2 Abril 2016 - Sabado ng Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 4, 13-21/Salmo 117/Marcos 16, 9-15
Sa Unang Pagbasa, pinahagupit ng mga punong saserdote, mga matatanda ng bayan, at mga eskriba - mga bumubuo ng Sanedrin - ang mga apostol na sina Pedro at Juan. Pagkatapos ipahagupit ang dalawang apostol na ito, binabalaan ng Sanedrin ang dalawang ito na huwag nang magsalita o magturo patungkol kay Hesukristo sa mga pampublikong lugar. Subalit, hindi ito sinunod nina Pedro at Juan. Sabi pa ng dalawang apostol sa Sanedrin, "Kayo na po ang humatol kung alin ang matuwid sa paningin ng Diyos: ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita't narinig." (4, 19-20)
Hindi natakot sina Pedro at Juan sa anumang parusang ipapataw sa kanila ng mga pinuno ng bayan, lalung-lalo na kung ito'y manggagaling sa Sanedrin. Hindi na sila ang mga dating mangingisdang tagasunod ni Kristo na naduwag at iniwanan Siyang mag-isa sa Getsemani. Bagkus, binago sila noong araw ng Pentekostes. Noong araw ng Pentekostes, bumaba ang Espiritu Santo mula sa langit at pumanaog sa mga apostol na nagkatipon sa senakulo. Dahil dito, nagkaroon ng lakas ng loob ang mga alagad. Ang tibay ng kalooban ay isang biyayang ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon. Ipinagkaloob ito sa kanila sapagkat kakailanganin nila ito para sa kanilang misyon - magpahayag at magpangaral patungkol sa Panginoong Hesukristo at sa Mabuting Balita sa lahat ng dako.
Dahil sa tibay ng loob na nagmula sa Diyos, hindi na sila natakot sa anumang pag-uusig. Hindi na natakot ang mga apostol na magsalita at magturo tungkol sa Panginoong Hesus saanman sila pumunta. Hindi sila takot sa mga pag-uusig na gagawin laban sa kanila. Buong katapangan nilang haharapin ang pag-uusig, kahit ang kamatayan. Nakahandang mamatay ang mga apostol alang-alang sa Panginoong Hesus at sa Mabuting Balita.
Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, dalawang ulit ibinalita sa mga alagad ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Unang nagbalita sa mga alagad si Maria Magdalena. Ang pangalawang nagbalita sa kanila ay dalawang alagad na naglalakad patungo sa bukid. Subalit, hindi pinaniwalaan ng mga alagad ang ibinalita ng dalawang grupong ito sa kanila. Hindi nila pinaniwalaan na si Hesus ay muling nabuhay. Kaya, noong nagpakita si Hesus, pinagsabihan Niya ang mga ito dahil sa kanilang katigasan ng ulo at puso. Dahil sa katigasan ng ulo at puso ng mga alagad, hindi sila naniwala sa balitang muling nabuhay ang Panginoong Hesus.
Sa ikalawa at huling bahagi ng Ebanghelyo, isinugo ni Hesus ang mga alagad. Inihabilin at iniutusan ni Hesus ang mga alagad na ipangaral ang Mabuting Balita sa iba't ibang dako ng daigdig. Aalis na si Hesus sa mundong ito. Babalik si Hesus sa Ama. Subalit, kinakailangang ipagpatuloy ang misyon na Kanyang sinimulan. Kaya, ipinasa ni Hesus sa mga alagad ang Kanyang misyon. Ipagpapatuloy ng mga alagad ang sinimulan ni Hesus. Ipapakilala at ipangangaral ng mga alagad sa buong daigdig si Hesus at ang Mabuting Balita.
Ang Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo ay nagbibigay-kagalakan sa lahat. Sa pamamagitan ng Mabuting Balita, binibigyan tayo ng kagalakan ng Panginoon. Mabuti ang balitang hatid ng Panginoon sa atin. At ano ang balitang iyon? Ang kaligtasan ng sangkatauhan. Iniligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan, kasamaan, at kamatayan dahil sa Awa ng Diyos sa ating lahat. At sa Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesukristo, makikita ang larawan ng Awa ng Diyos sa buong sangkatauhan. Isinalarawan ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay ang Awa ng Diyos sa ating lahat. Ang Awa ng Diyos ang nagdala ng kaligtasan sa atin.
Misyon natin bilang Simbahan ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ni Kristo. Hindi lamang po ito para sa Santo Papa, mga Kardinal at Obispo, mga kaparian, mga relihiyoso't relihiyosa, kundi para sa ating lahat na bumubuo ng Simbahang itinalaga ni Kristo. Ipinagkatiwala ng Panginoon sa mga alagad, mga unang Obispo ng Simbahan, ang misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa lahat ng dako. Ipinagpapatuloy ng Simbahan magpahanggang-ngayon ang misyong ito. Hindi lamang ang Santo Papa, mga obispo, mga kaparian, o mga relihiyoso't relihiyosa lamang ang bumubuo sa Simbahan, kundi tayong lahat. Kaya, ang misyon ng Simbahan ay misyon din natin. Makiisa tayo sa misyon ng Simbahan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Kristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento