29 Hunyo 2016
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
[Pagmimisa sa Araw ng Dakilang Kapistahan]
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19
Atin pong ipinagdiriwang ngayon ang Dakilang Kapistahan ng dalawang dakilang Santo ng ating Simbahan - sina San Pedro at San Pablo Apostol. Ang dalawang ito ay kilala bilang mga punong Apostol at mga Haligi ng Simbahan. Bago tinanggap ng dalawa ang tawag ng Panginoong Hesukristo upang maging mga misyonero at apostol, meron silang mga kanya-kanyang buhay. Si San Pedro Apostol ay isang mangingisda, mamamalakaya, bago siya tinawag at hinirang ni Hesukristo upang maging Kanyang apostol. Si San Pablo Apostol naman ay namuhay bilang isang Pariseo. Siya po ay napakatalino bilang isang Pariseo. Masasabi nating isang dalubhasa si Apostol San Pablo sa Banal na Kasulatan. Ang tawag ni San Pablo Apostol sa kanyang sarili ay, "Pariseo, anak ng mga Pariseo." (Mga Gawa 23, 6)
Hindi lamang sa dati nilang pamumuhay kilala ang dalawang apostol na ito. Kilala din sila sa kani-kanilang mga dating pangalan. Ang dating pangalan ni San Pedro Apostol ay Simon, ang anak ni Jonas. Pinangalanan siyang Pedro matapos niyang ipahayag na si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. Ang dating pangalan ni San Pablo Apostol ay Saulo na taga-Tarso. Binago lamang niya ang kanyang pangalan noong sinimulan niya ang kanyang pagmimisyon sa mga Hentil.
Noong una nilang nakilala si Kristo, nagkaroon sila ng pagdududa. Pinagdudahan ni San Pedro Apostol si Hesus noong iniutusan siya ni Hesus na pumalaot muli sa Lawa ng Genesaret at ihulog ang kanilang mga lambat upang magkaroon sila ng huli. Pinagdudahan ni San Pedro Apostol si Hesus sapagkat nanggaling lamang sila doon. Magdamag na nangisda sina Pedro at ang kanyang mga kasama, at sa kasawiang palad, wala silang nahuling isda, kahit isa man lang. Si Apostol San Pablo naman, noong siya ay kilala bilang si Saulo na taga-Tarso, ay hindi lamang nagduda kay Kristo, inusig pa niya ang Simbahan. Inusig niya ang mga unang kaanib ng Simbahan, ang mga unang Kristiyano, hanggang sa magpakita sa kanya ang Panginoong Hesus sa daang patungong Damasco.
Hindi nawala ang kanilang mga kahinaan bilang tao noong sila'y naging mga apostol ni Kristo. Si San Pedro Apostol, bagamat siya ang pinuno ng mga apostol, ay mayroon ding mga kahinaan. Isang halimbawa ng mga kahinaan ni Apostol San Pedro ay noong dinakip si Hesus. Noong ang Panginoong Hesus ay dinakip ng mga kawal at bantay na padala ng mga Pariseo at matatanda ng bayan, tatlong ulit Siyang ipinagkaila ni San Pedro Apostol. Tatlong ulit na ipinagkaila ni San Pedro Apostol na kilala niya si Hesus. Hindi tinupad ni Pedro ang kanyang pangako sa Panginoon na Siya'y ipagtatanggol at sasamahan niya hanggang kamatayan. Si San Pablo Apostol din, habang nagmimisyon, ay nabiktima rin ng kanyang mga kahinaan. Inamin niya sa kanyang sulat sa mga taga-Roma:
Alam kong walang mabuting bagay na nananahan sa akin, ibig kong sabihi'y sa aking katawang makalaman. Kayang-kaya kong magnasa ng mabuti, hindi ko lang magawa ang mabuting ninanasa ko. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting ibig ko, kundi ang masamang hindi ko ibig ang siya kong ginagawa. Kung ginagawa ko ang hindi ko ibig, hindi na ako ang may kagagawan nito kundi ang kasalanang nananahan sa akin. (8, 18-19)
Subalit, bakit pinili pa rin sila ng Panginoon? Bakit ang dalawang ito'y tinawag at hinirang ng Panginoon? Bakit hinirang sina Pedro at Pablo upang maging apostol, sa kabila ng kanilang mga kahinaan at pagkakamali? Dahil sa awa ng Panginoon. Ang Awa ng Diyos ang dahilan kung bakit ang dalawang ito ay pinili at hinirang upang maging mga apostol at misyonerong isinugo ng Panginoon. Ang Awa ng Panginoon ay ang pinakamahalagang biyayang tinanggap ng mga apostol at ng buong Simbahan mula sa Panginoon. Sa kabila ng kani-kanilang mga kahinaan at makasalanang pamumuhay, pinili at hinirang pa rin sila ng Panginoon. Ipinakita ng Panginoon ang Kanyang Awa at Habag sa mga makasalanang tulad nina Pedro at Pablo sa pamamagitan ng pagtawag paghirang sa kanila upang maging mga apostol at misyonerong isinusugo Niya.
Kamakailan, ang Simbahan ay binansagang most hypocritical institute. Ang mga katagang ito ay namutawi mula sa bibig ng isang pinuno sa pamahalaan, isang buwan na ang nakakaraan. Kahapon, lumabas ang balita na ininsulto niya ang mga tradisyon at kinaugalian ng ating Simbahan. Ayon sa kanya, ang dahilan kung bakit may manok sa tabi ni San Pedro Apostol ay dahil mahilig siya mag-sabong. Nagdasal pa nga din daw siya sa Panginoong Hesus, subalit ang tugon sa kanya ng Panginoon, "Hindi Ko matutulungan ang mga pasaway katulad mo." Tinanong din niya kung ano ang kahalagahan ng mga nakasulat sa Banal na Bibliya, gayong mahigit dalawang libong taon na ito'y isinulat. At isa pa, sinabi niya na tutol siya sa Simbahan dahil hindi makatotohanan ang posisyon nito. Nakakalungkot isipin na ang mga ito ay nakakatawa para sa karamihan.
Ang Simbahan ay puno ng mga mapagpaimbabaw. Marami sa mga pinuno at mga bumubuo sa Simbahan ay may mga kahinaan, pagkakamali, at pagbabalatkayo rin. Bagamat ang Simbahan ay perpekto, ang mga bumubuo at mga kaanib nito ay hindi perpekto. Subalit, bakit nakatayo pa rin ang Simbahan? Bakit nandito pa rin ang Simbahan, sa kabila ng mga kahinaan at pagkakamali ng mga bumubuo nito? Dahil sa Awa ng Diyos. Ang Awa ng Diyos ang dahilan kung bakit nakatayo pa rin ang Simbahan magpahanggang ngayon. Kung hindi dahil sa Awa ng Panginoon, matagal nang bumagsak at nalugmok ang Simbahan dahil sa mga kasalanan ng mga bumubuo at mga kaanib nito. Sa kabila ng mga kahinaan, kasalanan, at pagbabalatkayo ng mga pinuno at kaanib ng Simbahan, patuloy na ipinapadama ang binubuhos ng Panginoong Diyos ang Kanyang Banal na Awa sa Simbahan.
Meron pong isang kwento na nabasa ko sa internet patungkol sa naging pagtatalo ni Napoleon Bonaparte at ng isang Kardinal ng Simbahan. Si Napoleon Bonaparte ay ang emperador at pinuno ng mga militar sa Pransiya noong ika-19 na siglo. Minsan, sinabi niya sa isang Kardinal ng Simbahan habang sila'y nagtatalo, "Kabunyian, hindi mo ba alam na may kapangyarihan ako upang patumbahin at wasakin ang Simbahan?" Sumagot ang Kardinal, "Kamahalan, sinubukan na po naming wasakin ang Simbahan sa pamamagitan ng aming mga kasalanan at pagkakamali. Sa kasawiang-palad, hindi kami nagtagumpay. Kung kami pong mga pari ay hindi nagtagumpay sa pagtumba sa Simbahan, gayon din po kayo. Hindi po kayo magtatagumpay sa pagtumba sa Simbahan."
Hindi mapapatumba ng sinumang tao dito sa mundo ang Simbahan dahil sa Awa ng Diyos. Kahit ilang ulit tayong magkasala laban sa Panginoon, hindi natin mapapatumba ang Simbahan. Gaano mang karami ang ating mga kasalanan, hinding-hindi mapapatumba ng mga ito ang Simbahan. Nananatiling nakatayo ang Simbahan magpahanggang ngayon, sa kabila ng mga kasalanan ng mga pinuno at mga kaanib nito. Hindi pinababayaan ng Panginoong Hesus ang Santa Iglesya. Lagi Niyang ipinapadama at binubuhos ang Kanyang Awa sa Simbahan. Ang Simbahan ay ang bukal ng Awa ng Diyos sapagkat binubuhos ng Panginoon ang Kanyang Banal na Awa sa Simbahan.
Katulad nina Apostol San Pedro at San Pablo, tayong lahat ay mga makasalanan. Tayong lahat na bumubuo sa Simbahan, ay mayroong iba't ibang uri ng kahinaan, pagkakamali, at pagbabalatkayo. Subalit, sa kabila ng ating mga makasalanang pamumuhay, nararamdaman natin ang Awa at Habag ng Panginoon, tulad nila San Pedro at San Pablo Apostol. Patuloy na ibinubuhos ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang Banal na Awa at Habag sa Simbahan. Kahit alam ng Panginoong Hesus na ang Kanyang Simbahan ay binubuo ng mga makasalanan, patuloy Niyang ipapadama sa atin ang Kanyang Awa at Habag sa pamamagitan ng pagbuhos nito sa Simbahang Kanyang itinatag.
Bilang pagtatapos, alalahanin po natin ang mga sinabi ng Panginoong Hesus kay San Pedro Apostol sa Ebanghelyo ngayon:
Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo Ko ang Aking Simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. (Mateo 16, 18)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento