3 Hunyo 2016
Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus (K)
Ezekiel 34, 11-16/Salmo 22/Roma 5, 5b-11/Lucas 15, 1-7
Katulad nating lahat, naranasan ng Panginoong Hesus na masugatan ang Kanyang Puso. Nasugatan ang Mahal na Puso ni Hesus dahil sa Kanyang awa at pag-ibig para sa ating lahat. Pinahintulutan ni Hesus na masugatan ang Kanyang Banal na Puso upang ipakita sa ating lahat kung gaano Siya maawain at mapagmahal sa atin. Kahit ilang ulit sugatan ang Kanyang Sagradong Puso, hindi titigil si Hesus sa pagiging maawain at mapagmahal sa ating lahat. Patuloy na ipapakita at ipapadama ni Hesus ang Kanyang awa at pag-ibig sa ating lahat, ilang ulit mang masugatan ang Kanyang Mahal na Puso dahil sa ating mga kasalanan.
Tayo ang dahilan kung bakit may sugat sa Puso ni Hesus. Ang sugat sa Puso ni Hesus ay sumasagisag sa kasalanan ng sangkatauhan. Subalit, ipinapakita sa atin ng Mahal na Puso ni Hesus na higit na dakila ang kapangyarihan ng Awa at pag-ibig ng Panginoon kaysa kapangyarihan ng kasalanan. Gaano mang karami ang kasalanan ng sangkatauhan, ilang ulit mang masugatan ang Puso ng Panginoong Hesus, hindi Siya titigil sa pagiging maawain at mapagmahal sa ating lahat.
Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayong Pista ng Mahal na Puso ang Awa at Pagmamahal ng Panginoon sa lahat. Sa Unang Pagbasa, sinabi ng Panginoong Diyos kay Propeta Ezekiel na Siya mismo ang magpapastol sa Kanyang kawan. Gagawin ng Panginoon ang lahat para sa Kanyang mga tupa. Siya mismo ang mag-aalaga at mag-aaruga sa Kanyang kawan. Aakayin Niya ang Kanyang mga tupa patungo sa mga mahimlay na pastulan at sa mga batisan. Ipagsasanggalang din Niya ang Kanyang mga tupa mula sa mga mababangis na hayop. Ito ay isang pangako mula sa Panginoon. Gagawin Niya ang lahat para sa kabutihan ng Kanyang mga tupa. Kung kinakailangang ihain Niya ang Kanyang buhay, gagawin iyon ng Panginoon alang-alang sa Kanyang mga tupa. Siya ang tunay na Mabuting Pastol, isang pastol na may puso para sa kanyang kawan.
Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Si Kristo ay ipinako at namatay sa krus alang-alang sa mga makasalanan. Pinili ni Kristo na maghain ng buhay para sa mga makasalanan upang magkaroon ng kapatawaran para sa kanilang mga kasalanan. Ginawa iyon ng Panginoon dahil sa Kanyang awa at pag-ibig sa ating lahat. Nais ng Panginoon na magkaroon ng kapatawaran ang mga kasalanan ng sangkatauhan. Kaya, kusang-loob na inihandog at inialay ng Panginoon ang Kanyang buhay sa krus alang-alang sa makasalanang sangkatauhan.
Sa Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus kung gaanong kalalim ang Kanyang Awa sa mga makasalanan sa pamamagitan ng talinghaga. Kung paanong hahanapin ng isang pastol ang kanyang tupang nawawala, gayon din naman, hahanapin ni Hesus ang mga makasalanan. Gagawin ni Hesus ang lahat upang mahanap Niya ang mga tupang naliligaw ng landas. Nais ni Hesus na manumbalik sa Kanyang kawan ang mga naliligaw ng landas. Kaya, dahil sa Kanyang awa at pag-ibig para sa Kanyang kawan, hahanapin ni Hesus ang mga tupang nawawala at naliligaw ng landas. Labis ang kagalakan ng Panginoong Hesus kapag natagpuan na Niya at naibabalik sa Kanyang kawan ang mga tupang nawawala at naliligaw ng landas.
Gayon nga ang ginawa ni Hesus noong Siya'y dumating sa sanlibutan. Hinanap Niya ang mga makasalanan at hinikayat silang magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Hindi kalooban ni Hesus na mapahamak ang mga ito dahil sa kanilang mga kasalanan. Labis ang Kanyang awa at pagmamahal para sa kanila. Nais Niyang makapiling ang mga ito sa Kanyang kaharian sa langit. Gagawin Niya ang lahat upang sila'y makapiling Niya sa langit. Gagawin Niya ang lahat upang sila'y magbalik-loob sa Diyos. Kaya, dahil sa Kanyang awa at pagmamahal, niloob ni Hesus na ialay ang Kanyang buhay sa krus para sa kapatawaran ng mga kasalanan at para sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Pinatunayan ni Hesus na kahit ilang ulit Siyang masugatan dahil sa ating mga kasalanan, gagawin Niya ang lahat upang hanapin tayong lahat na nawawala at naliligaw ng landas. Gagawin Niya iyon dahil sa Kanyang Awa at pagmamahal para sa atin. Ilang ulit mang masugatan ang Kanyang Mahal na Puso dahil sa ating mga pagkakasala, hindi titigil si Hesus sa paghahanap sa atin. Hahanapin tayo ni Hesus. At magagalak si Hesus kapag tayo ay Kanyang natagpuan. Gagawin iyon ni Hesus para sa ating lahat dahil sa lalim ng Kanyang Awa at pagmamahal para sa ating lahat. Pinapatunayan ni Hesus sa atin na mas dakila at makapangyarihan ang Kanyang Awa at pagmamahal kaysa sa ating mga kasalanan.
Ang Mahal na Puso ni Hesus ay labis na nasugatan dahil sa Kanyang Awa at pag-ibig para sa ating lahat. Kahit mga makasalanan tayo, patuloy tayong minamahal ni Hesus. At dahil sa Kanyang Awa at pagmamahal, nakahanda si Hesus na masugatan ang Kanyang Puso. Titiisin ni Hesus ang sakit at kirot dulot ng mga sugat sa Kanyang Mahal na Puso. Ilang ulit mang masugatan natin ang Kanyang Mahal na Puso, hindi titigil si Hesus sa pagiging maawain at mapagmahal sa atin. Higit na makapangyarihan at dakila ang Kanyang awa at pagmamahal kaysa sa kapangyarihan ng kasalanan. At sa kahuli-hulihan, ang Mahal na Puso ni Hesus na puspos ng awa at pagmamahal ay magtatagumpay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento