17 Abril 2016
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
(Linggo ng Mabuting Pastol)
Mga Gawa 13, 14. 43-52/Salmo 99/Pahayag 7, 9. 14b-17/Juan 10, 27-30
Itinalaga ang Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay bilang Linggo ng Mabuting Pastol. Ang Mabuting Pastol ay isa sa mga titulo ng Panginoong Hesukristo na mapapakinggan sa ikasampung kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan. Ipinakilala ng Panginoong Hesus ang Kanyang sarili sa Kanyang mga tagapakinig bilang Mabuting Pastol. At bilang Mabuting Pastol, inialay ni Hesus ang Kanyang buhay para sa Kanyang kawan. Katulad ng sinabi ni Hesus, iniaalay ng Mabuting Pastol ang Kanyang buhay alang-alang sa Kanyang mga tupa. Hindi pababayaan ni Hesus na mapahamak kahit isa sa Kanyang mga tupa. Bagkus, gagawin ni Hesus ang lahat upang maligtas ang Kanyang mga tupa.
Kagalakan ang kaloob ng Awa ng Mabuting Pastol na si Hesus sa Kanyang kawan. Hindi pinapabayaan ni Hesus ang Kanyang kawan. Hinding-hindi Niya iiwanang nangungulila ang Kanyang mga tupa. Mahalaga para kay Hesus ang Kanyang mga tupa. Pinahahalagahan ni Hesus ang bawat isa na kabilang sa Kanyang kawan. Inaalagaan at inaaruga ni Hesus ang Kanyang mga tupa. At sa tuwing nawawala ang isa sa Kanyang mga tupa, hahanapin ni Hesus ang kaisa-isang tupang iyon. Gagawin ni Hesus ang lahat. Tatahakin ni Hesus ang bawat landas, mahanap lamang ang kaisa-isang tupang iyon. Gagawin ito ni Hesus dahil sa Kanyang Awa at Pagmamahal para sa Kanyang mga tupa. At ito'y nagbibigay ng kagalakan para kay Hesus at para sa Kanyang mga tupa.
Sa Unang Pagbasa, nagalak ang mga Hentil noong ipinahayag nina Apostol San Pablo at Bernabe na pupunta sila sa mga Hentil upang ipangaral ang Salita ng Diyos. Buong kagalakang tinanggap ng mga Hentil ang Mabuting Balita na ipinapalaganap ng mga apostol katulad nina Pablo at Bernabe. Ang sanhi ng kanilang kagalakan ay si Hesus. Makikilala na ng mga Hentil si Hesus. Maririnig din nila ang Mabuting Balita mula sa Panginoon. Natapos na ang kanilang paghihintay sa loob ng matagal na panahon. Maririnig nila ang Salita ng Diyos. Aakayin na sila pabalik sa Panginoong Hesukristo. Sila'y magiging mga kabilang ng kawan ng Mabuting Pastol, ang Panginoong Hesukristo.
Ang Salmo para sa araw na ito ay awit ng kagalakan. Isinasalarawan ng Salmong ito ang Dakilang Awa at Pagmamahal ng Diyos sa lahat. Kabilang ang lahat sa kawan ng Panginoon. Ito ay isang magandang balita para sa lahat. Ang balitang ito ay nagbibigay ng kagalakan sa lahat. Kabilang ang lahat sa kawan ng Diyos. Ang lahat ay napabilang sa kawan ng Diyos dahil sa Kanyang Awa at Habag sa lahat. Minamahal din Niya ang lahat. Dahil sa Kanyang awa at pagmamahal, tinanggap at ibinilang ng Diyos ang lahat sa Kanyang kawan.
Isinasalarawan ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa kung paanong nilinis ang bawat isa na kabilang sa kawan ng Panginoong Hesus. Isa sa mga titulo ni Hesus ay ang Kordero ng Diyos. Si Hesus ay ang Kordero ng Diyos, ayon sa Banal na Kasulatan. At bilang Kordero ng Diyos, inialay ni Hesus ang Kanyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. Sa Kanyang pagkamatay sa krus, dumaloy ang dugo mula sa bawat bahagi ng katawan ni Hesus. At ang dugo ni Kristo ang naglilinis at nagpapadalisay sa bawat isa. Nililinis at dinadalisay ang bawat isa na kabilang sa Kanyang kawan sa dugo ni Kristo. Wala na silang dungis ng kasalanan sapagkat nilinis sila ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang dugo.
Nagagalak ang lahat sa Ikalawang Pagbasa dahil kabilang na sila sa kawan ni Hesukristo. Pagkatapos linisin sa pamamagitan ng Kanyang dugo, nagkaroon sila ng kagalakan. Kaya, walang sawa silang nagpupuri sa Panginoon. Buong kagalakan din silang susunod sa Panginoong Hesukristo, ang Mabuting Pastol. Nananalig sila na sila'y aakayin ni Hesus patungo sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papawiin Niya ang kanilang mga kalungkutan. Ang kanilang kalungkutan ay magiging kagalakan sapagkat kabilang na sila sa kawan ni Hesus.
Sa Ebanghelyo, ipinapakilala ni Hesus ang sinumang kabilang sa Kanyang kawan. Ang mga kabilang sa Kanyang kawan ay ang mga nakikinig sa Kanya. Nakikinig at sumusunod kay Hesus ang Kanyang mga tupa. Ang mga tupa ni Hesus ay nakikinig at sumusunod sa Kanyan sapagkat nananalig sila sa Kanya. Malaki ang pananalig ng mga tupa ni Hesus sa Kanya. Naniniwala sila na bilang Mabuting Pastol, gagawin ni Hesus ang lahat para sa kanilang kabutihan. Alam din nila na ang Mabuting Pastol na si Hesus ay nagbibigay ng kagalakang walang hanggan sa kanila. Kay Hesus lamang matatagpuan ang kagalakang walang hanggan.
Marami sa atin ngayon ay naghahanap ng makapagbibigay ng kaligayahan sa atin. Kadalasan, ang kaligayahang hinahanap natin ay pansamantala lamang. Hindi ito magtatagal sa loob ng mahabang panahon. Hindi ito ang tunay na kaligayahan. Hindi nagmumula sa sanlibutan ang kaligayahang walang hanggan. Kahit ano pang paglalakbay ang gagawin natin, hindi natin mahahanap ang tunay na kaligayahan dito sa lupa. Ang kaligayahang hinahanap natin dito sa lupa ay pansamantala lamang. Hindi ito magtatagal sa loob ng mahabang panahon.
Kay Hesus lamang matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Ang kagalakang hatid ni Hesus ay panghabang panahon. Kay Hesus nagmumula ang kagalakang walang hanggan. Ipinagkakaloob sa atin ni Hesus ang kaligayahang walang hanggan. Hindi pansamantala lamang ang kaligayahang nagmumula kay Hesus. Iba ang kaligayahang dulot ni Hesus sa kagalakang dulot ng sanlibutan. Ang kaligayahang nagmumula kay Hesus ay magtatagal magpakailanman. Sa Kanya nagmumula at matatagpuan ang tunay na kaligayahan na magtatagal magpakailanman.
Makinig at sumunod tayo kay Hesus, ang Mabuting Pastol. Aakayin tayo ni Hesus patungo sa mga bukal ng tubig na nagbibigay ng buhay magpakailanman. Aakayin din tayo ng Panginoong Hesus at pagpapahingahin sa isang mainam na pastulan. Tayo ay inaalagaan at inaaruga ng Panginoong Hesus sapagkat tayong lahat ay mahalaga sa Kanyang paningin. Kapag tayo ay nawawala, gagawin ng Panginoon ang lahat upang mahanap at bawiin Niya ang mga nawawala. At kapag tayo ay Kanyang nahanap, ibabalik Niya tayo sa Kanyang kawan. Ito'y nakapagbibigay ng matinding kagalakan sa Panginoong Hesukristo, ang Mabuting Pastol.
Tunay na kagalakan ba ang ating hinahanap? Makinig at sumunod tayo kay Hesus, ang Mabuting Pastol. Sa Kanya lamang matatagpuan ang tunay na kaligayahan na magtatagal magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento