Linggo, Mayo 22, 2016

MGA DAKILANG GAWA NG AWA MULA SA BANAL NA SANTATLO

22 Mayo 2016 
Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo (K) 
Kawikaan 8, 22-31/Salmo 8/Roma 5, 1-5/Juan 16, 12-15 



Ngayong taon, napapaloob ang Dakilang Kapistahan ng Banal na Santatlo sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ni Papa Francisco noong nakaraang taon. Maganda ang paliwanag ng Santo Papa tungkol sa Awa ng Diyos at sa Banal na Santatlo sa kanyang bula para sa Hubileyo ng Awa. Sabi ng Santo Papa, "Awa ang salitang nagpapakilala sa misteryo ng Banal na Santatlo." Dagdag pa Niya, "Si Hesus ang Mukha ng Awa ng Ama." Ang Banal na Santatlo ay nagpapakilala sa atin bilang isang maawaing Diyos. Nakita ng sangkatauhan ang Diyos sa katauhan ni Hesus, ang Diyos Anak na nagkatawang-tao, ang Mukha ng Awa ng Ama. Sabi nga ng Panginoong Hesus sa Kanyang pamamaalam sa mga alagad, "Ang sinumang nakakita sa Akin ay nakakita rin sa Ama." (Juan 14, 9)

Awa ang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang daigdig. Awa ang dahilan kung bakit ang Anak na si Hesus ay ipinadala ng Ama sa sanlibutan upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Awa ang dahilan kung bakit ipinadala ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo sa mga apostol noong unang Linggo ng Pentekostes. Ang Banal na Santatlo ang nag-iisang Diyos ng Awa. Ang awang ipinapakita ng Banal na Santatlo ay wagas at mananatili magpakailanman. Walang hanggan ang Awa ng Tatlong Persona sa Isang Diyos. Sabi nga po sa Banal na Kasulatan, "Ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag." (Salmo 145, 8) 

Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayon ang Dakilang Awa ng Banal na Tatlong Persona sa Isang Diyos. Sa Unang Pagbasa, nagsalita ang Karunungan ng Diyos. Ang Karunungan ng Diyos ay ang unang nilikha sa lahat. Bago nilikha ang langit at lupa, nilikha ang Karunungan ng Diyos. At noong nagkaroon ng kaganapan ang paglikha sa daigdig, nagalak ang Karunungan ng Diyos. Namangha at nagalak ang Karunungan dahil sa mga Gawa ng Awa ng Diyos at ang kagandahang dulot nito. Napakaganda at napakabuti ang mga nilikha ng Diyos. Ang lahat ay nilikha ng Diyos dahil sa Kanyang Awa at Karunungan. 

Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa Awa ng Diyos sa Ikalawang Pagbasa. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo kung paano tayo naging malinis sa harapan ng Diyos. Tayo ay naging malinis sa harapan ng Ama dahil sa Panginoong Hesukristo, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. Pinawalang-sala tayo ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng paghahain ng Kanyang buhay sa krus. Tayo ay nilinis mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Dugo ni Kristo. Niloob ng Diyos na tayo ay mapawalang-sala sa pamamagitan ni Kristo. A dahil tayo ay nilinis at napawalang-sala sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, makakapiling natin ang Diyos sa Kanyang kaharian sa langit. 

Ganyan kadakila ang Awa ng Diyos. Napakadakila ang Awa ng Diyos at walang makakapantay sa Kanyang Awa. Gagawin Niya ang lahat para sa ating kabutihan. Ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Hesus upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Niloob Niya ito upang makapiling natin Siya sa Kanyang kaharian sa langit. Nais ng Diyos na makapiling at makasama natin Siya sa Kanyang piling. Kaya, noong tayo ay dinungisan ng kasalanan, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus ay bumaba mula sa langit at dumating sa sanlibutan upang linisin at ipawalang-sala tayo mula sa ating mga kasalanan. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus sa mga alagad ang Kanyang ugnayan sa Ama at Espiritu Santo bilang Diyos. Ang Ama ang nagpadala kay Hesus sa sanlibutan at sa Kanya nagmula ang mga salitang namutawi mula sa bibig ni Hesus. Sa Ama nagmula ang mga ipinahayag ni Hesus noong Siya'y nasa lupa. At nangako si Hesus na ipapadala Niya ang Espiritu Santo sa mga alagad kapag nakabalik na Siya sa langit. Dagdag pa ni Hesus, magmumula sa Kanya ang sasabihin ng Espiritu Santo sa kanila. Kung paanong nagmula sa Ama ang mga sinabi ni Hesus sa Kanyang ministeryo sa daigdig, gayon din naman, magmumula kay Hesus ang mga sasabihin ng Espiritu Santo sa mga alagad. 

Alam ni Hesus na hindi kakayanin ng mga alagad ang kanilang misyon kung walang tutulong at gagabay sa kanila. Alam ni Hesus ang mga kahinaan ng mga alagad. Alam din ni Hesus na pansamantala lamang Siya dito sa mundo. Babalik din Siya muli sa Ama. Kaya, dahil sa Kanyang Awa, nangako si Hesus sa mga alagad na ipapadala Niya ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang magsisilbing Patnubay ng mga alagad sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa buong daigdig. Nais ng Panginoong Hesus na magtagumpay ang mga alagad sa kanilang misyon. Kaya, ang pangako ni Hesus sa mga alagad, hindi sila mag-iisa sa kanilang misyon. May makakasama sila - ang Espiritu Santo, ang Patnubay. 

Paglikha sa daigdig. Pagtubos sa sangkatauhan. Pamamatnubay at paggabay sa atin. Iilan lamang iyan sa mga dakilang Gawa ng Awa na nagmula sa Banal na Santatlo. Binubuo ng Tatlong Persona ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ang Iisang Diyos na puno ng tunay na awa at habag para sa sangkatauhan. Nagpapakilala ang Banal na Santatlo sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanilang Awa at Pag-ibig. Nais ng Banal na Santatlo na makilala natin Sila bilang iisang Diyos na puno ng awa at pagmamahal para sa lahat. Ang Awa ng Diyos na binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo, ay tunay at wagas. Hindi magmamaliw at walang hanggan ang Awa ng Diyos na patuloy na ipinapakita ng Banal na Santatlo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento