Linggo, Hunyo 19, 2016

SAN JUAN BAUTISTA: PINILI AT HINIRANG UPANG MANGUNA AT IPAGHANDA NG DARAANAN SI HESUS, ANG MUKHA NG AWA NG AMA

24 Hunyo 2016 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 



Si San Juan Bautista ay isang natatanging Santo ng Simbahan sapagkat mayroong araw na itinakda ang Simbahan upang ipagdiwang ang kanyang pagsilang. Bukod pa sa araw ng kanyang pagka-martir, ipinagdiriwang din ng Simbahan ang araw ng pagsilang ni San Juan Bautista. Karaniwang ginugunita o ipinagdiriwang ng Simbahan ang isang santo sa araw ng kanilang kamatayan. Iba si San Juan Bautista. Bukod pa sa araw ng kanyang pagka-martir, ang araw ng kanyang kapanganakan ay nakatakda rin sa kalendaryo ng Simbahan. 

Ano ang nakakaiba kay San Juan Bautista? Anong meron siya? Siya ay pinili at hinirang ng Diyos upang maging Tagapanguna ng Mesiyas. Si San Juan Bautista ang mauuna sa Panginoon. Bago dumating ang Panginoon, magpapakita si San Juan Bautista sa bayang Israel. Sa kanyang paglitaw, ipapahayag ni San Juan Bautista sa buong bayan ng Israel ang isang napakagandang balita - malapit nang dumating ang Mesiyas. Malapit nang dumating ang kaligtasang ipinangako ng Diyos sa Kanyang bayan. Malapit nang dumating ang ipinangakong Mesiyas upang iligtas ang bayang Israel. Ililigtas na ng Diyos ang Kanyang bayang hinirang. Tutuparin na ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. 

Bilang Tagpanguna ng Panginoon, inihanda ni San Juan Bautista ang bayang Israel para sa pagdating ng Mesiyas. Upang ihanda ang bayang Israel para sa pagdating ni Kristo, nangaral siya tungkol sa pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Nagbinyag din si San Juan Bautista sa Ilog Jordan bilang tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Siya ay nangaral at nagbinyag sa Ilog Jordan upang ihanda ang lahat para sa pagdating ni Kristo. Sa pamamagitan ng pangangaral at pagbibinyag, inihanda ni Juan Bautista ang bawat Israelita upang makasalubong nila ang Mesiyas nang may malinis na puso at kalooban. 

Marami ang pumunta sa Ilog Jordan upang makinig at magpabinyag kay San Juan Bautista. Marami ang nagtaka at nagtanong kung siya ang Mesiyas. Paulit-ulit na tinanong si San Juan Bautista kung siya nga ba ang Mesiyas. Paulit-ulit din ang sagot ni San Juan Bautista sa mga katanungan patungkol sa kanyang sarili - hindi siya ang Mesiyas. Sinabi niya ang totoo. Nagpakatotoo si San Juan Bautista tungkol sa kanyang sarili. Inamin ni Juan Bautista na higit na dakila ang Mesiyas kaysa kanya. Pinaglilingkuran lamang ni San Juan Bautista ang Mesiyas. 

Hindi nagpadala si San Juan Bautista sa kanyang kasikatan. Nanatili siyang tapat at totoo sa kanyang sarili at sa kanyang tungkulin. Hindi siya ang bida. Hindi siya ang Mesiyas. Hindi siya ang ipinangakong Tagapagligtas. Hindi niya inagaw ang tungkulin na hindi naman kanya. Bagkus, nagpakatotoo siya tungkol sa kanyang sarili. Inamin niya ang katotohanan tungkol sa kanyang sarili. Isa lamang siyang tinig na sumisigaw sa ilang. Ang tinig na ito ay may panawagan sa mga nakikinig nito - ipaghanda ng isang matuwid na daraanan ang Panginoon. Inamin din niya na higit na dakila ang Mesiyas kaysa sa kanyang sarili. 

Inihalintulad ni San Juan Bautista ang kanyang sarili sa isang abay sa kasal. Ang kanyang kamag-anak na si Hesus ang lalaking ikakasal. Si Hesus ang Mesiyas at Tagapagligtas. Si San Juan Bautista ay isa lamang sugo na mauuna sa kanya. At bilang sugong mauuna sa Panginoong Hesus, inihanda ni Juan Bautista ang lahat na kabilang sa bayang Israel para sa Kanyang pagdating. Itinuro ni San Juan Bautista sa lahat si Hesus, ang Mesiyas at ang Kordero ng Diyos. At nang sumunod ang lahat kay Hesus, nagalak si San Juan Bautista. Hindi nainggit si San Juan Bautista. Bagkus, napuno siya ng kagalakan sapagkat sumusunod na ang lahat kay Hesus, ang tunay na Mesiyas at Tagapagligtas. Nagalak si Juan Bautista sapagkat mararanasan na ng mga tao ang Awa ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. 

Walang ibang hinangad si San Juan Bautista kundi tuparin ang tungkuling iniatas sa kanya ng Diyos. Pinili at hinirang ng Diyos si San Juan Bautista upang maging Tagapanguna ng Panginoong Hesukristo. At bilang Tagapanguna ng Panginoong Hesus, kinailangang ihanda at tuwirin ni Juan Bautista ang Kanyang daraanan. Bilang paghanda at pagtuwid sa daraanan ng Panginoon, nangaral at nagbinyag si San Juan Bautista sa Ilog-Jordan. Nanatili siyang tapat sa kanyang tungkulin noong inamin niya ang katotohanan tungkol sa kanyang sarili. Itinuro din ni San Juan Bautista sa lahat ang Mukha ng Awa ng Ama na si Hesus, ang Mesiyas at Tagapagligtas na isinugo ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Katulad ni San Juan Bautista, pinili at hinirang ng Diyos ang bawat isa sa atin para sa isang napakahalagang tungkulin. Magpakatotoo tayo at huwag nating ipagkaila ang katotohanan tungkol sa ating sarili. Huwag nating ipagkaila ang katotohanang kailangan natin ang tulong kaloob ng Awa ng Diyos. Huwag nating kalimutang ituro at akayin ang kapwa patungo sa Diyos. Ang Diyos na nagbigay ng mga mahalagang tungkulin sa bawat isa sa atin ang tutulong sa atin. Tutulungan Niya tayong gampanan nang mabuti ang tungkuling iniatas sa atin dahil sa Kanyang Awa. Sa bandang huli, ang Diyos ang magbibigay ng kagalakan sa atin dahil ipinamalas Niya ang Kanyang Awa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento