10 Abril 2016
Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Mga Gawa 5, 27b-32. 40b-41/Salmo 29/Pahayag 5, 11-14/Juan 21, 1-19 (o kaya: 21, 1-14)
Sa panahon ngayon, parami nang parami ang mga taong nagiging torpe pagdating sa pag-ibig. Ayon sa karamihan, lalung-lalo na sa mga kabataan ngayon, ang mga torpe ay ang mga taong hindi masabi ang kanilang damdamin para sa taong mahal nila. Hindi nila kayang aminin ang kanilang damdamin at pagmamahal para sa taong minamahal nila. Sa pakiwari ko, hindi lang sila nahihiya. Natatakot sila at baka tanggihan lamang sila ng taong mahal nila. Subalit, kahit hindi nila kayang aminin ang mga tunay na nararamdaman nila, totoo naman ang kanilang pagmamahal para sa taong mahal nila. Takot man ang mga torpe sa pag-amin ng kanilang mga damdamin, sila pa ang totoong nagmamahal.
Halimbawa, si Tenten ng teleseryeng Dolce Amore sa ABS-CBN. Noong nakaraang buwan, nasaksihan natin ang pagiging torpe ni Tenten. Hindi masabi ni Tenten kay Serena ang mga tunay na nararamdaman niya para kay Serena. Masasabi nating hindi lang nahihiya si Tenten kay Serena, takot na takot siya. Noong sumablay ang lakad nila Tenten at Serena, doon nakaramdam ng matinding takot at kahihiyan si Tenten. Iniiwasan na niya si Serena. Hindi sinasagot ni Tenten ang mga tawag at text ni Serena sa kanya. Hindi na niya kinakausap si Serena. Gumagamit siya ng mga palusot para hindi sumama kay Serena. Nagtaka si Serena sa mga ginagawa ni Tenten, at sa isang bahagi ng teleseryeng iyon, pilit na tinanong ni Serena kay Tenten kung ano ang problema niya at kung bakit niya ginagawa ang mga iyon. At dahil sa pagpupumilit ni Serena, inamin na ni Tenten ang kanyang mga tunay na nararamdaman - mahal niya si Serena. Hindi na kayang itago ni Tenten ang kanyang mga nararamdaman para kay Serena. Inamin na ni Tenten ang totoo. At ang sabi ng karamihan, "Hindi na siya torpe."
Sa Ebanghelyo, tatlong ulit na tinanong ng Panginoong Hesus si San Pedro Apostol kung mahal niya si Hesus. Tatlong ulit na tinanong ni Hesus si Pedro. Tatlong ulit din namang ipinahayag ni Pedro ang kanyang pagmamahal para sa Panginoong Hesus. Sa tatlong ulit na pagtatanong ni Hesus kay Pedro, binibigyan ni Hesus ng panglawang pagkakataon si Pedro upang makapagsimula muli. Tatlong ulit na itinatwa ni Pedro si Hesus noong Siya'y nagpakasakit at namatay sa mga kamay ng mga pinuno ng bayan. Ngayon naman, tatlong ulit tinanong ni Hesus si Pedro kung mahal niya si Hesus. Isa itong pagkakataong ibinigay ni Hesus kay Pedro upang magsimula muli at magkaroon ng bagong buhay mula sa Kanya.
Noong bisperas ng Pasyong Mahal ng Panginoong Hesukristo, nangako si Apostol San Pedro na ipagtatanggol niya ang Panginoon. Nangako si Pedro kay Hesus na sasamahan niya si Hesus, kahit humantong pa ito sa kamatayan. Subalit, alam ni Hesus na hindi iyan gagawin ni Pedro. Sa halip na ipagtanggol ang Panginoon, ipagkakaila ni San Pedro na kilala niya ang Panginoon. Alam ng Panginoon na hindi Siya ipagtatanggol ni Pedro. Sinamahan nga ni Pedro si Hesus, subalit palihim nga lang. Palihim na sumunod si Pedro kay Hesus at sa mga bantay papunta sa bahay ng pinakapunong saserdote upang hindi siya mahuli. Ayaw ni Pedro na mahuli siya ng mga autoridad. Kaya, palihim siyang sumunod patungo sa bahay ng pinakapunong saserdote. At noong nandoon na si Pedro sa bahay ng pinakapunong saserdote, tatlong ulit na itinatwa ni Pedro si Hesus.
Hinanakit at panghihinayang ang naramdaman ni Pedro matapos niyang itatwa ng tatlong ulit si Hesus. Nandoon na si Pedro sa bahay ng pinakapunong saserdote. Nandoon din si Hesus sa lugar na iyon. Maaari sanang ipagtanggol at iligtas ni Pedro si Hesus mula sa Kanyang mga kaaway. Maaari din sanang magpahuli si Pedro sa mga opisyal at mamatay kasama ni Hesus, katulad ng kanyang winika sa senakulo. Subalit, hindi ginawa ni Pedro ang mga iyon dahil sa kanyang takot sa mga sandaling iyon. Sa halip na ipagtanggol at samahan ang Panginoon, tatlong ulit ipinagkaila ni Pedro ang Panginoon. Dahil sa takot na nararamdaman ni Pedro sa mga sandaling iyon, tatlong beses niyang ipinagkaila si Hesus. Kung hindi lang siya nagpadala sa sarili niyang takot, naipagtanggol na sana ni Pedro si Hesus.
Ang mga hinanakit at panghihinayang na nararamdaman ni Pedro pagkatapos ng pangyayaring iyon siguro ang dahilan kaya inunahan siya ni San Juan noong sila'y nagtakbuhan papunta sa libingan. Dinibdib ni Pedro ang nangyari. Kahit muling nabuhay si Hesus, dinibdib pa rin niya ang kanyang ginawa kay Hesus. Hindi mapatawad ni Pedro ang kanyang sarili dahil tatlong ulit niyang ipinagkaila si Hesus. At para kay Pedro, daig pa niya si Hudas Iskariote. Kung ipinagkanulo at ibinenta ni Hudas si Hesus kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak, ipinagkaila naman ni Pedro nang tatlong ulit si Hesus. Kaya, sa halip na tumakbo nang may kagalakan papunta sa libingan, taglay ni Pedro sa kanyang kalooban ang mga hinanakit at panghihinayang dahil sa kanyang ginawang pagtatwa kay Kristo.
Noong nagpakita ang Panginoong Muling Nabuhay sa Lawa ng Tiberias, si Pedro ay binigyan ng pagkakataong mahilom ang mga sugat sa kanyang mga puso. Lubusang nasugatan si Pedro dahil sa mga pangyayaring naganap sa mga huling sandali sa buhay ni Kristo. Kabilang na diyan ang kanyang ginawang pagkakaila kay Kristo. Isang napakalaking sugat ang naiwan sa puso ni Pedro. Ang sugat sa puso ni Pedro ay tanda ng kanyang mga hinanakit at panghihinayang. Hinilom ni Kristong Muling Nabuhay ang puso ni Pedro at binuo Niya ito muli. Paano Niya ginawa ito? Tatlong ulit na tinanong ni Kristo si Pedro kung Siya'y mahal niya. Sa pamamagitan ng tatlong ulit na pagtatanong na ito, pinapatatag muli ni Kristo ang kalooban ni Pedro. Hinilom at pinalakas ng Panginoon ang kalooban ni Pedro sa pamamagitan ng pagtatanong kay Pedro nang tatlong beses.
Nalungkot si Pedro dahil sa makaitlong pagtatanong ng Panginoon sa kanya. Naalala niya ang kanyang ginawang pagkakanulo sa Panginoon. Naalala niya ang kanyang ginawang pagkakaila sa Panginoon. Hindi lang isa, kundi tatlong ulit itinatwa ni Pedro ang Panginoon. Subalit, ang makaitlong pagtatanong na ito ang ang nagpatatag sa puso at kalooban ni Pedro. Lumakas ang kanyang kalooban dahil lumalim ang kanyang pagmamahal para sa Panginoon. At taglay ang panibagong katatagan sa kanyang puso't kalooban, ipinahayag ni Pedro ang kanyang pagmamahal para sa Panginoon.
Tayong lahat ay katulad ni Pedro. Mayroon din tayong kahinaan. Hindi lagi tayong malakas, matatag, at mabuti. Nagkakamali din tayo. Nagkakasala tayo. Tayo ay nadadapa o bumabagsak din dahil sa katotohanang ito. Gumagawa tayo ng mga kasalanan laban sa Panginoon at sa kapwa. Ito ay dahil sa ating karupukan bilang tao. At ito'y isang katotohanan sa ating buhay. Hindi tayo perpekto; mayroon tayong mga kahinaan at mga pagkakamali. Huwag nating ipagkaila o takasan ang katotohanang ito. Hinding-hindi nating maipagkakaila o matatakasan ang katotohanang ito sapagkat mabubunyag din ang katotohanang ito. Maniwala o hindi, tayo ay nadadapa o kaya bumabagsak dahil sa ating karupukan bilang tao.
Nalalaman ng Panginoon na may mga karupukan tayo bilang tao. Nalalaman ng Panginoon na tayo ay nadadapa dahil sa ating mga pagkakamali. Subalit, binibigyan Niya tayo ng pagkakataong buuin muli ang ating puso't kalooban. Hindi hahayaan ng Panginoong manatiling wasak ang ating mga puso't kalooban. Nais ng Panginoon na hilumin ang ating puso at kalooban. Paanong hinihilom at pinapatatag ng Panginoon ang ating puso't kalooban? Tinatanong Niya tayo, "Mahal mo ba Ako?" Hindi ito tinatanong ng Panginoon sa atin dahil hindi Niya alam kung mahal natin Siya. Alam ng Panginoon na mahal din natin Siya. Bagkus, pinalalakas Niya ang ating puso't kalooban sa pamamagitan ng tanong na ito. At sa bawat "Oo" na isasagot natin sa tanong na ito, binubuo muli ng Panginoon ang ating puso't kalooban na nawasak dahil sa ating kahinaan bilang tao.
Ang tanong ng Panginoon sa bawat isa, "Mahal mo ba Ako?" Lagi Niya itong tinatanong sa bawat isa sa atin araw-araw. Ano ang ating sagot sa katanungang ito? Ano ang ating isasagot sa tanong ng Panginoon sa atin? Paano tayo tutugon sa tanong na ito na paulit-ulit na tinatanong sa atin ng Panginoon araw-araw?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento