Lunes, Mayo 30, 2016

PUSONG NAGPUPURI AT NAGTITIWALA SA AWA NG DIYOS

4 Hunyo 2016
Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria 
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51 



Isinasalarawan ng Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang malalim na pagmamahal at pagtitiwala sa Diyos. Minamahal niya ang Diyos higit sa lahat ng bagay. At dahil sa kanyang pagmamahal para sa Diyos, nagtiwala siya sa Diyos. May mga pagkakataon kung kailan sinubukan ang pananalig ni Maria sa Awa ng Diyos. Subalit, nanatiling tapat at masunurin sa Diyos ang Mahal na Ina. Sa hirap man o ginhawa, hindi nawalan ng pananalig sa Diyos si Maria. Dahil sa pagmamahal at pananalig ng Mahal na Birheng Maria sa Awa ng Diyos, pinupuri niya ang Diyos. Hindi niya tinigilan ang pagpupuri at pananalig sa Diyos. 

May mga pagkakataon sa buhay kung kailan nakaranas ng matinding kagalakan o hapis ang Mahal na Birheng Maria. Ang mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesukristo ay nagbibigay ng tuwa o hapis sa Mahal na Ina. May mga sandali sa buhay ni Hesus na nagdulot ng kagalakan kay Maria. Meron din namang mga sandali sa buhay ng Panginoong Hesus na nagdulot ng hapis sa Mahal na Inang Maria. Hinarap ng Birheng Maria ang bawat sandaling iyon taglay ang pananalig at pagtitiwala sa Diyos. Hindi siya nawalan ng pananalig o pagtitiwala sa Diyos. Ilang ulit mang sinubukan ang pananalig at pagtitiwala ni Maria sa Awa ng Diyos, napagtagumpayan niya ito. Nagtagumpay ang pananalig at pagtitiwala ni Maria sa Awa ng Diyos. Tumalima at sumunod si Maria sa kalooban ng Diyos dahil sa kanyang pananalig at pagtitiwala sa Kanya. 

Sa Ebanghelyo para sa araw na ito, mapapakinggan natin ang isang sandali sa buhay ni Hesus na susubok sa pananalig ni Maria. Tatlong araw nawala ang Batang Hesus. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem nang hindi nalalaman nina Maria at Jose. Nag-alala ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose dahil hindi nila mahanap ang Batang Hesus. Tatlong araw nilang hinanap sa Jerusalem ang Batang Hesus. Natagpuan nina Maria at Jose si Hesus sa ikatlong araw, sa piling ng mga guro sa Templo. Bagamat nagtaka sina Maria at Jose kung bakit gayon ang nangyari, natuwa at nagalak si Maria dahil natagpuan na rin niya sa wakas ang kanyang minamahal na Anak na si Hesus. 

Takot at hapis ang naramdaman ni Maria sa loob ng tatlong araw ng paghahanap kay Hesus. Natakot at nalumbay si Maria dahil nawala ang kanyang Anak na minamahal mula sa kanyang paningin. Hindi niya alam kung ano ang nangyari. Hindi rin maintindihan ni Maria kung bakit kinailangang mawala si Hesus sa kanyang paningin. Hindi niya alam kung nasaan ang Batang Hesus. Nag-aalala si Maria para sa kanyang Anak na si Hesus sa mga sandaling iyon. 

Nanalangin si Maria sa Diyos sa loob ng tatlong araw ng pagkawala ng kanyang Anak na si Hesus. Sa katahimikan, taimtim na dumalangin si Maria sa Diyos na nawa'y mahanap na nilang dalawa ni Jose si Hesus. Ang taimtim na panalangin ni Maria ay sinabayan niya ng matinding pananalig at pagtitiwala sa Diyos. Kahit na nawawala sa kanyang paningin ang kanyang minamahal na Anak na si Hesus, hindi nawalan ng tiwala at pananalig si Maria sa Awa ng Diyos. Buo pa rin ang tiwala at pananalig ni Maria sa Diyos. Nanalig at nagtiwala si Maria na ang Ama ang bahala sa Kanyang Anak. Nanalig at nagtiwala si Maria na sa tulong at Awa ng Diyos, matatagpuan na rin nila sa wakas si Hesus. 

Ilang ulit sinubukan ang pananalig at pagtitiwala ni Maria sa Diyos. Naranasan ni Maria ang iba't ibang uri ng pagsubok sa kanyang pananalig sa Diyos. Hindi lang minsan sinubukan ang pananalig ni Maria sa kalooban ng Diyos. Maraming beses nang nakaranas ng mga pagsubok si Maria sa kanyang buhay, lalung-lalo na sa kanyang pananalig sa Diyos. Subalit, hindi nawala o nanghina ang pananalig ng Mahal na Birheng Maria sa Awa ng Diyos. Mas lalo pang lumalim at tumibay ang kanyang pananalig sa Diyos. At ang Puso ni Maria, na tinarakan ng balaraw, ang siya namang nagbibigay ng papuri at pasasalamat sa Diyos. Ang Puso ni Maria ay nagpupuri at nagtitiwala sa Diyos dahil sa Kanyang Awa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento