26 Marso 2016
Sabado de Gloria - Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Lucas 24, 1-12
Kagalakan ang tema ng Bihiliya ng Pasko ng Pagkabuhay. Sa gabing ito, tinitipon ng Inang Simbahan ang kanyang mga anak upang ipagdiwang nang may buong kagalakan ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang rurok ng ating pananampalataya. May kabuluhan ang ating pananampalataya dahil sa Muling Pagkabuhay ni Hesus. Kung hindi muling nabuhay si Hesus, walang kabuluhan ang ating pananampalataya ngayon.
Ang kapighatian at hapis dulot ng Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Hesus noong Biyernes Santo ay napawi ng Muling Pagkabuhay ni Hesus. Tapos na ang pagdurusa at kapighatian. Tapos na ang hapis at lumbay. Pinawi ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay ang lahat ng hapis, pagdurusa, at kapighatian. Pinalitan at binago ni Hesus ang hapis, lumbay, at kapighatian. Ginawa Niyang kagalakan ang hapis, lumbay, at kapighatian dala ng Kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay. Ang mga taong punung-puno ng hapis at lumbay ay nagdiriwang at nagbubunyi nang may kagalakan dahil sa Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang dahilan kung bakit nagdiriwang ang Simbahan nang may kagalakan at pagbubunyi sa gabing ito.
Isa sa mga nakaranas ng matinding kagalakan dahilan sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ay ang Mahal na Birheng Maria. Ayon sa tradisyon, unang nagpakita ang Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay sa Mahal na Inang Maria. Ito ay ating ginugunita sa Salubong na isinasagawa sa madaling araw ng Linggo ng Pagkabuhay o kaya pagkatapos ng Bihiliya ng Pagkabuhay. Tahimik ang mga Ebanghelista tungkol sa pagtatagpong ito. Subalit, ayon sa Ebanghelyo, hindi sumama ang Mahal na Ina kina Maria Magdalena at sa kanyang mga kasama papunta sa libingan ni Kristo. Masasabi nating kaya hindi na sumama ang Mahal na Ina kina Maria Magdalena sa libingan ni Kristo dahil alam na niyang muling nabuhay si Kristo. At alam ni Maria na muling nabuhay si Kristo sapagkat nakita at nakatagpo niya ang Kristong Muling Nabuhay.
Nagdulot ng matinding kagalakan para kay Maria ang kanyang pagtatagpo kay Hesus pagkatapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Matapos ang matinding hapis at lumbay dahil sa Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Hesus, nagalak si Maria nang makita niya si Hesus na Muling Nabuhay. Napawi ang lahat ng kalungkutan na naramdaman sa kanyang puso. Ang hapis ni Maria ay naging kagalakan noong nakatagpo niya si Hesus na Muling Nabuhay. Ang Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Hesus ay nagdulot ng hapis at sakit sa puso ni Maria. Katulad ng hula ni Simeon kay Maria noong inihandog si Hesus sa Templo, ang puso ni Maria ay parang tinarakan ng balaraw noong nagdurusa at namatay si Hesus. Nasugatan ang puso ni Maria dahil sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus. Subalit, hinilom ang mga sugat sa puso ni Maria ng Panginoong Muling Nabuhay. Hinilom ni Hesus na Muling Nabuhay ang sugatang puso ni Maria noong sila'y nagkatagpo matapos ang Kanyang maluwalhating paglabas mula sa libingan.
Paulit-ulit na ipinahayag ni Hesus sa Kanyang mga alagad noong kasa-kasama pa Niya sila na kinakailangan Niyang magpakasakit at mamatay bago Niya makamit ang kaluwalhatian sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Hindi naunawaan ng mga alagad ang sinabi ni Hesus noon. Pero, nagkatotoo ang mga sinabi ni Hesus sa kanila. Katulad ng Kanyang sinabi, muling nabuhay ang Panginoong Hesus tatlong araw makalipas ang Kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa krus. Hindi nagtapos ang lahat sa krus at kamatayan. Hindi nagtapos ang lahat sa kamatayan ni Hesus sa krus. Muling nabuhay si Hesus tatlong araw matapos Siyang mamatay sa krus sa Kalbaryo, katulad ng Kanyang sinabi.
Sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, nagwakas ang mga sandali ng hapis at lumbay ni Maria. Nagwakas ang pagluluksa ni Maria sa pagkamatay ni Hesus. Tapos na ang panahon ng pagluluksa. Winakasan ni Hesus ang pagluluksa ng Mahal na Birheng Maria noong Siya'y muling nabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, pinawi ni Hesus ang lahat ng lumbay, sakit, at hapis sa puso ni Maria at ng lahat ng mga mananampalataya. Ang lahat ng mga lumbay, sakit, at hapis dulot ng Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Hesus ay napawi na Niya. Pinawi ni Hesus ang lahat ng hapis, sakit, at lumbay sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay nagdulot ng kagalakan kay Maria at sa bawat isa na sumasampalataya sa Kanya.
Sabado de Gloria. Sabado ng Kaluwalhatian. Sabado ng Kagalakan. Nakamit ni Hesukristo ang Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Nagtagumpay si Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay At ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ay nagdulot ng malaking kagalakan sa lahat. Kaya, kaisa ng Mahal na Birheng Maria, makihati tayo sa kagalakang dulot ng Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay. Tapos na ang mga sandali ng hapis at pagluluksa. Panahon na upang magdiwang nang may kagalakan. Magalak tayong lahat sapagkat ang Panginoong Hesukristo ay Muling Nabuhay. Nagtagumpay ang Panginoon! Nabuhay na mag-uli ang Panginoon! Magdiwang at magalak tayong lahat dahil nagtagumpay ang Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento