27 Marso 2016
Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
[Pagmimisa sa Araw]
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9
"Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang."
Kagalakan ang handog ng Panginoong Muling Nabuhay. Pagkatapos ng mga kapighatian at pagdurusa, muling nabuhay ang Panginoong Hesukristo. Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ay nagdulot ng kagalakan sa lahat. Hindi nagtapos ang lahat para kay Hesus sa kamatayan. Hindi nanatiling patay si Hesus. Tatlong araw makalipas ang Kanyang pagkamatay, Siya'y bumangon at lumabas nang matagumpay mula sa Kanyang libingan. Lumabas si Hesus mula sa Kanyang libingan taglay ang buong kaningningan at kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay, pinawi ni Hesus ang lahat ng hapis at lumbay at pinalitan Niya ito ng kagalakan. Ang kagalakang kaloob ng Panginoong Muling Nabuhay ay iba sa kagalakang dulot ng mundo. Mas malaki, mas matindi, at mas malalim ang kagalakang kaloob ng Panginoong Muling Nabuhay.
Subalit, sa Ebanghelyo, pagdududa ang nanaig sa puso't isipan ng mga alagad ni Hesus. Noong pumunta si Maria Magdalena sa libingan ni Hesus, nagduda siya. Nagtaka si Maria Magdalena kung bakit walang laman ang libingan. Hindi niya alam kung bakit wala na ang bangkay ni Hesus sa libingan. Hindi niya alam na muli Siyang nabuhay. Ang akala ni Maria Magdalena, isang pagnanakaw ang naganap. Ninakaw ang bangkay ni Hesus. Hindi pa nila nauunawaan nang lubusan ang mga pangyayaring naganap. Una, si Hesus ay namatay. Pangalawa, wala nang laman ang libingan ni Hesus. Hindi nila naintindihan o naunawaan na si Kristo'y kailangang mamatay at muling mabuhay.
Tumakbo si Maria Magdalena pabalik sa mga alagad at ibinalita kung ano ang kanyang nakita. Nagulat din ang mga alagad sa ibinalita ni Maria Magdalena. Hindi nila maunawaan kung bakit may nagnakaw ng bangkay ni Hesus. Hindi sila makapaniwala sa balitang hatid ni Maria Magdalena. Hindi sila makapaniwalang wala nang laman ang libingan ng Panginoon.
Dalawa sa mga alagad ang nagtakbuhan patungo sa libingan - sina Pedro at Juan, ang alagad na minamahal ni Hesus. Naunahan ni Juan si Pedro. Unang nakarating si Juan sa libingan ni Hesus. Pero, hinayaan niya munang pumasok si Pedro bago siya tuluyang makapasok. Nakita ng dalawang alagad na ito ang dalawang kayong lino na pambalot sa katawan ni Hesus. Ang mga kayong lino na pambalot sa ulo at paa ni Hesus ay magkahiwalay, ngunit nakatiklop. Hindi isang pagnanakaw ang naganap. Kung may nagnakaw man sa bangkay ni Hesus, maaaring kinuha niya ang bangkay kasama ang mga kayong lino o kaya'y tinanggal ang mga kayong lino mula sa bangkay at iniwan ang mga kayong lino na nagkakalat-kalat.
Si San Juan Apostol, ang alagad na minamahal ni Hesus, ang unang alagad na naniwalang muling nabuhay ang Panginoong Hesus. Kahit hindi niya lubusang naintindihan kung paano nangyari iyon, katulad ng mga kapwa niyang alagad, naniwala si Juan na nabuhay na mag-muli si Hesus. Magulo ang mga naganap na pangyayari. Mahirap maunawaan kung bakit naganap ang mga pangyayaring ito. Subalit, sa kabila ng mga ito, naniwala agad si Juan na muling nabuhay si Hesus. Kahit nahirapan siya sa pag-unawa sa mga pangyayaring naganap, si Juan ay naniwalang nabuhay na magmuli si Kristo.
Walang kaso ng pagnanakaw na naganap. Hindi ninakaw ang bangkay ni Kristo. Bagkus, si Kristo ay bumangon at lumabas mula sa libingan. Sa Kanyang paglabas mula sa libingan, tinaglay Niya ang Kanyang kaningningan at kaluwalhatian. Hindi pinigilan ang paglabas ni Hesus mula sa libingan. Kahit ginawa ng mga kaaway ni Hesus ang lahat upang mapanatili Siyang patay, hindi sila nagtagumpay. Walang nakapigil sa matagumpay at maluwalhating pagbangon at paglabas ni Hesus mula sa libingan. Hindi pinigilan ang paglabas ni Hesus mula sa libingan. Bagkus, tuloy-tuloy Siya sa paglabas mula sa libingan.
Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay gawa ng Awa ng Diyos. Niloob ng Diyos na si Kristo ay mamatay at muling mabuhay pagkaraan ng tatlong araw. Ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ni Hesukristo ang kapangyarihan ng Kanyang Awa. Sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, ipinakita ng Diyos kung gaanong kadakila at makapangyarihan ang Kanyang Mabathalang Awa. Sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo, ipinamalas ng Diyos sa daigdig ang kapangyarihan at kadakilaan ng Kanyang Awa.
Nagtagumpay ang Awa ng Diyos laban sa kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. Hinding-hindi magtatagumpay ang kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan laban sa kapangyarihan at kadakilaan ng Awa ng Diyos. Kahit sa unang tingin, mukhang mananaig ang kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan laban sa kapangyarihan ng Awa at Habag ng Diyos, hinding-hindi mananaig ang ito laban sa Awa ng Diyos. Sapagkat higit na dakila at makapangyarihan ang kapangyarihan ng Awa at Habag ng Diyos kaysa sa kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan.
Hindi kinamit ng Panginoon ang tagumpay na ito para sa ganang sarili lamang, kinamit Niya ito para sa ating lahat. Tayo ang dahilan kung bakit mayroong Krus at Muling Pagkabuhay. Tayo ang dahilan kung bakit ipinamalas ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Kung hindi dahil sa Awa ng Diyos, walang Krus at Muling Pagkabuhay. At kapag walang Krus at Muling Pagkabuhay, walang kaligtasan para sa ating lahat. Tayong lahat ay iniligtas ng Diyos dahil sa Kanyang Awa at Habag sa atin. At ito'y ipinakita Niya sa Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesukristo.
Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ay araw ng tagumpay. Dahil araw ng tagumpay ang Pasko ng Pagkabuhay, dapat tayong magalak at magdiwang. Sa Pasko ng Pagkabuhay, nagtagumpay ang Panginoon. Nagtagumpay ang Panginoon dahil sa Kanyang Dakilang Awa at Habag sa ating lahat. Ang Kanyang Awa at Habag ay ang Kanyang sandata laban sa kasamaan at kasalanan. Ipinakita ng Panginoon ang kapangyarihan ng Kanyang Awa at Habag sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. At sa Muling Pagkabuhay ni Hesukristo, nagtagumpay ang Awa ng Diyos laban sa kasamaan at kasalanan. Pinatunayan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo na mas makapangyarihan ang Awa ng Diyos kaysa sa kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan. At hindi mananaig kahit kailan ang kapangyarihan ng kasalanan at kasamaan laban sa kapangyarihan ng Awa ng Diyos na nagdudulot ng tagumpay at kagalakan sa lahat.
MALIGAYANG PASKO NG PAGKABUHAY SA INYONG LAHAT!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento