29 Mayo 2016
Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo (K)
Genesis 14, 18-20/Salmo 109/1 Corinto 11, 23-26/Lucas 9, 11b-17
Dalawa ang ginugunita natin sa bawat pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Una, ang Huling Hapunan na pinagsaluhan ng Panginoong Hesus at ng mga alagad noong gabi ng Huwebes Santo. Sa Huling Hapunan, itinatag ng Panginoong Hesus ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya para sa Simbahan. Iniutos ni Hesus sa mga alagad, "Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa Akin." (Lucas 22, 19) Ikalawa, ang paghahain ni Hesus ng Kanyang buhay sa krus ng Kalbaryo. Inialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus alang-alang sa ating lahat. Ginawa Niya ito para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng sangkatauhan.
Masasabi nating ang Banal na Eukaristiya ay ang Sakramento ng pagbibigay ni Hesus ng Kanyang sarili. Ibinibigay ni Hesus ang Kanyang sarili sa Banal na Eukaristiya sa anyo ng tinapay at alak. Pinili ni Hesus na ibigay ang Kanyang sarili dahil sa Kanyang awa sa atin. Dahil sa kadakilaan ng Kanyang awa, ibinigay ng Panginoong Hesus ang Kanyang sariling Katawan at Dugo para sa atin. Kaya, masasabi din nating Sakramento ng Awa ang Banal na Eukaristiya.
Sa Eukaristiya, nararanasan natin ang awa at pagpapala ng Diyos. Sa Eukaristiya, ibinibigay ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang Katawan at Dugo sa atin.
Sa Unang Pagbasa, tinanggap ni Abram (na ngayo'y kilala natin bilang si Abraham, ang ama ng pananampalataya) ang awa at pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng hari at saserdoteng si Melquisedec mula sa Salem. Bukod pa sa pagpapala ng hari at saserdoteng si Melquisedec, naghain din ng tinapay at alak si Melquisedec. Ito ay parang tanda. Ito'y isang tanda na magaganap ito sa Bagong Tipan. Magaganap ito sa Bagong Tipan sa pamamagitan ni Hesukristo.
Sa Ikalawang Pagbasa, mapapakinggan natin ang salaysay ng Huling Hapunan. Ang nakakatuwang pansin, si San Pablo Apostol ay wala noong itinatag ni Hesus ang Banal na Eukaristiya. Subalit, kahit wala si Apostol San Pablo sa Huling Hapunan, nagsulat siya tungkol sa Huling Hapunan. Sa Huling Hapunan naganap ang pagkakatatag ng Banal na Eukaristiya. Inihain ni Hesus ang tinapay at alak, katulad ng ginawa ni Melquisedec sa Unang Pagbasa. Ibinigay Niya ito sa mga alagad na ang wika, "Ito ang Aking Katawan... Ito ang Aking Dugo..." (11, 24-25)
Noong idineklara ni Hesus na ang tinapay ang Kanyang Katawan at ang alak ang Kanyang Dugo, isang pagbabago ang naganap. Mula sa pagiging ordinaryong tinapay at alak, ito ay naging Katawan at Dugo ng Panginoong Hesus. Ibinibigay ni Hesus ang Kanyang sarili bilang pagkain at inuming pang-kaluluwa. Ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesus ang tunay na pagkain at inuming makakapawi sa mga matitinding kagutuman at kauuhawan.
Bahagi ng mga Korporal na Gawa ng Awa ang pagbibigay ng pagkain at inumin sa mga nagugutom at nauuhaw. Nagbigay si Hesus ng perpektong halimbawa ng pagbibigay ng pagkain at inumin sa mga nagugutom at nauuhaw. Ibinigay Niya ang Kanyang Katawan at Dugo upang maging pagkain at inuming espirituwal. Sa pagbibigay Niya ng Kanyang sarili, pinapawi ni Hesus ang mga matitinding pagka-gutom at pagka-uhaw ng mga nananalig sa Kanya. Ginawa Niya ito dahil sa Kanyang awa sa atin. Ayaw ni Hesus na manatili tayong gutom at uhaw. Kaya, dahil sa Kanyang Awa, ibinigay at inihain ni Hesus ang Kanyang sariling Katawan at Dugo upang maging pagkain at inuming pang-espirituwal natin.
Sa Ebanghelyo, pinakain ni Hesus ang limanlibong katao. Hindi Niya pinauwi ang mga tao matapos nilang sundan at pakinggan Siya buong araw. Alam ni Hesus na baka mahimatay ang mga tao sa daan sa sobrang pagod, gutom, at uhaw. Nasa ilang na lugar pa sila. Limang tinapay at dalawang isda lamang ang pagkaing naroon. Kaya, pinarami ni Hesus ang bilang ng mga tinapay at alak. Si Hesus ay nagpasalamat sa Diyos para sa pagkain. Matapos magpasalamat, pinaghati-hati Niya ang mga tinapay. Dumami ang bilang ng tinapay. Nakakain ang lahat at nabusog. Nagkaroon pa nga ng mga tira-tira. Pinawi ni Hesus ang kagutuman ng mga tao sa pamamagitan ng tinapay at isda.
Naawa si Hesus sa mga tao. Naawa Siya dahil gutom na ang mga tao. Kasama nila si Hesus buong araw sa isang ilang na lugar. Ayaw Niyang pauwiin ang mga tao upang makakain sila dahil alam Niya mawawalan sila ng malay sa daan. Kaya, pinakain Niya ang mga tao. Ang Panginoong Hesus ang nagkaloob ng pagkain sa kanila. Ang mga tao'y pinagkalooban ni Hesus ng pagkain dahil sa Kanyang awa. Awa ang dahilan kaya't pinakain ni Hesus ang mga tao ng tinapay at isda. Ang pagpaparami sa tinapay at isda ang tugon ni Hesus sa kagutuman ng mga tao. Tumugon si Hesus dahil sa tindi ng Kanyang awa sa kanila.
Ibinibigay ni Hesus ang Kanyang sarili sa Banal na Eukaristiya dahil sa Kanyang awa. Ang pagbibigay ng sarili ni Hesus sa atin ay isang Gawa ng Awa na mula sa Kanya. Ibinibigay Niya ang Kanyang sarili bilang pagkain at inuming espirituwal. Kusang-loob na ibinibigay ni Hesus ang Kanyang sarili sa atin. Nais pawiin ni Hesus ang mga matitinding pagka-gutom at pagkauhaw natin. Pinili Niyang gawin ito dahil sa Kanyang awa sa atin. Awa ang dahilan kung bakit ibinigay ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inuming pang-espirituwal. Awa ang dahilan kung bakit itinatag ng Panginoong Hesus ang Banal na Eukaristiya. Awa ang mensahe ng Banal na Eukaristiya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento