1 Abril 2016 - Biyernes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 4, 1-12/Salmo 117/Juan 21, 1-14
Ang Ebanghelyo ngayong Biyernes sa Oktaba ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay tungkol sa pagpapakita ng Panginoong Hesukristo sa mga alagad sa Lawa ng Tiberias. Ayon sa mga dalubhasa sa Bibliya, ito ay isang epilogo ng Ebanghelyo ni San Juan. Natapos na ang Ebanghelyo ni San Juan sa ika-20 kabanata. Ang kabanatang ito ay isang karagdagan sa Ebanghelyo ni San Juan. Dinagdag lamang ni San Juan Ebanghelista ang kwento ng pagpapakita ng Panginoong Muling Nabuhay sa mga alagad sa Lawa ng Tiberias sa Ebanghelyo.
Ito rin ang inspirasyon ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Kardinal Tagle ng Maynila. Ang saliwikain ng Mahal na Kardinal Luis Antonio Tagle ng Maynila sa wikang Latin ay "Dominus est!" "Ang Panginoon iyon!" kung isasalin sa Tagalog. Ang mga katagang ito ay nagmula kay San Juan, ang alagad na pinakamahal ni Hesus. Nakilala niya si Hesus na Muling Nabuhay noong makita niyang marami silang nahuling isda. Naalala ng alagad na ito na si Hesus lang ang dahilan kung bakit nakahuli sila ng isda noong minsan. Naalala ng alagad na ito na alam ni Hesus kung saan sila makakahuli ng isda.
Ang Panginoon iyon. Mga katagang nagpapakilala sa Panginoong Hesukristo. Ang mga katagang ito ay nagsasalarawan kung sino si Hesukristo. Si Hesus ang Panginoon na Muling Nabuhay. Hindi Siya isang multo, hindi Siya isang panaginip. Siya ang Panginoong Muling Nabuhay. Siya'y pinatay ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw. Si Hesus ang Panginoon na muling nabuhay at patuloy na nagmamahal sa lahat, kahit paulit-ulit silang nagkakasala laban sa Kanya.
Si Hesus ang Panginoon na humirang sa mga alagad. Si Hesus ang Panginoon na nagturo tungkol sa awa at pagmamahal. Si Hesus ang Panginoon na nag-alay ng Kanyang buhay sa krus alang-alang sa ating lahat. Si Hesus ang Panginoong Muling Nabuhay na nagkamit ng tagumpay at kaligtasan, hindi lamang para sa Kanyang sarili kundi para sa ating lahat. Si Hesus ang Panginoon ng awa at pagmamahal. Si Hesus ang Panginoon na patuloy na nagbibigay ng awa at pagmamahal sa ating lahat. Si Hesus ang Panginoon na handang magbigay ng kapatawaran sa mga makasalanang humihingi ng Kanyang kapatawaran.
Ang Panginoong Hesus, ayon sa hula sa Salmo ngayong araw na ito, ang batong itinakwil na naging saligan. Ang batong itinakwil ay naging batong-panulukan. Kahit si Hesus ay itinakwil ng Kanyang mga kababayan at pinagpatay ng Kanyang mga kaaway, Siya ay itinaas at muling binuhay ng Ama. Binaliktaran ng Ama ang gawain ng tao. Binaliktad ng Ama ang ginawa ng mga kaaway ni Hesus. Muling binuhay si Hesus at itinaas ng Ama. Mula sa kapakumbabaan ni Hesus, Siya'y itinaas at itinampok ng Ama. Katulad ng nasusulat sa ikalawang kabanata ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos, "Binigyan ng Ama si Hesus ng Ngalang tampok sa langit at sansinukob." (Filipos 2, 8-9)
Si Hesus ang Panginoong Muling Nabuhay na nagkamit ng tagumpay alang-alang sa atin. Kinamit Niya ang tagumpay sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Siya ang makapangyarihang Haring nagkamit ng tagumpay para sa ating lahat. Subalit, si Hesus ay isa ring maawain at mapagpatawad na Panginoon. Dahil sa Kanyang awa at pagmamahal sa atin, handa Siyang magbigay ng kapatawaran sa ating lahat kung tayo ay maninikluhod at lalapit sa Kanya upang hingin ang Kanyang Awa at Kapatawaran. Sapagkat bukod pa sa pagiging Makapangyarihang Hari, si Hesus ay ang Panginoon ng Awa at Habag.
Sino ang Hari at Panginoon ng Awa? Sino ang Hari at Panginoon na may tunay na awa at pagmamahal sa sangkatauhan? Ang Panginoon iyon! Si Hesus iyon!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento