Linggo, Mayo 29, 2016

IBAHAGI ANG KAGALAKANG DULOT NG AWA NG DIYOS

31 Mayo 2016 
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria 
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56 



Matapos siyang dalawin ni San Gabriel Arkanghel sa kanyang tahanan sa Nazaret, dinalaw ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. Sa kanyang pagdalaw kay Elisabet, tinaglay ni Maria ang kagalakang dulot ng Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ang sanhi ng kagalakan ng Mahal na Birheng Maria. Nais ibahagi ni Maria kay Elisabet ang kagalakang nagmumula sa Awa ng Diyos. At ang kagalakang nagmumula sa Awa ng Diyos ang tunay na kagalakan. 

Noong dinalaw ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang kamag-anak na si Elisabet, ipinahayag niya ang kanyang kantikulo, ang Magnificat. Ang kantikulo ni Maria ay isang kantikulo ng kagalakan. Sa kanyang kantikulo, inilarawan ni Maria ang Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ang dahilan kung bakit pinupuri ni Maria ang Diyos. Ipinadama ng Diyos ang Kanyang Awa kay Maria sa pamamagitan ng paglingap sa kanya. Nilingap ng Diyos si Maria sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti para sa Kanya. Isang Gawa ng Awa ang ginawa ng Diyos para kay Maria. Pinili at hinirang ng Diyos si Maria upang maging ina ng Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. Para kay Maria, ito ay kamangha-mangha. Isang dalagang tulad niya ay maglilihi at manganganak sa Anak ng Diyos. Sa lahat ng mga babaeng nilalang, si Maria ay pinili ng Diyos para sa pananagutang ito. At ito'y nagbigay ng kagalakan sa kanya. 

Alam ng Mahal na Ina na hindi lamang para sa sarili ang kagalakang dulot ng Awa ng Diyos. Ito ay para sa lahat. Kaya, ibinahagi ng Mahal na Birheng Maria ang kagalakang tinanggap niya mula sa Diyos. Kung paanong ibinahagi ng Diyos ang Kanyang Anak na si Hesukristo sa sangkatauhan, gayon din naman, dapat din nating ibahagi ang biyaya at pagpapala ng Diyos sa lahat. Ang Diyos ay maawain at handang magbahagi sa lahat, kahit ang Kanyang sarili. Pinatunayan Niya ito noong si Hesus, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan. At nang maging tao, inihain ni Hesus ang Kanyang buhay at sarili sa krus alang-alang sa ating lahat. 

Tinaglay ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ang nagbigay ng kagalakan sa kanya - si Hesus, ang Mukha ng Awa ng Diyos. Nagagalak si Maria dahil ipinakita at ipinadama sa kanya ng Diyos ang Kanyang Awa. Una niya itong ibinahagi sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Patuloy niya itong ibinabahagi sa atin, sapagkat si Maria ang Ina ng Sambayanang Kristiyano, ang ating Mahal na Ina. Si Maria ay atin ding ina. Ibinahagi ni Hesus si Maria sa ating lahat upang maging Ina nating lahat. Sa gayon, magiging kapatid natin si Hesus. At dahil binahagi siya ni Hesus sa atin upang maging ina natin, ibinabahagi ni Maria sa atin ang mga pagpapala at biyayang tinanggap niya mula sa Diyos. 

Mayroon tayong dalawang huwaran ng pagbabahagi - si Hesus at si Maria. Ibinahagi ni Hesus ang Kanyang sarili at buhay sa krus sa Kalbaryo upang tayo ay maligtas. Ibinabahagi ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Eukaristiya. Ibinahagi din ni Hesus sa atin si Maria upang maging ating Ina. Patuloy na ibinabahagi sa atin ni Maria ang mga pagpapala at biyayang tinanggap niya mula sa Diyos na puspos ng awa at habag. Patuloy na ibinabahagi sa atin ng Mahal na Inang Maria ang kanyang maka-inang pagkalinga sa atin. Bilang mga Kristiyano, dapat tayong magbahagi, katulad nina Hesus at Maria. 

Tularan natin si Hesus at Maria. Magbahagi tayo sa kapwa, katulad ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria. Ibahagi natin sa ating kapwa ang kagalakang dulot ng Awa ng Diyos. Huwag nating ipagdamot sa kapwa ang kagalakang dulot ng Awa ng Diyos. Sapagkat ang kagalakang dulot ng Awa ng Diyos ay hindi lamang para sa sarili, kundi para sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento