Linggo, Hunyo 12, 2016

LUBOS NA PINATAWAD NG DIYOS DAHIL SA KANYANG AWA

12 Hunyo 2016 
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Samuel 12, 7-10. 13/Salmo 31/Galacia 2, 16. 19-21/Lucas 7, 36-8, 3 (o kaya: 7, 36-50) 



Angkop na angkop ang mga Pagbasa ngayong Linggong ito, lalo na't idineklara ng Santo Papa ang taong ito bilang Banal na Taon ng Awa. Layunin ni Papa Francisco sa pagdeklara ng Hubileyo ng Awa ang kaliwanagan ng puso't isipan ng bawat isa patungkol sa Awa ng Diyos. Nais ng Mahal na Santo Papa na pagnilayan natin sa kabuuan ng taong ito ang misteryo ng Awa ng Diyos. Ang pangunahing katangian ng Diyos ay ang Kanyang Awa. Labis ang Kanyang Awa para sa ating lahat, mga abang makasalanan. Walang pagmamaliw ang Kanyang Awa para sa lahat. Gaano mang kabigat ang mga kasalanan ng bawat tao, mapapatawad pa rin ng Diyos ang lahat ng iyan. Walang makakapantay o makahihigit pa sa kadakilaan ng Awa ng Diyos. Ito'y isinasalarawan ng mga Pagbasa natin ngayong araw ng Linggo. 

Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni propeta Natan kay Haring David na napakabigat ang kasalanang ginawa niya. Pinagpatay ni Haring David ang asawa ni Batseba na si Urias upang mapasakanya si Batseba. Inagaw ni Haring David si Batseba mula sa kanyang asawa. Sa gayong paraan, nakiapid si Haring David. Nang mapagtanto ni Haring David ang kasalanang ginawa niya, siya ay humingi ng kapatawaran sa Diyos. Inamin ni Haring David na isang napakabigat na kasalanan ang ginawa niya sa paningin ng Diyos, at humingi siya ng kapatawaran para sa kanyang ginawang kasalanan. Kaya, ipinahayag ni propeta Natan kay Haring David na siya ay pinatawad ng Diyos sa kanyang ginawang pakikiapid.

Ipinahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayo ay napawalang-sala dahil sa ating pananalig kay Kristo Hesus. Hindi sapat ang ating pagkilala kay Hesus. Ang pagkilala kay Hesus ang unang hakbang sa pagkamit ng awa mula sa Kanya, subalit hindi iyon natatapos doon. Kinakailangan nating manalig kay Hesus upang makamit natin ang Kanyang walang hanggang Awa. Kung tayo ay mananalig kay Hesus, makakamtan natin ang biyaya ng Kanyang Awa. Sapagkat ang pananalig kay Hesus ay pananalig din sa Kanyang Awa. Lumapit tayo kay Hesus nang may buong pananalig sa Kanya upang makamtan natin ang Kanyang Awa. Sa pamamagitan ng Kanyang Awa, tayong lahat ay mapapawalang-sala. Pinapawalang-sala tayo ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang Awa. 

Sa Ebanghelyo, pinatawad ni Hesus ang isang babaeng makasalanan. Ipinakita ng babaeng makasalanan ang kanyang makatotohanang pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang mga ginawa para kay Hesus. Binasa ng babae ang mga paa ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang mga luha, pinunasan gamit ang kanyang buhok, hinalikan, at pinahiran ng pabango. Sa pamamagitan ng kanyang mga ginawa para kay Hesus, ipinakita ng babae na tunay ang kanyang paghahangad na magbagong-buhay at mamuhay sa pag-ibig ng Diyos. 

Kahit hindi siya inanyayahan sa tahanan ng Pariseong si Simon, pumunta pa rin ang babaeng makasalanan sa bahay na iyon. Hindi rin pinansin ng babae ang mga batikos ng ibang mga panauhin sa bahay na iyon laban sa kanya. Kahit binatikos siya ng ibang mga panauhin sa bahay na iyon, lalung-lalo na ni Simon, tinuloy lamang ng babae ang kanyang ginawa para kay Hesus. Si Hesus lamang ang sadya ng babaeng makasalanan sa bahay na iyon. Nais niyang lumapit kay Hesus upang humingi ng awa at kapatawaran para sa kanyang mga kasalanan. Nananalig ang babae na makakamit niya ang awa at kapatawaran ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. Gagawin niya ang lahat upang ipakita kay Hesus na makatotohanan ang kanyang paghahangad na magbagong-buhay at mamuhay para sa Diyos. 

Dahil sa mga ginawa ng babae na nagpapakita ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan, pinatawad siya ni Hesus. Ipinagtanggol din ni Hesus ang babaeng makasalanan mula sa mga bumabatikos sa kanya, lalung-lalo na mula kay Simon na Pariseo. Pinuri ni Hesus ang babaeng nagtitika dahil sa kanyang mga ginawa na nagpapatunay na makatotohanan ang kanyang hangad na magbagong-buhay. Ipinagkaloob din ni Hesus ang Kanyang awa at habag sa babaeng nagtitika. Batid ni Hesus na nais magbagong-buhay ang babae. Batid ni Hesus ang nilalaman ng puso at kalooban ng babaeng ito. Batid ni Hesus na nais magbagong-buhay ang babaeng ito. Nababatid din ni Hesus na tunay ang paghahangad ng babaeng nagtitika na makamit ang awa at kapatawaran ng Panginoon. Kaya, pinatawad at hinikayat ni Hesus na huwag nang magkasala muli ang babaeng nagtitika. 

Hindi ipagkakait ng Panginoon ang Kanyang Awa sa sinumang makasalanang nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya nang buong puso. Laging nagpapatawad ang Diyos. Ang Diyos ay laging handang magpatawad. Hindi magsasawa ang Diyos na patawarin tayo mula sa ating mga kasalanan. Walang kasalanang makakapantay sa Awa ng Diyos. Walang kasalanang masyadong mabigat para sa Awa ng Diyos. Walang kasalanang hindi mapapatawad ng Diyos. Higit na makapangyarihan at dakila ang Awa ng Diyos kaysa sa kasalanan. Gaano mang kabigat ang kasalanan ng tao, mapapatawad pa rin ng Diyos ang lahat ng iyan. 

Huwag tayong matakot na lumapit at manikluhod sa Panginoon upang hingin ang Kanyang Awa at pagpapatawad. Lumapit tayo sa Panginoon nang may buong katapangan at pananalig sa Kanya upang humingi ng awa at kapatawaran mula sa Kanya. Hindi Niya ipagkakait sa atin ang Kanyang awa kung taos sa puso ang ating pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Bagkus, ipagkakaloob sa atin ng Panginoon ang Kanyang Awa na hindi magmamaliw magpakailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento