo, hindi niya ipapakita ang pangit. Hindi niya ipapakita ang mga bagay na hindi maganda kapag tutuksuhin niya ang bawat tao. Bagkus, ipapakita niya ang kanyang tukso sa isang napakagandang anyo. Ipapakita niya ang mga larawan ng kagandahan at kabutihan sa kanyang mga tukso. Hinihikayat niya ang bawat tao na bumigay sa kaaaliwan ng kanyang mga tukso.
Subalit, kahit gaano mang kahali-halina ang mga tukso ng demonyo, hindi nagpadala si Hesus. Hindi nagpatalo si Hesus laban sa tukso ng demonyo. Kahit kahali-halina ang tatlong tukso ng demonyo kay Hesus, nilabanan ni Hesus ang tukso. Nanalig Siya sa kapangyarihan ng Mabathalang Awa at Habag ng Diyos. Hindi pumayag si Hesus na manaig ang kapangyarihan ng demonyo laban sa Kanyang kapangyarihan. Ginamit Niya ang Kanyang kapangyarihan laban sa demonyo sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Mas makapangyarihan ang Awa ng Diyos. Kahit gaano mang kahali-halina ang bawat tukso, hindi ito mananaig sa kapangyarihan ng Awa ng Panginoon. Ang kapangyarihan ng Awa ng Diyos ay nakita natin noong nagtagumpay si Hesus laban sa tukso ng demonyo sa ilang. Buong puso't pagkatao nanalig si Hesus sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos at sa kalooban ng Diyos. Gaano mang kahali-halina ang mga tukso ni Satanas sa Kanya, pinagtagumpayan ni Hesus ang mga tukso sa pamamagitan ng pananalig sa Awa ng Diyos.
Ang pananalig sa Awa ng Diyos ang susi sa ating pakikibaka laban sa mga tukso. Tunay ngang makapangyarihan ang kapangyarihan ng tukso. Subalit, hindi mananaig ang kapangyarihan ng tukso ay hindi mananaig laban sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos. Mas makapangyarihan ang Mabathalang Awa ng Diyos at magtatagumpay ito laban sa kapangyarihan ng tukso. Kapag tayo'y mananalig sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos, magtatagumpay tayo laban sa kapangyarihan ng tukso. Kahit kailan, hindi magtatagumpay ang kapangyarihan ng tukso laban sa kapangyarihan ng Dakilang Awa ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento