Linggo, Hunyo 5, 2016

ANG MAKAPANGYARIHANG AWA AT HABAG NG PANGINOON

5 Hunyo 2016 
Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Hari 17, 17-24/Salmo 29/Galacia 1, 11-19/Lucas 7, 11-17 



Isinasalarawan ng mga Pagbasa ngayon ang kapangyarihan ng Awa at Habag ng Panginoon. Malaki ang ugnayan ang Awa at Habag ng Panginoon sa Kanyang kapangyarihan. Bukod pa sa pagiging makapangyarihan, ang Panginoon ay maawain at mahabagin. Sa pagpapakita ng Awa at Habag, ipinapamalas ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan. Mga gawa ng kabutihan ang bunga ng makapangyarihang Awa at Habag na patuloy na ipinapamalas ng Panginoon.

Sa Unang Pagbasa, muling binuhay ng Panginoong Diyos ang anak ng isang babaeng balo. Ang babaeng balo na ito ay nagmula at nakatira sa Sarepta, isang bayan sa labas ng Israel. Kahit hindi siya Hudyo, sa kanya ipinadala ng Panginoon ang propetang si Elias. Noong nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain, sa tahanan ng babaeng balong ito tumuloy ang propeta Elias. 

Dumating ang araw kung kailan nagkasakit ng malubha ang kanyang anak at namatay. Nagalit ang balo kay Elias. Mag-isa na lamang siya. Matagal nang pumanaw ang kanyang asawa. Dahil sa pagpanaw ng kanyang asawa, silang dalawa ng kanyang anak ang natira at nagsama sa kanilang tahanan. Ngayon naman, ang kanyang anak ay kukunin mula sa kanya. Dahil sa pagkamatay ng kanyang anak, mag-isa na lamang siya habambuhay. Wala nang kasama ang balo habambuhay. Mamumuhay siya na puno ng hapis at lumbay dahil mag-isa na lamang siya habambuhay. Kaya, noong kinausap ng balo si propeta Elias, mararamdaman natin ang kanyang lungkot, galit, at sama ng loob. 

Dahil dito, buong pagsusumamong nanalangin si propeta Elias sa Panginoong Diyos na buhayin ang anak ng babaeng balo. Matapos hingahan ni propeta Elias ang bata at manalangin sa Diyos nang tatlong ulit, nabuhay ang bata. Nabuhay ang bata dahil sa kapangyarihan ng Awa at Habag ng Diyos. Pinakinggan at sinagot ng Panginoong Diyos ang panalangin ni propeta Elias. Binuhay ng Diyos ang anak ng babaeng balo. Ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang makapangyarihang Awa at Habag sa pamamagitan ng pagbuhay sa anak ng babaeng balo na nagpatuloy sa Kanyang propeta na si propeta Elias. 

Naging instrumento ng Panginoon si propeta Elias. Sa pamamagitan ni propeta Elias, binuhay ng Diyos ang anak ng babaeng balo. Dahil sa mga panalangin ni propeta Elias para sa babaeng balo na nagpatuloy sa kanya at ang kanyang anak, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang Awa at Habag sa pamamagitan ng pagbuhay sa anak ng babaeng balo na nagpatuloy kay propeta Elias. Awa at Habag ang tugon ng Diyos sa mga panalangin ni propeta Elias. Awa at Habag ang iginanti ng Diyos sa babaeng balo dahil pinatuloy niya si propeta Elias. At dahil sa Awa at Habag ng Diyos, binuhay ang anak ng babaeng balo. Sa pagpapakita ng Awa at Habag, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan. 

Isinalarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung paano siya kinahabagan ng Panginoon. Naranasan ni Apostol San Pablo ang Awa at Habag ng Diyos noong nagpakita ang Panginoong Hesukristo sa daang patungong Damasco. Bagamat siya'y kinilala bilang tagausig ng mga sinaunang Kristiyano, hinirang at pinili ng Diyos si San Pablo Apostol (na noo'y nakilala sa pangalang Saulo) upang maging bahagi ng misyon ng Simbahan. Hinirang at pinili ng Panginoon si Apostol San Pablo upang ipahayag ang Mabuting Balita sa mga Hentil. 

Nang dahil sa Awa at Habag ng Diyos, nagbago ang buhay ni Apostol San Pablo. Mula sa pagiging tagausig ng Simbahan, si San Pablo Apostol ay naging misyonero at tagapagpahayag ng Mabuting Balita sa mga Hentil. Ang makapangyarihang Awa at Habag ng Panginoon ang nag-udyok kay Apostol San Pablo na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Ang isang kinilalang tagausig ng Simbahan noon ay isa nang kilalang Apostol at Santo ng Simbahan. 

Sa Ebanghelyo, muling nagpakita ng Awa at Habag ang Diyos sa isang babaeng balo na namatayan ng anak. Ang Diyos ay nagpakita ng Awa at Habag sa balong taga-Nain sa pamamagitan ni Hesukristo, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Si Hesus ang Mukha ng Awa ng Ama. Kay Hesus, muling ipinakita ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag. Noong si Hesus ay nasa sanlibutan, nakita ng sangkatauhan ang Mukha ng Diyos na puspos ng Awa at Habag. 

Sa pakikipagtitigan ng babaeng balo kay Hesus, nakita niya ang Mukha ng Awa ng Diyos. Nakita ng babaeng balo ang Awa ng Diyos na naging tao. Nakita ng balo ang Mukha ng Diyos. Nakaharap niya ang Diyos na puspos ng Awa at Habag para sa sangkatauhan. Nakipagtitigan ang babaeng balo sa masintahing pagtingin ni Hesus, na puno ng awa at habag para sa kanya. 

Nang makita ni Hesus ang babaeng balo na namatayan ng anak, napuno Siya ng Awa at Habag. Alam ni Hesus kung ano ang mangyayari sa babaeng ito matapos ilibing ang kanyang anak. Alam ni Hesus na mapupuno ng hapis, sakit, at lumbay ang buhay ng babaeng balo dahil mag-isa na lamang siya. Wala nang tutulong sa kanya. Wala nang maghahanap-buhay para sa kanya. Matagal nang pumanaw ang kanyang asawa. Ngayon naman, ang kanyang kaisa-isang anak ay pumanaw na rin. Magiging masakit at malungkot ang buhay ng babaeng balong ito ngayong wala na ang dalawang lalaking mahal niya - ang kanyang asawa at anak. 

Dahil sa Kanyang Awa at Habag, binuhay ni Hesus ang binata. Pagdaka'y bumangon ang binatilyo, at nagsalita sa harap ng madla. Matindi ang tuwa at galak na naramdaman ng ina ng binata nang masaksihan niya ang ginawa ng Panginoong Hesus para sa kanya at sa kanyang anak. Nakasaksi ang babaeng balo ng isang himala. Nakita ng babaeng balo ang kapangyarihan ng Awa at Habag ng Panginoon. Ang kanyang anak na namatay ay binuhay dahil sa kapangyarihan ng Awa at Habag ng Panginoon. Ang kalungkutan at hapis ng isang ina ay naging tuwa at kagalakan dahil sa Awa at Habag ng Panginoon. 

Maraming kabutihan ang naibubunga ng makapangyarihang Awa at Habag ng Panginoon. Dahil sa Awa at Habag ng Panginoon, ang ating mga panalangin at kahilingan ay natutupad at nagkakatotoo, ayon sa Kanyang naisin. Dahil dito, tayo ay nagkakaroon ng tuwa at galak. Kagalakan ang dulot ng kapangyarihan ng Awa at Habag ng Panginoon. Ang makapangyarihang Awa at Habag ng Panginoon ang sanhi ng ating kagalakan. Dahil sa kapangyarihan ng Awa at Habag ng Panginoon, tayong lahat ay natutuwa at nagagalak. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento