Linggo, Abril 24, 2016

MAGMAHAL KATULAD NG PAGMAMAHAL NG MAAWAING PANGINOON

24 Abril 2015
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Mga Gawa 14, 21b-27/Salmo 144/Pahayag 21, 1-5a/Juan 13, 31-33a. 34-35 


Sa simula ng Ebanghelyo, binanggit na umalis si Hudas mula sa Huling Hapunan. Umalis si Hudas upang ituloy ang kanyang pagkakanulo kay Hesus. Ipagkakanulo ni Hudas si Hesus kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak. Masakit para kay Hesus na malaman na ang isa sa mga matalik Niyang kaibigan ang magkakanulo sa Kanya. Masakit para kay Hesus na malaman na binalewala ng isa sa mga matalik Niyang kaibigan ang kanilang pagsasama na tumagal ng tatlong taon. Siguro, nanghinayang si Hesus sapagkat binalewala ni Hudas ang kanilang pagkakaibigan at pagsasama na tumagal ng tatlong taon. 

Subalit, ang utos ni Hesus sa Ebanghelyo, "Kung paanong inibig Ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo." (13, 34) Tinuturuan ng Panginoong Hesus ang Kanyang mga alagad kung paanong magmahal ng tunay. Ang turo na ito ay hindi lamang para sa mga alagad, kundi para sa lahat ng mga Kristiyano. Dapat tayong magmahal katulad ni Kristo. Paano nagmahal si Kristo? Nagmahal Siya ng wagas at totoo. Sa Panginoon nagmumula ang tunay at wagas na pag-ibig. Sabi nga ni Apostol San Juan sa kanyang unang sulat, "Tayo ay nagmamahal sapagkat Siya ang unang nagmahal." (1 Juan 4, 19) 

Ang nakakatawag-pansin ay namutawi ang mga salitang ito mula sa bibig ng Panginoon matapos umalis si Hudas. Maitatanong natin siguro sa ating isipan, "Kahit si Hudas? Kasali ba si Hudas sa mga taong tinutukoy ng Panginoon noong iniutos Niya ang mga alagad na magmahal katulad Niya?" Mukhang mahirap gawin iyon. Pagkatapos talikuran at ipagkanulo ang Panginoon kapalit ng tatlumpung piraso ng pilak, pagmamahal ang igaganti kay Hudas? 

Kapag may nagkanulo sa atin, ano ang gagawin natin? Hindi ba, ang gusto natin ay maghiganti? Gusto nating maghiganti laban sa kanila? Gagawin ang lahat, hihintayin ang tamang pagkakataon, upang makaganti man lang? Mayroon din namang nagbabalak na lasunin ang kanilang kaaway. Lalagyan nila ng lason ang kanilang pagkain o inumin. 'Pag kinain na niya yung pagkaing nilason, o inumin ang inuming nilason, mamamatay na siya. At ano ang pakiramdam kapag nangyari iyon? Ano ang pakiramdam kapag nakapaghiganti? Ginhawa. Tuwa. Nakamit ang tagumpay. Nakapaghiganti na rin sa wakas. 

Gumanti si Hesus, pero sa ibang paraan. Ang pagganti ni Hesus sa ginawa ni Hudas ay hindi katulad ng pagganti na gagawin ng tao. Hindi dahas ang ginanti ni Hesus kay Hudas. Bagkus, pagmamahal ang ginanti ni Hesus, kahit napakasama ang gagawin ni Hudas laban sa Kanya. Kung si Hudas ay nagpakita ng poot at galit, pagmamahal ang ipinakita ni Hesus. Gaano mang kasakit o kasama ang ginawang pagtatraydor ni Hudas kay Hesus, patuloy na nagpakita ng pagmamahal si Hesus. Hindi hinangad ni Hesus na mapahamak ang Kanyang mga kaaway, lalung-lalo na si Hudas na nagkanulo sa Kanya. 

Tinatalikuran din natin ang Panginoon, katulad ni Hudas. Ipinagkakanulo din natin ang Panginoon sa tuwing tayo ay nagkakasala laban sa Kanya. Subalit, titiisin ng Panginoon ang sakit dulot ng ating pagkakasala alang-alang sa atin. Patuloy tayong mamahalin ng Panginoon, kahit paulit-ulit tayong nagkakasala laban sa Kanya. Mas makapangyarihan ang pagmamahal ng Panginoon kaysa kapangyarihan ng kasalanan. Hindi magmamaliw ang pag-ibig ng Panginoon kahit kailan. Mananatili magpakailanman ang pag-ibig ng Panginoon. Ang kasalanan ay mawawala at magmamaliw, pero ang pag-ibig ng Diyos ay hindi magmamaliw. Mananatili ang pag-ibig ng Diyos magpakailanman. 

Inuutusan tayo ng Panginoon na magmahal katulad Niya. Magmahal tayo, katulad ni Hesus. Mahirap gawin iyon. Si Hesus ay nagmahal at patuloy na nagmamahal. At ang pagmamahal ni Hesus ay perpekto. Ang pagmamahal ng tao ay napakahina. Marupok ang pagmamahal ng tao. Walang makakapagmahal nang perpekto, maliban sa Panginoon. May mga limitasyon ang ating pagmamahal. Mahirap magmahal katulad ng Panginoong Hesus. Pero, hindi imposible na tularan si Hesus sa Kanyang pagmamahal na wagas at tunay. 

May utos ang Panginoon para sa bawat isa sa atin - magmahal katulad Niya. Tumalima tayo sa Panginoon. Sundin natin ang utos ng Panginoong Hesus. Sikapin nating mahalin ang bawat isa, katulad ng pagmamahal na ginawa ng Panginoon para sa atin. Ang tunay na Kristiyano, ang tunay na kapanig ni Kristo, ay nagmamahal katulad Niya. Ang utos ng Panginoon na magmahal tulad Niya ang pinakamahalagang utos sa lahat. Ito ang utos ng maawain at mapagmahal na Panginoon. Kung paano Siyang nagmahal, ganun din dapat tayong magmahal. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento