Linggo, Marso 6, 2016

TAHIMIK, MASIPAG, MASUNURIN

19 Marso 2016
Dakilang Kapistahan ni San Jose,
Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen (ABK) 

2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 



Matatagpuan sa mga unang kabanata ng Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas ang ilan sa mga sandali sa buhay ni San Jose. Sa Ebanghelyo ni San Mateo, tinanggap ni San Jose ang Mahal na Birheng Maria bilang kanyang esposo bago isinilang si Hesus. Pagkatapos ng pagsilang ni Hesus, itinakas ni San Jose ang Mahal na Birheng Maria at ang Sanggol na Hesus mula kay Haring Herodes patungo sa Ehipto. Una siyang mapapakinggan sa salaysay ng pagsilang ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ni San Lucas. Muli siyang mapapakinggan sa Ebanghelyo ni San Lucas noong dinala sa Templo ang Sanggol na Hesus upang ihandog. Ang huling sandaling ni San Jose na naitala ni San Lucas sa kanyang pagsasalaysay ng Mabuting Balita ay noong hinanap ang Batang Hesus sa Templo. Wala na tayong mapapakinggan tungkol kay San Jose noong sinimulan na ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang ministeryo. 

Ang pagsasalarawan nina San Mateo at San Lucas kay San Jose sa kanilang pagsasalaysay ng Mabuting Balita ay nakakainteresado. Sa pagsasalarawan nina San Mateo at San Lucas kay San Jose, naitala nilang dalawa ang tatlong katangian ni San Jose na nakakainteresado. Bagamat may mga pagkakaiba sina San Mateo at San Lucas sa pamamaraan ng kanilang pagsasalaysay, itinala nilang dalawa ang tatlong nakakainteresadong katangian ni San Jose - ang kanyang katahimikan, kasipagan, at pagiging masunurin (lalung-lalo na sa kalooban ng Diyos). 

Una, tahimik si San Jose. Isang nakaka-interesadong katangian ni San Jose ay ang kanyang katahimikan. Laging tahimik si San Jose kapag mapapakinggan natin siya sa Ebanghelyo. Wala, ni isang salita na lumabas mula sa bibig ni San Jose. Walang naitalang salita si San Jose sa mga Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas. Walang salitang lumabas mula sa labi ni San Jose. Puro katahimikan at gawa lamang ang ginawa ni San Jose, ayon kina San Mateo at San Lucas. Hindi siya yung tipong pala-salita. Isang taong tahimik si San Jose. 

Ikalawa, masipag si San Jose. Kahit tahimik si San Jose sa mga Ebanghelyo nina San Mateo at San Lucas, si San Jose ay masipag. Karpintero ang hanapbuhay ni San Jose, ayon sa mga Ebanghelista. Bilang isang karpintero, pinagbubutihan ni San Jose ang kanyang paghahanap-buhay, katulad ng napakaraming mga manggagawa. Masipag siya sa kanyang paghahanap-buhay para sa kanyang pamilya. Nais niyang mamuhay nang maginhawa ang kanyang mga kapamilya. Nais din niyang mapabuti at mapaganda ang kanyang sariling buhay. Kaya, buong sipag at tiyagang naghanap-buhay si San Jose upang mapaganda ang kanyang buhay at ang buhay ng kanyang mga kapamilya. 

Ikatlo, masunurin si San Jose. Isang napakagandang huwaran ng pagiging masunurin si San Jose. Masunurin si San Jose, lalung-lalo na sa kalooban ng Diyos. Laging tumatalima si San Jose sa mga kalooban at plano ng Diyos. Hindi siya natatakot tumalima sa kalooban ng Diyos. Hindi rin niya sinuway ang kalooban ng Diyos. Bagkus, tahimik siyang tumalima sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng tahimik na pagtalima ni San Jose sa kalooban ng Diyos, ipinapakita niya ang kanyang napakalaking pananalig sa Diyos. 

Napakahalaga ng katahimikan, kasipagan, at pagiging masunurin. Kinakailangan natin ng katahimikan upang magmuni-muni, magnilay, mag-isip-isip. Kinakailangan din natin ng katahimikan upang mapalakas ang ating mga sarili, lalung-lalo na ang ating kalooban. Mahalaga din para sa atin ang kasipagan, katulad ng mga manggagawa. Ang mga manggagawa, katulad ni San Jose, ay buong kasipagang nagsusumikap sa kanilang paghahanap-buhay upang mapaganda at mapabuti ang buhay nila at ng kani-kanilang mga pamilya. Kinakailangang maging masipag tayo sa pagtulong sa kapwa upang mapabuti ang buhay ng bawat isa sa atin. Higit sa lahat, kinakailangan din nating sumunod at tumalima sa Diyos at kapwa. Sa pagsunod at pagtalima sa Diyos at kapwa, ipinapakita natin ang ating pananalig at pagmamahal sa Diyos at kapwa. 

Tahimik, masipag, at masunurin. Iyan si San Jose. Iyan ang mga katangiang ipinakita ni San Jose sa kanyang buhay hanggang sa kamatayan. Ginamit niya ang mga katangiang ito para sa ikadarakila ng Diyos. Ginamit ni San Jose ang mga katangiang ito upang magbigay kapurihan, karangalan, at pagsamba sa Diyos. Tahimik na tumalima nang buong kasipagan at pananalig si San Jose sa kalooban ng Diyos hanggang sa araw ng kanyang pagpanaw. Sa gayon, naipakita ni San Jose ang kanyang pananalig at pagmamahal sa Diyos buong buhay niya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento