28 Marso 2016 - Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 20, 8-15
Sa Unang Pagbasa, ipinangaral ni San Pedro Apostol sa kanyang mga kababayan at sa iba pang mga Hudyo na nasa Herusalem noong araw ng Pentekostes ang Mabuting Balita tungkol kay Hesus. Noong si Hesus ay dinakip at pinatay ng Kanyang mga kaaway, ang mga alagad ay naduwag at nagtago sa isang silid. Takot sila sa mga Hudyo. Ayaw nilang madakip at patayin ng mga autoridad dahil sila'y mga tagasunod ni Hesus. Dahil doon, nagtago sila sa isang silid. Subalit, noong si Hesus ay muling nabuhay, nagpakita sa Kanya, at umakyat sa langit, nagkaroon sila ng lakas ng loob. Pagkatapos umakyat si Hesus sa langit, bumaba ang Espiritu Santo mula sa langit upang palakasin ang loob ng mga alagad. Dahil sa biyaya ng Awa ng Diyos na pinagkalooban sa kanila ng Espiritu Santo, ang mga apostol ay nagkaroon ng lakas ng loob upang ipangaral ang Mabuting Balita at sumaksi sa Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay.
Isinalaysay ni Pedro sa mga Hudyo ang kwento ni Hesus. Isinalaysay ni Pedro kung paano nangaral si Hesus sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at gumawa ng mga kababalaghan, katulad ng paggaling sa mga maysakit. Isinilaysay din ni Pedro kung paanong pinatay si Hesus ng Kanyang mga kaaway. Pinatay si Hesus sa krus ng Kanyang mga kaaway dahil akala nila mawawala si Hesus sa kanilang lipunan. Gusto nilang tanggalin si Hesus. Gusto nilang umalis si Hesus. Kaya, dahil sa pagnanais nilang alisin si Hesus sa kanilang mga buhay at lipunan, Siya'y pinatay nila. Subalit, binaliktad ng Diyos ang masamang ginawa laban kay Hesus. Ang masamang balak ng mga kaaway ni Hesus ay binaliktad ng Diyos. Muling binuhay ng Diyos si Hesus sa ikatlong araw. At noong muling nabuhay si Hesus, nagpakita Siya sa mga alagad. Ito naman ang pinapatotoo nina Pedro at ng mga alagad sa kanilang pagsaksi sa Panginoong Muling Nabuhay.
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni San Mateo ang isa sa mga pagpapakita ni Hesus noong Siya'y mabuhay na magmuli. Ayon kay San Mateo, nagpakita si Hesus sa dalawang babae. Nagpakita si Hesus kina Santa Maria Magdalena at sa isa pang Maria. Ayon pa nga kay San Mateo, takot at galak ang naramdaman ng dalawang Mariang ito sa kanilang nakita. Natatakot sila sapagkat wala nang laman ang libingan ni Hesus at baka hindi sila paniwalaan ng mga alagad. Nagagalak din sila sapagkat nabalitaan nilang muling nabuhay si Hesus. Papunta ang dalawang babaeng ito pabalik sa mga alagad noong nakasalubong nila si Hesus sa daan.
"Kapayapaan" ang pagbati ni Kristo sa dalawang babaeng ito. Muling sinabi ng Panginoong Hesus sa dalawang Maria na ibalita sa mga alagad na Siya'y mauuna sa kanila sa Galilea at doon nila Siyang makikita na muling nabuhay. Nais ng Panginoong Hesus na malaman ng mga alagad na Siya'y muling mabuhay. Nais ng Panginoon na maniwala ang mga alagad sa balitang muli Siyang nabuhay upang pagdating ng itinakdang panahon, sila'y makakasaksi sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Ito ang Mabuting Balita na ipangangaral at patotohanan ng mga alagad - si Kristo ay namatay, ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw.
Ang hamon ng panahon ng Muling Pagkabuhay ay sumaksi kay Hesukristong Muling Nabuhay. Ito ang rurok ng ating pananampalataya. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang sentro ng ating pananampalataya. Tayong lahat ay bayan ng Muling Pagkabuhay. Aleluya ang ating awitin. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay sumasampalataya kay Kristong Tagapagligtas. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay nananalig sa Awa ng Diyos. Sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, niligtas Niya ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kasamaan. Ito rin ang Mabuting Balita na nagdudulot ng kagalakan at kaligayahan. Dapat tayong maging mga saksi ng Mabuting Balitang ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento