Linggo, Abril 3, 2016

MANALIG AT SUMAMPALATAYA SA AWA NG PANGINOONG MULING NABUHAY

3 Abril 2016 
Ika-2 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
(Linggo ng Banal na Awa ng Panginoon) 
Mga Gawa 5, 12-16/Salmo 117/Pahayag 1, 9-11a. 12-13. 17-19/Juan 20, 19-31 


Napaka-espesyal ng Kapistahan ng Dakilang Awa ng Diyos ngayong taon sapagkat napapaloob ito sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ng ating Mahal na Santo Papa na si Papa Francisco. Binibigyang-diin ng taong ito ang kahalagahan ng Awa ng Diyos sa buhay ng Simbahan. Hinihikayat tayo ng Simbahan ngayong Taon ng Awa na lumapit at humingi ng awa mula sa Diyos sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga Sakramento ng Simbahan (lalung-lalo na sa mga Sakramento ng Kumpisal at Eukaristiya), pananalangin, at pagkakawanggawa. Nais ipahiwatig ng Simbahan ang mensahe ng taong ito - maawain ang Diyos. Hinihikayat din tayo ng Simbahan na isabuhay ang tema ng Taon ng Awa, "Maging maawain tulad ng Ama." Kung ang Amang Diyos ay maawain, gayon din naman, dapat din tayong maging maawain sa isa't isa. Ibahagi natin ang Awa ng Diyos sa bawat isa. 

Ang tema ng mga Pagbasa ngayong Ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay at Linggo ng Dakilang Awa ng Diyos ay ang pananalig sa Awa ng Diyos. Ang pananalig sa Awa ng Diyos ay napakahalaga sa buhay natin bilang mga Katolikong Kristiyano. Napakahalaga sa ating pananampalataya ang pananalig sa Awa ng Diyos. Hindi tayo mabubuhay ngayon kung hindi dahil sa Awa ng Diyos. Tayo ay nabubuhay ngayon dahil sa Awa ng Diyos. 

Kaya nga, noong ang Panginoong Hesukristo ay nagpakita kay Santa Faustina, nagpapinta Siya ng larawan sa kanya na nakatitik, "Hesus, ako ay nananalig sa Iyo." Nais ng Panginoong Hesus na manalig tayo sa kapangyarihan ng Kanyang Banal na Awa. Ito ang dahilan kung bakit Siya bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao, namatay sa krus at muling nabuhay. Ito ang dahilan kung bakit pinagdaanan ni Kristo ang Kanyang Misteryo Paskwal. Ang Banal na Awa ng Panginoon ang dahilan kung bakit tayo ay nagkaroon ng kaligtasan. 

Sa Unang Pagbasa, parami nang parami ang mga sumasampalataya kay Kristo Hesus. Nakikilala ng mga tao si Kristo sa pamamagitan ng mga pangangaral at mga kababalaghang ginawa ng mga apostol. Nakakapagpangaral at nakakagawa ng mga himala ang mga apostol sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pangalan ni Kristo. Sa pamamagitan ng kanilang mga pangaral at paggawa ng mga milagro, nakikilala ng mga tao ang Panginoong Hesukristo. Ipinakilala ng mga apostol si Kristo sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang pagtuturo patungkol sa Kanya at paggawa ng mga himala. Ipinakilala ni Kristo ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga turo at mga himalang ginawa ng mga apostol sa Pangalan Niya. 

Marami ang sumampalataya sa Panginoong Hesus. Naaakit sila sa Kanya dahil sa kapangyarihan ng Kanyang Mabathalang Awa. Ang Awa ng Panginoon ang dahilan kung bakit ninais ng mga tao na sumampalataya sa Kanya. Nananalig at sumasampalataya ang mga tao kay Kristo dahil sa kapangyarihan ng Kanyang Awa. Ang mga pangangaral at mga himalang isinasagawa ng mga alagad sa Pangalan ni Hesukristo ay ang pagpapamalas ng Kanyang Awa sa mga tao. Ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang Awa sa pamamagitan ng mga gawang ito ng mga apostoles sapagkat Siya ay maawain. Katulad ng pamagat ng libro ni Papa Francisco, "Awa ang Ngalan ng Diyos." 

Ipinakilala ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang sarili sa Ikalawang Pagbasa. Si Hesukristo ang Simula at ang Wakas (Alpha at Omega), ang Panginoong namatay ngunit muling nabuhay, at ang mananatiling buhay magpakailanman. Subalit, binigkas Niya ang mga salitang ito bago Niya ipakilala ang Kanyang sarili kay San Juan, "Huwag kang matakot!" Huwag matakot. Hindi lamang Niya sinasabi ang mga salitang ito kay San Juan; ito'y sinasabi Niya sa ating lahat. Kahit taglay Niya ang Kanyang kapangyarihan at kaningningan bilang Hari at Hukom, Siya pa rin ang Panginoon na may awa at habag sa ating lahat. 

Ang Dakilang Awa ng Panginoon sa atin ang dahilan kung bakit Siya nagtagumpay laban sa kapangyarihan ng kasamaan, kasalanan, at kamatayan. Kinamit Niya ang tagumpay na ito alang-alang sa atin. Kung hindi dahil sa Awa ng Panginoon sa atin, hindi Niya kakamit ang tagumpay para sa atin. Kung walang awa ang Panginoon sa atin, matagal sana tayong pinabayaang malugmok sa kapangyarihan ng kasamaan, kasalanan, at kamatayan. Hahayaan lamang Niya tayong mamuhay sa kaalipinan magpakailanman. Wala Siyang pakialam sa atin kung wala Siyang awa sa atin. Subalit, pinili ng Panginoon na tumawid mula sa kalangitan patungo sa lupa. Pinili ng Panginoon na maging tao katulad natin, maliban sa kasalanan. Pinili ng Panginoon na tiisin ang maraming hirap at pasakit sa krus ng Kalbaryo at muling mabuhay sa ikatlong araw. Pinili ng Panginoon na labanan ang puwersa ng kasamaan, kasalanan, at kamatayan, at magtagumpay laban sa mga puwersang ito, alang-alang sa atin. Piniling gawin ito ng Panginoon dahil sa Kanyang Awa at Habag sa atin na hindi magmamaliw magpakailanman. 

Sa Ebanghelyo, dalawang ulit nagpakita ang Panginoong Muling Nabuhay sa mga alagad. At sa dalawang ulit na pagpapakitang ito, binati Niya ang mga alagad ng kapayapaan. Kapayapaan ang pagbati at handog ng Panginoong Hesukristong Muling Nabuhay sa mga alagad. Kahit iniwanan at pinabayaan ng mga alagad si Hesus na mag-isa sa Halamanan ng Getsemani, awa at kapayapaan pa rin ang ibinigay ng Panginoon sa kanila. Ginantihan ng Panginoong Hesus ang kanilang pagkukulang sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti. Ibinahagi ni Hesus ang Kanyang Awa at Kapayapaan sa mga alagad. 

Ganun din ang ginawa ni Hesus sa Kanyang ikalawang pagpapakita sa mga alagad, noong kasama na nila si Tomas. Si Santo Tomas Apostol ay hindi kasama ng ibang mga alagad noong unang nagpakita ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Noong ibinalita ng ibang mga alagad kay Tomas na si Hesus ay tunay ngang nabuhay na mag-uli, hindi naniwala si Tomas. Bagkus, sinabi niya ang mga katatagang ito, "Hangga't hindi ko nakikita ang mga butas ng mga pako sa Kanyang mga Kamay at Paa, at maisuot ko ang aking daliri sa Kanyang tagiliran, hindi ako maniniwala." (Juan 20, 25) 

Pinagbigyan ni Hesus ang kahilingan ni Tomas dahil sa Kanyang Awa. Ninais ni Tomas na makita si Hesus na Muling Nabuhay. Nagpakita Siya muli sa mga alagad at pinakita kay Tomas ang kanyang hinahanap - ang mga sugat sa Kanyang mga Kamay at Paa, at sa Kanyang tagiliran. Hinahanap ni Tomas ang mga sugat ni Kristo - mga tanda ng Kanyang Pasyong Mahal, mga tanda ng Kanyang Awa sa sangkatauhan. Ipinagkaloob ng Panginoong Hesukristo ang kahilingan ni Tomas - makita ang Kanyang mga sugat. Ang mga sugat ay nagpapakilala at nagpapatunay na si Hesukristo nga ang nakikita ng mga alagad. Hindi Siya guni-guni, hindi Siya panaginip, hindi Siya ilusyon - si Hesus iyon. 

Dahil sa ginawa ni Hesus, naniwala si Tomas na Siya'y muling nabuhay. Nagtiwala at nanalig din si Tomas sa kapangyarihan ng Awa ng Panginoon. Ang Awa ng Panginoong Hesus ay naging daan patungo sa pananalig ni Tomas. Mula sa kanyang pagdududa, si Tomas ay tumawid patungo sa pagtitiwala at pananalig sa Panginoong Muling Nabuhay. Inakay si Tomas ng kapangyarihan ng Awa ng Panginoong Muling Nabuhay sa daan patungo sa pagtitiwala at pananalig sa Kanya. Ipinakita ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang Awa kay Tomas sa pamamagitan ng Kanyang muling pagpapakita sa mga alagad. Sa pamamagitan nito, namulat ang mga mata ni Tomas sa Awa ng Panginoon.  Nakita niya ang Awa ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus na Muling Nabuhay. Kaya, mula sa pagdududa, siya'y nagpahayag nang may buong pagtitiwala at pananalig, "Panginoon ko at Diyos ko!" (Juan 20, 28)

Ipinakita ng Panginoong Hesukristo ang kapangyarihan ng Kanyang Dakilang Awa sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay Kanyang tinubos at pinalaya. Tinubos at pinalaya tayo sapagkat may awa ang Panginoon sa atin. Ang Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoon ay mga tanda ng Kanyang Awa para sa atin. Kahit hindi kinailangang ipakita ng Panginoon sa sangkatauhan ang Kanyang Awa, pinili pa rin Niya itong ipinakita sa ating lahat. Bakit? Awa ang Kanyang Pangalan. Siya ang Panginoon na may tunay na Awa at Habag para sa ating lahat. 

Katulad ni Tomas, imulat nawa natin ang ating mga mata sa Awa ng Diyos. Manalig din nawa tayo sa Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ay ang Kanyang pinakadakilang katangian, sapagkat Awa ang Kanyang Pangalan. Kapag tayo ay nananalig at sumasampalataya sa Awa ng Diyos, tayo ay tunay na nananalig at sumasampalataya sa Diyos. Maawain ang Panginoong Diyos sapagkat Awa ang Kanyang Pangalan. Ang Awa ang pinakadakilang katangian ng Diyos. Hindi magmamaliw ang Awa ng Diyos. Bagkus, mananatili ito magpakailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento