Lunes, Abril 4, 2016

TANGGAPIN NATIN SA ATING MGA PUSO'T DIWA NANG MAY BUONG PAGTITIWALA AT PANANALIG ANG MABUTING BALITA TUNGKOL SA AWA NG DIYOS

4 Abril 2016 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


Sa kalendaryo ng Simbahan, ang orihinal na petsya ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon ay Marso 25. Ito ay sumasagisag sa siyam na buwan ng pagdadala ng Mahal na Birheng Maria sa Panginoong Hesukristo sa kanyang sinapupunan. Kung bibilangin natin ang mga buwan bago ang pagdiriwang ng Pasko sa ika-25 ng Disyembre, exsaktong-exsakto ang bilang. May siyam na buwan mula Marso hanggang Disyembre. 

Subalit, sa taong ito, naganap ang isa sa mga bihirang pangyayari. Hindi ipinagdiriwang ang Maringal na Kapistahang ito noong ika-25 ng Marso. Pumatak sa araw ng ika-25 ng Marso ang Biyernes Santo sa taong ito. Mas mataas ang rango ng mga Mahal na Araw at mga araw sa Oktaba ng Pasko ng Muling Pagkabuhay kaysa sa anumang Solemnidad o Kapistahan. Kaya, iniurong ang Solemnidad na ito sa Lunes sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ngayong taong ito, inilipat sa araw na ito - ang Lunes sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ang Solemnidad ng Anunsasyon. 

Ang Magandang Balitang hinahatid ng Arkanghel San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria ay tungkol sa Panginoong Hesukristo. Darating ang Panginoong Hesukristo upang maging Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang pagparito ng Panginoong Hesus sa sanlibutan bilang Mesiyas at Tagapagligtas ay isang Gawa ng Awa mula sa Kanya. Ibinigay at inialay Niya ang Kanyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan dahil sa Kanyang Awa sa atin. 

Bago pa isinugo ng Diyos ang Arkanghel San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria upang ihatid sa kanya ang Mabuting Balitang ito, ipinahayag Niya ito sa pamamagitan ng propeta sa Lumang Tipan. Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni propeta Isaias na may isang dalagang maglilihi at manganganak ng isang lalaki na tatawaging Emmanuel. Ang lalaking ito na ipanganganak ng dalagang ito ay ang Mesiyas at Tagapagligtas. Natupad ang propesiyang ito noong ipinaglihi at iniluwal ni Maria si Hesus sa kanyang sinapupunan. 

Kalooban ng Diyos na ialay ni Kristo ang Kanyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. Sa Ikalawang Pagbasa, ipinahayag ni Kristo na naparito Siya sa sanlibutan upang tupdin ang kalooban Niya. Niloob ng Diyos na si Kristo ay maghain ng buhay upang ang sangkatauhan ay maligtas. Ninais ng Diyos dahil nalugmok ang tao sa kasalanan. Dahil sa pagkalugmok ng tao sa kasalanan at kasamaan, ninais ng Diyos na sila'y maligtas. Kaya, ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang maging hain para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Sa Ebanghelyo, ibinalita ng Arkanghel San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria na ipaglilihi at iluluwal niya ang Panginoong Hesukristo. Si Maria ang magiging ina ng Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Magkakatawang-tao ang Diyos Anak na si Hesukristo, at isisilang ng Birheng Maria. Pinili ng Diyos si Maria upang maging ina ni Hesus. Sa loob ng siyam na buwan, mananahan at mananatili si Hesus sa loob ng sinapupunan ng Birheng Maria. Dadalhin at tataglayin ni Maria si Hesus sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Pagkatapos ng siyam na buwan, lalabas si Hesus mula sa sinapupunan ni Maria. 

Sa loob ng siyam na buwan, dinala at tinaglay ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ang Panginoong Hesukristo, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay at naghahatid ng Magandang Balita sa lahat. Gayon nga ang ginawa ni Hesus buong buhay Niya, bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa kabuuan ng Kanyang Ministeryo, ang Magandang Balita tungkol sa kaligtasang mula sa Diyos ang ipinapalaganap ni Hesus. Magmula noong sinimulan Niya ang Kanyang Ministeryo hanggang sa Kanyang Misteryo Paskwal, ipinangaral at ipinalaganap ni Hesus ang Mabuting Balita tungkol sa Awa ng Diyos at sa kaligtasang dulot nito sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa - katulad ng Kanyang mga pangangaral at kababalaghang isinagawa Niya sa Kanyang Ministeryo. 

Ang lahat ay nakarinig, subalit hindi tinanggap ng lahat ang mga pangangaral ni Hesus. Nagkaroon Siya ng maraming tagapakinig, tagasubaybay, tagatangkilik, at tagasunod; nagkaroon din ng maraming mga kaaway. Noong si Hesus ay umuwi sa Kanyang bayan sa Nazaret, hindi Siya tinanggap. Pinalayas pa nga si Hesus ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Ang mga pinuno ng bayan, katulad ng mga Pariseo, mga eskriba, mga matatanda ng bayan, lahat ng bumubuo sa Sanedrin, ay nainggit kay Hesus. Nainggit sila kay Hesus sapagkat parami nang parami ang Kanyang mga tagasunod. Marami ang tumitiwalag sa kanila at sumusunod na kay Hesus. Dahil doon, nagtanim sila ng galit kay Hesus sa kanilang mga puso at binalak na patayin si Hesus upang mawala Siya sa kanilang lipunan. 

Nang dumating ang takdang oras ni Hesus, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kaaway ni Hesus upang patayin Siya. Hinatulan si Hesus ng kamatayan ng Sanedrin. Pinayagan din naman ni Poncio Pilato ang mga kaaway ni Hesus na gawin sa Kanya ang nais nilang gawin. Bagamat alam ni Pilato na inosente si Hesus at wala Siyang ginawang kasalanan kahit kailan, hindi niya mapanindigan ang katotohanang ito. Ambisyoso si Pilato na maging makapangyarihan, at sa mata ni Pilato, si Hesus ay hadlang sa kanyang mga planong-politikal at kapangyarihan bilang pinuno ng bayan. Kahit hindi makatarungan ang ginawa laban kay Hesus, tinanggap pa rin ni Hesus ang kalooban ng Ama na mamatay sa krus alang-alang sa kasalanan ng sangkatauhan. 

Akala ng mga kaaway ni Hesus na tapos na ang Kanyang kwento noong Siya'y ipinako at namatay sa krus. Akala nila naging matagumpay sila sa kanilang plano na patayin si Hesus. Para sa kanila, wala nang salot sa kanilang lipunan. Wala na silang poproblemahin; wala nang gagambala sa kanila. Tuwang-tuwa sila. Akala nila na nagtagumpay na sila. Akala nila na natalo na nila si Hesus. Akala nila, tapos na ang lahat. Wala na si Hesus sa kanilang lipunan sapagkat patay na Siya. Subalit, hindi nila nalalaman na totoo ang sinabi ni Hesus na Siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw. Hindi sila naniwala sa sinabi ni Hesus na Siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. Akala nilang mananatiling patay si Hesus at mabubulok ang Kanyang Katawan sa libingan. 

Totoo nga ang sinabi ni Hesus tungkol sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Natupad ang sinabi ni Hesus tungkol sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Muling nabuhay sa ikatlong araw si Hesus. Hindi nagtapos ang lahat sa kamatayan. Nagtagumpay Siya sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Hindi nagtapos ang kwento at buhay ni Hesus sa kamatayan sa krus at libingan. Hindi nanatiling patay si Hesus. Hindi nabulok ang bangkay ni Hesus sa libingan. Bagkus, muling nabuhay si Hesus sa ikatlong araw. Sa Kanyang Muling Pagkabuhay, tinaglay ni Hesus ang Kanyang buong kaningningan at kaluwalhatian. 

Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay nagdulot ng malaking kaligayahan at kagalakan sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa Mahal na Inang Maria. Muling ibinahagi ni Hesus ang Mabuting Balita na nagbibigay ng matinding kagalakan at kaligayahan sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Siya, na nagmula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria, ay ipinako at namatay sa krus, ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw. 

May maganda at mabuting balitang hatid ang kapanahunan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay - muling nabuhay si Hesus. Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus, nagtagumpay ang Awa ng Diyos laban sa kapangyarihan ng kasamaan, kasalanan, at kamatayan. Ito ang Magandang Balita. Ito ang Mabuting Balita tungkol sa Awa ng Diyos. Kaisa ni Maria, ang Mahal na Ina, tanggapin natin sa ating puso't diwa nang may buong pagtitiwala ang Mabuting Balita tungkol sa Awa ng Diyos. Ang Mabuting Balitang ito ay nagbibigay ng matinding kagalakan at kaligayahan sa sinumang tatanggap nito sa puso at diwa nang may buong pagtitiwala at pananalig sa Awa ng Diyos. Tulad ng ating Mahal na Inang si Maria, tanggapin natin ito nang may buong pagtitiwala at pananalig sa Awa ng Diyos.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento