Huwebes, Marso 31, 2016

WALANG HANGGANG KAGALAKAN MULA SA PANGINOONG MULING NABUHAY

31 Marso 2016 
Huwebes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 3, 11-26/Salmo 8/Lucas 24, 35-48 


Patuloy nating pinagninilayan ang tema ng kagalakang nagmumula sa Panginoong Muling Nabuhay sa mga araw ng Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay. Kagalakan ang hatid at ibinabahagi ng Panginoong Muling Nabuhay, hindi lamang sa Mahal na Birheng Maria o sa Kanyang mga alagad at tagasunod, kundi sa lahat. Sapagkat sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, pinaligaya ni Hesus ang mundo. Nagtagumpay si Hesus laban sa kasamaan at kamatayan, at ito ay naghatid ng walang sawang kagalakan para sa lahat. Kaya, hindi lamang isang araw, ang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang ibinibigay sa atin ng Simbahan upang pagnilayan ito, kundi walong araw. Katunayan nga, ang panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay tumatagal hanggang Linggo ng Pentekostes. 

Sa Unang Pagbasa, patuloy na nangaral si San Pedro Apostol sa kanyang mga kababayan patungkol kay Hesus. Kakatapos lang pagilingin nina San Pedro at San Juan ang isang lalaking ipinanganak na lumpo. Nagulat ang lahat ng mga taong nakasaksi sa pangyayaring iyon. Ang inaakala nilang mananatiling lumpo habambuhay ay nakakalakad na. Hindi nila lubusang maisip at maisalarawan sa kanilang mga isipan na makakalakad ang isang lumpo. 

Paliwanag ni Pedro sa mga tao, hindi kapangyarihan nila ang nagpagaling sa lumpong iyon. Hindi nagmula sa kanila ang kapangyarihang magpagaling. Bagkus, pinagaling ang lalaking ipinanganak na lumpo sa pamamagitan ng Pangalan ni Hesukristo. Si Kristo ang nagpagaling sa lalaking ipinanganak na lumpo. Sina San Pedro at San Juan Apostol ay mga instrumento lamang ni Kristo. Ang dalawang ito ay ginamit ni Kristo bilang Kanyang mga instrumento. At may kapangyarihang magpagaling ang mga alagad dahil kasama nila si Kristo saanman sila pumunta, katulad ng Kanyang ipinangako sa kanila. 

Noong ipinagaling ang lalaking ito, siya'y nagkaroon ng matinding kagalakan. Hindi mapapalitan ng pera o limos ang kagalakang natanggap niya. Oo, masaya siya noong nakakatanggap siya ng pera o limos. Subalit, hindi mapapantayan ng pera o limos ang kagalakng nararamdaman niya sa mga oras na iyon. At ang kagalakang ito ay nagmula sa Panginoong Hesukristo na nagpagaling sa kanya. Hindi man nakita ng lumpong ito ang Panginoong Hesukristo nang personalan, naranasan niya ang Kanyang kapangyarihan noong siya'y pinagaling nina San Pedro at San Juan Apostol, ang Kanyang mga instrumento dito sa lupang ibabaw. 

Sa Ebanghelyo, nagpakita ang Panginoong Muling Nabuhay sa mga alagad sa silid na kanilang pinagtitipunan. Kakatapos lang din Niya magpakita sa dalawang alagad na naglalakbay patungo sa Emaus. Bumalik ang dalawang alagad na ito sa iba upang ibalita sa iba na tunay ngang muling nabuhay ang Panginoon. Hindi nila nakilala ang Panginoon noong una, subalit, nakilala nila Siya noong pinaghati-hati Niya ang tinapay. Subalit, nagdulot ito ng pag-aalinlangan sa pagitan ng mga alagad. Hindi sila makapaniwala na buhay nga ang Panginoon. 

Ang Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay ay nagpakita sa kanila. "Sumainyo ang kapayapaan!" ang bati Niya sa mga alagad. Kahit na iniwanan ng mga alagad ang Panginoon sa Getsemani, kapayapaan pa rin ang pagbati ng Panginoon sa kanila. Hindi nagpakita ng galit o paghihiganti ang Panginoon sa mga alagad noong Siya'y magpakita sa kanila. Bagkus, kapayapaan at kagalakan ang hatid ng Panginoon sa mga alagad noong Siya'y magpakita. Hinayaan pa nga Niyang tingnan at hawakan nila ang Kanyang mga kamay at paa upang maniwalang Siya nga ang nakikita nila. Kumain pa nga Siya sa kanilang harapan. 

Hindi na pag-aalinlangan ang naghari sa puso ng mga alagad. Kagalakan ang naghari sa kanilang mga puso. Ang mga alagad ay nagalak dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Noong nagpakita ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa kanila, nagkaroon sila ng kagalakan. Nagalak sila sapagkat nakita nila ang Panginoong Muling Nabuhay. Ang kagalakang nararamdaman nila noon ay nagmula sa Panginoong Muling Nabuhay na nagpakita sa kanila. 

Inaanyayahan tayong lahat na magalak sapagkat ang Panginoong Hesukristo ay Muling Nabuhay. Pinaligaya ng Panginoong Hesus ang buong santinakpan sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang kagalakang iyon ay hindi katulad ng kagalakang nagmumula sa sanlibutan. Bagkus, walang hanggan ang kagalakan at kaligayahang dulot ng Panginoong Muling Nabuhay. Ang kagalakan at kaligayahang walang hanggan na nagmumula sa Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay ay isa sa Kanyang mga pagpapala sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento