Ayon sa Katesismo ng ating Simbahan, iisa
lamang ang Diyos na ating sinasamba. Subalit, sa iisang Diyos na ating
sinasamba, may Tatlong Persona na bumubuo nito - ang Ama, Anak, at Espiritu
Santo. Hindi po sila magkakapareho. Bagkus, mayroon silang ugnayan sa isa't isa
- sila ay Diyos. Bagamat magkakaiba ang Tatlong Persona ng Ama, Anak, at
Espiritu Santo; iisa pa rin sila bilang Diyos. Kaya nga po, kapag tayo ay
nag-aantanda ng Krus, sinasabi natin, "Sa Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng
Espiritu Santo." Hindi po natin sinasabi, "Sa mga Pangalan ng Ama, at
ng Anak, at ng Espiritu Santo," kundi, "Sa Ngalan..."
Sa salaysay ng paglikha (Genesis 1, 1-2,
2), mapapakinggan natin na hindi nag-iisa ang lumilikha sa tao. Sabi ng Diyos,
"Ngayon, lalangin NATIN ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan
NATIN." (1, 26) Hindi lang nag-iisa ang Tagapaglikha ng sangkatauhan. Higit
pa sa isa ang lumikha sa sanlibutan. Ang Diyos, na Siyang lumikha ng langit at
lupa, ay hindi lamang binubuo ng isang persona. Sa ating pagsasaliksik ng Banal
na Bibliya, mapapakinggan natin na may mga kasama ang Tagapaglikha ng
sanlibutan - ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus (Juan 1, 1-18),
at ang Espiritu Santo, ang Hininga ng Diyos na nagbibigay-buhay (Juan 6, 63).
Magkasama ang tatlong ito noong nilikha ang sanlibutan. Nagkaisa at nagtulungan
ang Tatlong Personang ito sa paglikha sa daigdig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento