1 Mayo 2016
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K)
Mga Gawa 15, 1-2. 22-29/Salmo 66/Pahayag 21, 10-14. 22-23/Juan 14, 23-29
"Kapayapaan ang iniiwan Ko sa inyo.
Ang Aking kapayapaan ang ibinibigay Ko sa inyo."
Ang mga salitang ito ay namutawi mula sa bibig ng Panginoong Hesus sa Kanyang pamamaalam sa mga alagad noong bisperas ng Kanyang Pasyong Mahal. Noong Muling Nabuhay ang Panginoong Hesus, nagpakita Siya sa mga alagad. Paano Niya binati ang mga alagad noong Siya'y muling nabuhay? Kapayapaan. Kahit iniwanan at tinalikuran ng mga alagad si Hesus sa Halamanan noong Siya'y dinakip ng mga kawal at pinuno ng bayan, kapayapaan pa rin ang hinandugan ng Panginoon sa mga alagad. Hindi gumamit ng dahas ang Panginoon bilang pagganti sa mga alagad. Bagkus, kapayapaan ang iginanti ng Panginoon sa mga alagad, kahit iniwanan nila Siya sa Getsemani.
Kapayapaan, hindi karahasan, ang nais ipalaganap ni Hesus. Nais ni Hesus na maghari ang kapayapaan. Siya ang Panginoon ng kapayapaan. Sa Kanya nagmumula ang kapayapaan. Ipinagkakaloob ni Hesus ang kapayapaan sa sinumang humihingi nito. Dagdag pa ni Hesus sa Ebanghelyo, ang Kanyang kapayapaan ay hindi katulad ng kapayapaang ibinabahagi ng mundo. Ang tunay na kapayapaan ay nagmumula kay Hesus. Kung tunay na kapayapaan ang hinahanap natin, matatagpuan natin iyan kay Hesus.
Sa pamamagitan ng kapayapaang kaloob Niya, pinapawi ni Hesus ang lahat ng takot at pagka-balisa. Ang kapayapaang nagmumula sa Panginoon ay may kapangyarihang pumawi sa lahat ng takot at pagka-balisa. Mapapalitan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng kapayapaang kaloob Niya ang ating mga takot at pagka-balisa. Magiging kagalakan ang ating takot at pagka-balisa sa pamamagitan ng kapayapaang handog ng Panginoong Hesus.
Ang kapayaapang mula sa Panginoon ay nagpapatibay rin ng pananalig sa Kanya. Bukod pa sa kagalakan, pinapatibay ng kapayapaang nagmumula sa Panginoon ang pananalig ng bawat isa. Pinalalakas ng Panginoon ang ating pananalig sa Kanya sa pamamagitan ng pagkakaloob at pagbabahagi ng Kanyang kapayapaan sa atin. Alam ng Panginoong Hesus na may mga pagsubok sa buhay na haharapin natin. May mga pagkakataon sa buhay kung saan papasok ang mga pagsubok. Susubukin kung gaano katibay ang ating pananalig sa Diyos. Subalit, nandiyan ang kapayapaang nagmumula kay Kristo. Ang kapayapaan ni Kristo ang magpapatibay ng ating pananalig sa Kanya. Pinalalakas ni Kristo ang ating pananalig sa Kanya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Kanyang kapayapaan sa ating lahat. Magkakaroon tayo ng isang matatag at matibay na pananalig sa Panginoon sa harap ng mga pagsubok sa buhay. Hindi man natin maiaalis o maiiwasan ang mga pagsubok sa buhay natin, makakaharap natin ang mga iyan nang may buong pananalig sa Panginoon.
Hindi magmamaliw ang kapayapaang mula sa Panginoong Hesukristo. Ang kapayapaang mula sa sanlibutang ito ay pansamantala lamang. Ang mundo ngayon ay punung-puno ng kaguluhan. Laganap sa daigdig ang kaguluhan at karahasan. Maraming masasamang idinudulot ng maraming kaguluhan at mga gawa ng karahasan sa daigdig. Maraming mga trahedya ang naidudulot ng karahasan, katulad ng pambobomba at patayan. Hindi perpekto ang kapayapaan sa daigdig. Hindi ganap o tunay ang kapayapaang kaloob ng daigdig. Hindi natin matatagpuan ang tunay na kapayapaan sa daigdig. Matatagpuan natin ang tunay na kapayapaan kay Hesus, ang Panginoon at Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kapayapaang kaloob ng Panginoong Hesus ay mananatili magpakailanman.
Si Hesus ang Panginoon at Prinsipe ng Kapayapaan. Sa Kanya nagmumula ang tunay na kapayapaang na nagpapatibay ng pananalig sa Kanya, nagbibigay ng tunay na kagalakan, at nananatili magpakailanman. Pinapalakas ng kapayapaan ng Panginoong Hesus ang ating pananalig sa Kanya upang makaharap natin ang mga pagsubok sa buhay. Ang kapayapaang ito ay nagdudulot rin ng tunay na kagalakan sa ating lahat. Hindi magmamaliw ang kapayapaang kaloob ng Panginoong Hesukristo. Bagkus, mananatili ito magpakailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento