13 Marso 2016
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma (K)
Isaias 43, 16-21/Salmo 125/Filipos 3, 8-14/Juan 8, 1-11
Isang napakabigat na kasalanan noong kapanahunan ni Hesukristo ay ang pakikiapid. Napakabigat ng kaparusahang dadanasin ng mga taong nahuling nakikiapid. Ayon sa batas ng mga Hudyo, kapag may mga nahuling nakikiapid, sila ay hahatakin sa isang pambulikong lugar (katulad ng liwasan) at doon babatuhin hanggang sa mamatay. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ng mga Hudyo ang pakikiapid. Para sa mga Hudyo, hindi katanggap-tanggap at isang malaking kahihiyan ang mga taong nakikiapid.
Sa Ebanghelyo, pinatawad ni Hesus ang isang babaeng nahuling nakikiapid. Sa pagbibigay ng kapatawaran sa babaeng nahuling nakiapid, ipinakita at ipinadama ni Hesus sa kanya ang Banal na Awa ng Diyos sa sangkatauhan. Binigyan ng pangalawang pagkakataon ang babaeng nahuling nakiapid upang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos. Pinili ni Hesus na patawarin ang babae kaysa parusahan. Mas pinili ni Hesus na magpatawad kaysa magparusa.
Nararapat lamang na mapakinggan ang salaysay ng pangyayaring ito tuwing kapanahunan ng Kuwaresma. Nararapat din lamang na mapapakinggan natin ito, lalung-lalo na't ang Kuwaresma sa taong ito ay napapaloob sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ni Papa Francisco isang taon na ang nakakalipas. Ang layunin ng panahon ng Kuwaresma, lalung-lalo na ngayong Banal na Taon ng Awa, ay tuklasin muli ang misteryo ng Banal na Awa ng Diyos. Isinalarawan ni Hesus ang misteryo ng Awa ng Diyos sa Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapatawaran sa babaeng nahuling nakiapid.
Walang kasalanan na makakapantay sa kadakilaan ng Awa ng Diyos. Walang kasalanan na makahihigit pa sa Awa ng Diyos. Walang kasalanang hindi mapapatawad ng Diyos. Hindi mapapantayan ng mga kasalanan ng sangkatauhan ang Awa ng Diyos. Mas dakila ang Awa ng Diyos kaysa sa mga kasalanan ng sangkatauhan, kahit magsama-sama ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan. Gaano mang kabigat ang mga kasalanan ng sangkatauhan laban sa Diyos, hindi kayang mapatayan o makahihigit ang mga ito sa walang hanggang Awa ng Diyos. Mapapatawad ng Diyos ang lahat ng ating mga kasalanan kung tayo ay lalapit sa Kanya nang kusang-loob at hihingi ng Kanyang awa at kapatawaran, gaano mang kabigat ang mga kasalanan natin laban sa Kanya.
Mapapakinggan natin sa aklat ng mga Salmo, "Ang Diyos ay mahabagin, banayad kung magalit, kung umibig nama'y lubos." (Salmo 103, 8) Ipinakita ni Hesus, ang Diyos Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang Awa ng Diyos noong pinatawad Niya ang babaing nakiapid. Hindi na mahalaga sa Panginoon kung gaano kabigat ang kasalanang ginawa niya. Pinagsisihan at tinalikuran na ng babae ang kanyang kasalanan at nagbalik-loob sa Kanya. Hinakayat ng Panginoon ang babae na huwag nang magkasala muli. Mabilis magpatawad ang Panginoon. Kahit ang Panginoon ay isang makatarungang Hukom at Hari, Siya'y maawain at mapagpatawad sa mga makasalanang nagbabagong-buhay at nagbabalik-loob sa Kanya. Handa Siyang magbigay ng pangalawang pagkakataon sa mga makasalanang nagbagong-buhay at nagbalik-loob sa Kanya.
Hindi na mahalaga sa Diyos kung gaano kabigat ang mga kasalanan natin sa Kanya. Gaano mang kabigat ang ating mga kasalanang nagawa sa Kanya, nakahanda Siyang magpatawad. Handa Siyang magpatawad, kahit ang pinakamabigat na kasalanang nagawa laban sa Kanya ay mapapatawad. Lagi Siyang handang magpatawad. Ayaw ng Diyos na mapahamak tayo nang dahil sa kasalanan. Nag-aalala Siya para sa ating kaligtasan. Nais ng Diyos na tayong lahat ay maligtas. Kaya, nananawagan Siya sa atin. Tayo ay tinatawag ng Panginoong Diyos upang pagsisihan natin at talikdan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanyang walang-hanggang Awa. Sa gayon, tayo ay maliligtas dahil sa Kanyang Mabathalang Awa sa atin.
Noong pinatawad ng Panginoong Hesus ang babaeng nahuli sa pakikiapid, ipinakita Niya na kahit ang pinakamabigat na kasalanan ay hindi makakapantay sa Awa ng Diyos. Noong umalis ang mga pumaratang sa babae, nagkatinginan si Hesus at ang babae. Awa ang nakita ng babae sa mga mata ni Hesus. Ang pagtingin ni Hesus sa babae ay masintahin at maawain. Hindi nagpakita ng galit si Hesus sa Kanyang mga mata noong nakipagtitigan Siya sa babaeng nangalunya. Bagkus, ang ipinakita ni Hesus sa babaeng nakipaid ay awa at pagsinta sa Kanyang mga mata. Puno ng awa at pagsinta ang mga mata ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y nakipagtitigan sa babaeng nangalunya.
Ang panawagan ng panahon ng Kuwaresma ay pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Tayong lahat ay mga makasalanan, nagkakasala. Subalit, hindi mapapantayan o mahihigitan ng ating mga kasalanan ang Dakilang Awa ng Diyos. Higit na dakila at makapangyarihan ang Awa ng Diyos kaysa sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Huwag tayong matakot na lumapit sa Diyos upang humingi ng Kanyang Awa at pagpapatawad. Walang makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Diyos ay Kanyang itinatakwil. Bagkus, pinapatawad at muling tinatanggap Niya ang mga makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya.
Sa ating pagbabalik-loob sa Panginoon, hindi matinding galit ang ating makikita sa Kanyang mga mata. Bagkus, sa ating pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Panginoon, awa at pagsinta ang makikita natin sa Kanyang mga mata, katulad ng nakita ng babaeng nakiapid noong siya'y pinatawad ni Kristo. Mapupuno ng awa at pagsinta ang pagtingin ng Panginoon sa atin kapag nakikita Niyang tayo ay nagsisisi at tumatalikod sa kasalanan at nagbabalik-loob sa Kanya.
Huwag tayong matakot na magbalik-loob sa Diyos, lalung-lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma. Hindi mga matang puno ng galit ang ipapakita sa atin ng Panginoon kapag tayo ay nagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, mga matang puno ng awa at pagsinta ang ipapakita ng Panginoon sa atin sa ating pagbabalik-loob sa Kanya. Walang kasalanan na makakapantay o makahihigit pa sa Awa ng Diyos. Handa Siyang magbigay ng awa at kapatawaran sa ating lahat, anuman ang ating mga kasalanan natin sa Kanya at gaano mang kabigat ito, kung tayo ay lalapit sa Kanya at kusang-loob na magbabalik-loob sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento