23 Marso 2016
Miyerkules Santo
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25
Sa Ebanghelyo, palihim na nakipagpulong si Hudas Iskariote sa mga Pariseo at mga matatanda ng bayan. Palihim siyang nakipagkita at nakipagkasundong ipagkanulo ang Panginoon. Nagkasundo si Hudas at ang mga Pariseo, mga eskriba, at mga matatanda ng bayan na ipagkakanulo niya ang Panginoon kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Tatlumpung piraso ng pilak ang gantimpala para kay Hudas sa kanyang pagkakanulo kay Hesus. Pumayag si Hudas na ipagkanulo si Kristo kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Tinalikdan at kinalimutan ni Hudas ang kanyang pagkakaibigan sa Panginoon makuha lamang niya ang gantimpala ng tatlumpung piraso ng pilak.
Nakakalungkot, tatlong taong magkasama sina Hesus at Hudas Iskariote. Kabilang si Hudas Iskariote sa labindalawang alagad na nakasama ni Hesus sa loob ng tatlong taon. Sa loob ng tatlong taon ay lumalim ang pagkakaibigan ni Hesus at ng Kanyang labindalawang alagad. Ang kanilang pagsasama at pagkakaibigan ay tumagal ng tatlong taon. Subalit, kinalimutan at binalewala ni Hudas ang mga alaala ng samahan at pagkakaibigan nila ni Hesus na tumagal ng tatlong taon.
Dahil sa pagkagumon sa salapi, palihim na tinalikuran ni Hudas si Kristo. Tumalikod siya dahil nanaig sa kanya ang paghahangad sa salapi. Palihim siyang nakipagkita at nakipagkasundo sa mga kaaway ni Hesus. Nagkasundo sila upang maidakip si Hesus. Tutulungan ni Hudas ang mga kaaway ni Hesus sa pagdakip sa Kanya. Ipagkakanulo ni Hudas Iskariote si Hesus upang maidakip Siya ng Kanyang mga kaaway. Subalit, ginawa nila iyon ng palihim upang hindi malaman ni Hesus ang kanilang binabalak laban sa Kanya.
Kahit palihim ang pakikipagkita nina Hudas Iskariote sa mga Pariseo at mga matatanda ng bayan, alam ni Hesus kung ano ang mangyayari sa Kanya. Alam Niya na Siya'y dadakipin, at alam Niya kung sino ang magiging kasabwat ng Kanyang mga kalaban. Alam ni Hesus na isa sa Kanyang mga alagad ay traydor, kasabwat ng Kanyang mga kaaway. Nakipagsabwatan ang isa sa Kanyang mga alagad, ang isa sa mga itinuring Niyang kaibigan, sa mga kaaway Niya. Ang isa sa Kanyang mga alagad, ang isa sa Kanyang mga kaibigan, ay magiging taksil Niyang kaaway - si Hudas Iskariote. Mula sa pagiging alagad at matalik na kaibigan ni Hesus, tinalikuran at ipinagkanulo ni Hudas si Hesus.
Ano ang naramdaman ni Hesus noong naisip Niya ito? Lungkot dahil sa nawalan Siya ng kaibigan? Siguro. Matagal na silang nagsama bilang magkaibigan. Mga tatlong taon sila nagsama bilang magkaibigan. Pagkatapos ng tatlong taon, nang dahil sa salapi, binalewala ang pagkakaibigan. Nang dahil sa salapi, tinalikuran ang kaibigan. Napakasakit para kay Hesus na malaman na isa sa mga matalik Niyang kaibigan ang Siyang magiging taksil Niyang kaaway.
Kahit binalewala ni Hudas Iskariote ang tatlong taong ng kanyang pagsasama at pagkakaibigan kay Hesus, hindi nagtanim ng galit si Hesus. Hindi ninais ni Hesus na mapahamak si Hudas Iskariote, kahit napakalaki at napakabigat ng kasalanang gagawin ni Hudas laban sa Kanya. Hindi kinalimutan ni Hesus ang kanilang pagsasama at pagkakaibigan na tumagal sa loob ng tatlong taon. Hindi nagwala si Hesus noong malaman Niya na Siya'y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote. Bagkus, awa pa rin ang ipinakita ni Hesus kay Hudas, kahit kapootan ang ipinakita ni Hudas sa pamamagitan ng kanyang pagtataksil sa Kanya.
Madalas nating kalimutan ang Diyos, lalung-lalo na kapag maginhawa ang buhay natin. Kapag nakakaranas tayo ng tagumpay sa buhay, hindi natin naalala ang Diyos. Hindi natin pinapansin ang Panginoon kapag matagumpay at maginhawa ang ating buhay. Kung kailan tayo nahihirapan sa buhay, saka pa lamang natin naaalala ang Diyos. Subalit, ang Diyos ay hindi nakakalimot. Hinding-hindi tayo nakakalimutan ng Diyos. Lagi Niya tayong naaalala sa bawat araw.
Ilang ulit man nating kalimutan ang Diyos, katulad ni Hudas Iskariote, hinding-hindi tayo nililimot ng Diyos. Hinding-hindi tayo kakalimutan ng Diyos. Lagi tayong naalala ng Diyos sa bawat sandali ng ating buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalaala sa atin, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang Dakilang Awa at Habag sa ating lahat. Nasa atin ang desisyon kung papansinin natin ang pagpapadama ng Awa ng Diyos sa atin. Tayo ang magpapasiya kung ano ang ating tugon sa pagpapadama ng Awa ng Diyos sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento