Linggo, Mayo 15, 2016

ESPIRITU SANTO: GUMAGABAY AT NAGBIBIGAY-LAKAS SA SIMBAHAN SA PAGPAPAHAYAG AT PAGPAPALAGANAP NG MABUTING BALITA

Mayo 15, 2016 
Linggo ng Pentekostes (B) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 104/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Roma 8, 8-17)/Juan 20, 19-23 (o kaya: 14, 15-16. 23b-26) 



Bago umalis si Hesus, nangako Siya sa mga alagad na ipapadala ang Espiritu Santo, ang Patnubay, upang tulungan sila sa kanilang misyon. Hinirang at isinugo ni Hesus ang mga alagad upang sila'y sumaksi sa Kanya sa iba't ibang dako ng daigdig. Ipagpapatuloy ng mga alagad ang sinimulan ni Hesus. Ipapahayag at ipapalaganap ng mga alagad sa daigdig ang Mabuting Balita. Subalit, nababatid ni Hesus ang mga kahinaan ng mga alagad. Kaya, nangako si Hesus na gagabayan at tutulungan sila ng Espiritu Santo. Nangako si Hesus sa mga alagad na bababa ang Espiritu Santo mula sa langit upang sila'y bigyan ng kapangyarihan at lakas ng loob para sa kanilang misyon. Ipapadala ni Hesus ang Espiritu Santo sa mga alagad upang ipaalala sa kanila ang mga itinuro Niya sa kanila. 

Noong araw ng Pentekostes, bumaba ang Espiritu Santo mula sa langit. Pumanaog ang Espiritu Santo sa mga alagad. Ang mga alagad ay pinagkalooban ng lakas ng loob mula sa Espiritu Santo. Hindi na sila natatakot sa anumang pag-uusig na haharapin nila. Hindi na takot ang mga alagad na ipakilala si Kristo sa lahat sa pamamagitan ng kanilang mga pagtuturo. Makakapagsalita ang mga alagad tungkol sa Panginoon nang may buong katapangan at kaligayahan. Walang makakapigil sa kanila sa pagsasalita tungkol sa kabutihan ng Diyos na Kanyang ipinakita sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Ang mga alagad ay binago ng Espiritu Santo. Mula sa pagiging samahan na puno ng kaduwagan, ang mga alagad ay naging mga matapang na mga saksi ni Kristo. Kung dati'y nagtago sila sa isang silid dahil sa takot sa pamahalaan, ngayon nama'y lumabas sila mula sa silid na kanilang pinagtataguan. Punung-puno sila ng tapang at pananalig sa Diyos sa kanilang paglabas. Humarap sila mula sa lahat ng tao ng iba't ibang lahi upang ipangaral ang Mabuting Balita ni Kristo. Ang mga dating duwag, matapang na ngayon. Isang pagbabago dulot ng Espiritu Santo. 

Napakalaki at napakahalaga ang tulong ng Espiritu Santo sa pagbabago ng mga alagad. Nagkaroon ng bagong buhay na puno ng katapangan at sigla ang mga alagad. Tinulungan at ginabayan ng Espiritu Santo ang mga alagad sa daan patungo sa pagbabagong-buhay. Kaya, sa halip na manatili sa loob ng silid at magtago, lumabas ang mga alagad upang simulan ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoon. Hindi na sila nagpadala sa kanilang takot sa pag-uusig at sa kamatayan sapagkat binago sila ng Espiritu Santo.

Hindi na takot ang mga alagad sa anumang pag-uusig o sa kamatayan. Pinatay ang lahat ng mga alagad, maliban sa isa, ng mga awtoridad ng pamahalaan noon. Isa lang sa mga apostol ang hindi namatay bilang martir - si San Juan. Ang iba, namatay bilang martir. Ang pinuno ng mga apostol na si San Pedro, ipinakong patiwarik sa krus ng mga Romano. Bakit patiwarik? Ayon kay San Pedro Apostol, hindi siya karapat-dapat na mamatay katulad ng Panginoong Hesus. Bakit hindi sila natakot? Kasama nila ang Panginoon. Ipinagkalooban sila ng Espirtu Santo ng lakas ng loob. May Patnubay at Gabay silang kasama, ang Espiritu Santo. At dahil kasama ng mga alagad ang Patnubay, ang Espiritu Santo, hindi sila natakot sa kamatayan. Bagkus, hinarap nila ang bawat pag-uusig at ang kamatayan nang may buong katapangan at pananalig sa Diyos. 

Ang Simbahan ay nakaranas ng matinding pag-uusig sa habang panahon. Ilang ulit silang inusig, subalit hindi bumagsak ang Simbahan. Magpahanggang ngayon, nakakaranas ng iba't ibang uri ng pag-uusig ang Simbahan. Subalit, mananaig pa rin ang Simbahan laban sa mga umuusig sa Kanya. Hindi mananaig ang mga taga-usig ng Simbahan, kahit kailan. Laging magtatagumpay ang Simbahan. Hindi mapapabagsak ninuman ang Santa Iglesia, ang Simbahang itinatag ni Kristo. Ilang beses sinubukan ang Simbahan at nagtagumpay. Nakatayo pa rin ang Simbahan magpahanggang ngayon, sa kabila ng mga pag-uusig. Gaano mang karaming pag-uusig haharapin ng Simbahan, magtatagumpay pa rin Siya. Magtatagumpay ang Santa Iglesia laban sa mga pag-uusig, at mananatiling nakatayo nang may buong pananalig at pagtitiwala sa Diyos. 

Bakit nandito pa rin ang Simbahan magpahanggang ngayon? Dalawang dahilan. Una, ang Panginoong Hesukristo ang nagtatag nito. Pangako pa nga Niya, "Hindi makapananaig sa kanya (sa Simbahan), kahit ang kapangyarihan ng kamatayan." (Mateo 16, 18) Pangalawa, ang Espiritu Santo ay gumagabay at nagbibigay-lakas sa Simbahan. Pinapatnubayan at ginagabayan ng Espiritu Santo ang Simbahan sa kanyang misyon. Tinutulungan ng Espiritu Santo ang Simbahan sa kanyang misyon ng pagpapahayag at pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Binibigyan din ng Espiritu Santo ng lakas ang Simbahan upang harapin ang mga pag-uusig. Hinding-hindi pababayaan ng Panginoon ang Simbahang Kanyang itinatag. Lagi Niyang sasamahan at tutulungan ang Simbahan sa Kanyang misyon ng pagpapahayag at pagpapalaganap ng Mabuting Balita. 

Patuloy na tinutulungan ng Espiritu Santo ang Simbahan bilang kanyang Patnubay. Lumalapit at nananalangin sa Espiritu Santo ang Simbahan upang tulungan siya sa kanyang misyon sa lupa. Tumatawag at sumasamo ang Simbahan sa Espiritu Santo kapag nangangailangan ng matinding tulong. Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Espiritu Santo sa Simbahan, ipinapakita ng Panginoon na hinding-hindi Niya pababayaang maulila ang Kanyang Simbahan. Ipinapakita ng Panginoon na tutulungan Niya ang Kanyang Simbahan sa Kanyang misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita. 

Tayong lahat ay bumubuo sa Simbahan. Tayong lahat ay ang bayan ng Diyos. Tayo ang Simbahan. At bilang Simbahan, mayroon tayong misyon na kailangan nating tuparin. Ang misyon natin bilang Simbahan ay ang pagsaksi sa Panginoong Hesukristo. Sa ating misyon bilang Simbahan, hindi tayo nag-iisa. May kasama tayo sa ating misyon, ang Patnubay, ang Espiritu Santo. Pinapatnubayan at ginagabayan ng Espiritu Santo ang Simbahan sa kanyang misyon ng pagsaksi kay Kristo. Binibigyan din ng Espiritu Santo ng lakas ang Simbahan upang harapin ang bawat araw. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng Espiritu Santo, ipinapaalala ng Panginoon na hinding-hindi Niya pababayaan ang Simbahan. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Panginoon na nangungulila at nag-iisa ang Kanyang Simbahan. Mahal na mahal ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. At dahil sa pagmamahal ng Panginoon sa Simbahan, ibinigay Niya sa Simbahan ang Espiritu Santo upang patnubayan, gabayan, at bigyan ng lakas ang Simbahan para sa kanyang misyon ng pagpapahayag at pagpapalaganap ng Mabuting Balita. 

Sa katahimikan, magpasalamat tayo sa Panginoon sa Kanyang pagkakaloob ng Espiritu Santo. Pasalamatan natin ang Panginoon dahil hinding-hindi Niya pababayaan ang Simbahan na nangungulila at nag-iisa sa Kanyang misyon. Magpasalamat tayo sa Panginoon para sa Kanyang awa at pagmamahal para sa Simbahan na patuloy Niyang ipinapakita magpahanggang-ngayon. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento