Sabado, Marso 19, 2016

KAHINAAN NG LOOB

22 Marso 2016
Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 


Dalawa sa mga alagad ni Hesus ang magpapakita ng mga matitinding gawain na nagpapakitang tinalikuran nila ang Panginoon. Una, si Hudas Iskariote. Si Hudas Iskariote ang magkakanulo sa Panginoong Hesus sa pamamagitan ng halik. Tatlumpung pirasong pilak ang ibabayad kay Hudas Iskariote matapos niyang ipagkanulo ang Panginoon. Pangalawa, si San Pedro Apostol. Si San Pedro Apostol ang punong alagad ng Panginoong Hesukristo. Subalit, dahil sa kanyang takot na madakip at patayin, katulad ng Panginoon; tatlong ulit na ipinagkaila ni San Pedro Apostol na siya'y alagad ni Hesus. Kahinaan ng loob ang dahilan kaya ginawa ng dalawang alagad na ito ang kanilang pagtalikod sa Panginoon. 

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin na alam ni Hesus kung ano ang gagawin ng dalawang ito. Kahit nasa hapag-kainan at nagsasalu-salo kasama ang Kanyang mga alagad, alam ni Hesus kung ano ang mangyayari sa mga alagad sa gabi ng Kanyang pagdurusa. Alam ni Hesus na magkakawatak-watak ang Kanyang mga alagad dahil sa Kanyang pagkadakip at pagkamatay sa kamay ng mga pinuno ng bayan. Nalalaman din ni Hesus na dalawa sa mga alagad na kasalo Niya sa hapag-kainan ay may napakahalagang papel sa Kanyang Misteryo Paskwal. 

Ang una ay si Hudas Iskariote. Siya ang taga-ingat ng mga salapi. Subalit, magnanakaw din si Hudas Iskariote. Kinukupit niya ang pera ng samahan. Pera ang kanyang habol. Salapi lamang ang kanyang kagustuhan. Nais niyang magkaroon ng pera. Nais niyang dumami ang kanyang kinikita. Gusto niyang dumami ang kanyang pera at kayamanan para sa kanyang sarili. Nagbubulag-bulagan siya sa pera. Binubulag niya ang sarili dahil sa pera. Pumayag siyang ipagkanulo ang Panginoong Hesukristo dahil sa salapi. Para kay Hudas, mas mahalaga ang salapi kaysa sa pagkakaibigan. 

Ang pangalawa naman ay si San Pedro Apostol. Siya ang nagpahayag na si Hesus ang Mesiyas sa lupain Cesarea ng Filipos. Hinirang siya ng Panginoong Hesukristo bilang bato. Siya ang bato kung saan itatag ni Hesus ang Kanyang Simbahan. Siya ay hinirang upang maging pinuno ng mga alagad. Ipinagkatiwala sa kanya ni Hesus ang mga susi ng langit. Subalit, takot ang nanaig kay San Pedro Apostol sa mga huling sandali ng buhay ni Hesus. Kahit na malakas na sinabi ni San Pedro Apostol na hindi niya tatalikuran o pababayaan ang Panginoon hanggang kamatayan, alam ng Panginoon na hindi mangyayari iyon. Alam ng Panginoon na tatlong ulit Siyang ipagkakaila ni San Pedro Apostol. At gayon nga ang nangyari. 

Kahinaan ng loob. Ito ang dahilan kaya si Kristo ay tinalikuran ng dalawang alagad na ito. Humina ang kanilang kalooban. Sa harap ng pagsubok, bumagsak sila. Kung maihahalintulad ito sa isang pagsusulit sa mga paaralan, bagsak sila San Pedro Apostol at Hudas Iskariote. Ang isa ay nagpadala sa kanyang pagnanasa para sa mga kayamanan at kapangyarihang mula sa mundong ito. Ang isa naman ay nagpadala sa kanyang takot. Marami silang kahinaan, kabilang na doon ang paghahangad ng kayamanan at kapangyarihan sa mundo at ang takot. Dahil sa mga kahinaan na ito, bumagsak sila San Pedro Apostol at Hudas Iskariote bilang mga alagad ni Hesus. Hindi sila pumasa sa pagsusulit. 

Hindi masama ang pagkakaroon ng kahinaan. Likas sa ating pagkatao ang kahinaan. Mayroon tayong mga karupukan, at hindi natin maipagkakaila iyon. May mga pagkakataong kung saan ipinapakita natin ang ating mga kahinaan. Hindi natin kayang takasan ang ating mga kahinaan. Anuman ang gawin natin, may mga karupukan tayo bilang tao. Marupok ang tao. Hindi natin maipagkakaila ang katotohanang iyon. Katulad ng nasasaad sa titik ng isang awitin,

"Ang tao'y marupok, kay daling lumimot. 
Sa Diyos na ang lahat ay Siya ang nagdulot.

Ano ang reaksyon ng Panginoong Hesukristo nang makita Niya ang kahinaan ng Kanyang mga alagad sa mga sandali ng Kanyang pagdurusa? Awa. Isang napakagandang halimbawa ay ang ginawa ni Hesus matapos ang tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro. Matapos ipagkaila ni San Pedro Apostol ng tatlong ulit na hindi niya kilala ang Panginoong Hesus, tinitigan ng Panginoong Hesus si San Pedro Apostol. Nakipagtitigan Siya kay San Pedro Apostol. Walang galit na makikita sa mata ni Hesus noong nakipagtitigan Siya kay San Pedro Apostol matapos ang tatlong ulit na pagkakailang ginawa niya. Mga matang puno ng awa ang ipinakita ni Hesus noong Siya'y nakipagtitigan kay Apostol San Pedro. Ito ang nagpatangis kay San Pedro Apostol at nagpaalala sa pahayag ni Hesus noong sila'y magkasalo sa hapag-kainan bago Siya idinakip ng mga kawal. 

Awa ang tugon ng Panginoon sa bawat isa sa atin. Sa tuwing nakikita Niyang ipinapamalas natin ang ating mga kahinaan, awa ang Kanyang ipinapamalas. Awa ang Kanyang tugon sa kahinaan ng loob ng bawat isa. Pinapalakas ng Panginoon ang ating mga kalooban sa pamamagitan ng pagpapamalas ng Kanyang Awa sa ating lahat. Ang Awa ng Panginoon ay nagdudulot ng lakas sa kalooban ng bawat isa na punung-puno ng kahinaan. Sa tuwing tayo ay nakakaranas ng kahinaan sa ating kalooban at gusto nang sumuko, nandiyan ang Awa ng Diyos upang palakasin tayo. Sa pamamagitan ng lakas na dulot ng Awa ng Panginoong Diyos, tayo'y nagkakaroon ng lakas upang harapin ang bawat yugto ng buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento