Sabado, Hunyo 18, 2016

IBA SA INAASAHAN AT INAASAM

19 Hunyo 2016 
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Zacarias 12, 10-11; 13, 1/Salmo 62/Galacia 3, 26-29/Lucas 9, 18-24 


Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, ipinapakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa mga alagad bilang Mesiyas. Matapos ipahayag ni Apostol San Pedro na si Hesus ang Mesiyas, sinimulan Niyang ituro sa mga alagad kung anong klase Siyang Mesiyas. Itinuro ni Hesus sa mga alagad na ang Kanyang pagka-Mesiyas ay iba sa mga inaasam at inaasahan nila. Malaki ang pagkakaiba ng pagka-Mesiyas ni Hesus sa mga inaasam at inaasahan ng bayang Israel sa Mesiyas na hinhintay. Bilang Mesiyas, hindi tinaglay ni Hesus ang Kanyang buong karingalan at kadakilaan noong nagpakita Siya sa tao. Bagkus, si Hesus ay dumating sa sanlibutan at nagpakita sa tao taglay ang buong kapakumbabaan at karukhaan. Higit sa lahat, tinaglay ni Hesus ang Awa ng Diyos noong Siya ay pumanaog sa sanlibutan. 

Ipinahayag ni Hesus sa mga alagad na bilang Mesiyas, kinakailangan Niyang magtiis ng matinding hirap at pagdurusa bago Niya makamtan ang Kanyang tagumpay at kaluwalhatian. Kinakailangan Niyang magpakasakit at mamatay sa krus bago Siya muling mabuhay sa ikatlong araw. Kapag hindi namatay si Hesus sa krus, hindi Siya muling mabubuhay sa ikatlong araw. Si Hesus ang Mesiyas na magtatagumpay matapos Niyang tiisin ang pagdurusa at kamatayan. Siya ang Mesiyas na magpapakasakit at mamatay sa krus, subalit muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay, nakamit ng Mesiyas na si Hesus ang tagumpay. Walang krus, walang Muling Pagkabuhay. 

Katulad ng kanilang mga kababayan, umaasa ang mga alagad na ang Mesiyas ay magiging isang mananakop. Umaasa ang mga Israelita na magkakaroon ng isang napakalaking himagsikan sa pamumuno ng Mesiyas. Maghihimagsik ang bayan laban sa pamahalaang Romano. At kapag naganap na ang mga iyon, mapapatalsik nila ang mga Romano mula sa kapangyarihan. Ilululuklok ang Mesiyas bilang hari ng Israel. Ang Israel ay nasa ilalim ng impeyong Romano noon. Sakop ng mga Romano ang bayang Israel noong kapanahunang yaon. Napakatindi ng pagkauhaw at pag-asam ng mga Israelita para sa pagdating ng Mesiyas. Matagal na nilang hinihintay at pinananabikan ang pagdating ng Mesiyas. Nais ng mga Israelita na muling makapamuhay sila nang may kalayaan at kapayapaan, katulad noong kapanahunan ni Haring David. Umaasa sila na patatalsikin ng Mesiyas ang mga Romano mula sa kapangyarihan, at mamuno sa bansang Israel bilang hari. 

Nang dumating si Hesus sa mundo, marami sa mga Israelita ang umaasang Siya ang ipinangakong Mesiyas. Dahil doon, may mga pagkakataon kung saang binalak ng mga tao na gawing hari si Hesus. Subalit, sa tuwing gayon ang nangyayari, umaalis si Hesus mula sa kanilang piling. Pumupunta si Hesus sa mga ilang at tahimik na lugar upang magnilay at manalangin sa Ama. Alam ni Hesus na ang kagustuhan ng tao para sa Kanya ay hindi kalooban ng Ama. Bagkus, nais ng Diyos na maging isang nagdurusang Mesiyas si Hesus. Sa pamamagitan ng pagdurusa ni Hesus, ibinigay at ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang tunay na kalayaan. Sa pamamagitan ng pagdurusa ni Hesus, ipinakita ng Diyos ang kadakilaan at kapangyarihan ng Kanyang Awa at Pagmamahal sa sangkatauhan. Pinalaya ng Diyos ang tao mula sa kasamaan at kasalanan sa pamamagitan ng pagdurusa ni Hesus. Awa ang dahilan kung bakit niloob ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagdurusa ni Hesus. 

Iba ang nais sakupin ni Hesus. Nais sakupin ni Hesus ang puso ng bawat isa sa atin. Kaya, bumaba si Hesus mula sa langit, hinubaran ang Kanyang katangian bilang Diyos, at naging tao katulad natin upang tayo ay mapalapit sa Kanya. Siya ay naging dukha tulad natin upang makapiling at maging kaisa natin Siya. Hindi nais ni Hesus na maging mananakop ng kapangyarihan at kayamanan dito sa mundo. Bagkus, nais ni Hesus na maging mananakop ng puso ng tao. Nais ni Hesus na pumasok at sumakop sa puso ng bawat isa. Nais ni Hesus na maghari sa ating mga puso. Tayo ang sinadya ni Hesus noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. Hindi binalak ni Hesus na makuha ang lahat ng kayamanan at kapangyarihan dito sa mundo. Binalak Niyang maging kaisa at kapiling ang tao. Niloob ni Hesus na mapalapit Siya sa atin dahil sa Kanyang Awa at Pagmamahal para sa ating lahat. 

Hindi tinaglay ni Hesus ang Kanyang kadakilaan at kapangyarihan bilang Diyos noong Siya ay pumarito sa sanlibutan. Bagkus, tinaglay ni Hesus ang Kanyang Awa at Pag-ibig para sa tao. Awa at pag-ibig ang dahilan kung bakit si Hesus ay pumarito sa mundo. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang Awa at Pag-ibig sa lahat noong inalay Niya ang Kanyang sariling buhay sa krus bilang Mesiyas. At noong Siya'y muling mabuhay sa ikatlong araw, kinamit ng Panginoong Hesus ang tagumpay, hindi lamang para sa Kanyang sarili, kundi para sa lahat ng tao. Sa pamamagitan ng Kanyang Awa at Pagmamahal, nais ni Hesus na sakupin ang puso ng bawat isa. Nais ni Hesus na maghari sa ating mga puso. 

Kakaiba si Hesus. Ibang-iba si Hesus. Walang katulad si Hesus. Hindi Niya hinangad na makamit ang makamundong kayamanan at kapangyarihan noong Siya ay pumarito sa sanlibutan. Walang ambisyon si Hesus na mapasakanya ang lahat ng mga makamundong kayamanan at kapangyarihan. Hindi makamundong kaharian ang nais sakupin ni Hesus. Ang puso ng bawat isa ang nais sakupin ni Hesus. Nais ni Hesus na sakupin at pagharian ang puso ng tao sa pamamagitan ng Kanyang Awa at Pagmamahal para sa ating lahat. Balak ni Hesus na maging kaharian Niya ang puso ng bawat isa sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento