26 Hunyo 2016
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
1 Hari 19, 16b. 19-21/Salmo 15/Galacia 5, 1. 13-18/Lucas 9, 51-62
Maraming mga pagkakataon sa buhay ng Panginoong Hesus na kung saan hindi Siya tinanggap. Ilang ulit naranasan ng Panginoon na hindi matanggap ng iba. Kahit kilalang-kilala ang Panginoon sa iba't ibang bahagi ng Israel, hindi lahat ay tumanggap sa Kanya. Kabilang na rito ang pangyayari sa Ebanghelyo ngayon. Hindi tinanggap si Hesus ng mga Samaritano. Sina Hesus at ang Kanyang mga alagad ay hindi pinahintulutan ng mga Samaritano na tumuloy sa kanilang bayan dahil alam nila na si Hesus ay may pasiyang pumunta sa Jerusalem.
Mahirap ang buhay ni Hesus. Kahit gumagawa Siya ng kabutihan, wala Siyang matuluyan o mapagpahingahan. Puno ng karukhaan ang buhay ng Panginoon. Hindi naging madali at maginhawa ang buhay para sa Panginoon. Si Hesus ay nagtiis ng maraming hirap mula sa Kanyang pagsilang hanggang sa Kanyang pagkamatay. Dinanas at tiniis ni Hesus ang kalupitan ng buhay sa Kanya. Kahit Siya ang Panginoon ng buhay, at sa Kanya nagmumula ang buhay, hindi Siya naging ligtas mula sa kalupitan at hirap ng buhay.
Kaya nga, sa Ebanghelyo, nagbigay ng babala ang Panginoong Hesukristo sa mga nais sumunod sa Kanya. Ang babala ng Panginoong Hesukristo, "May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao'y wala man lamang matutuluyan o mapagpahingahan." (9, 58) Agad na sinabi ni Hesus na hindi magiging madali ang pagsunod sa Kanya. Hindi madali ang pagsunod kay Hesus. Maraming hirap at sakit na kinakailangang tiisin at pagdaanan ang mga magiging tagasunod ni Hesus. Hindi basta-basta giginhawa ang buhay para sa mga nais sumunod kay Hesus. Hindi nila matatakasan ang hirap at pagdurusa sa buhay, kahit na sumunod sila kay Hesus. Kung si Hesus nga ay hindi naging ligtas sa kalupitan at hirap dulot ng buhay, tayo pa kaya na gustong sumunod sa Kanya?
Subalit, sa kabila ng mga hirap at pagdurusa sa buhay, nanatili pa ring tapat at masunurin si Hesus sa kalooban ng Diyos. Sabi nga sa Ebanghelyo, ipinasiya ni Hesus na pumunta sa Jerusalem. Sa Jerusalem, tutuparin ni Hesus ang misyong ibinigay sa Kanya ng Ama. Dadanasin at titiisin ni Hesus ang matinding hirap at pagdurusa. Haharapin ni Hesus ang Kanyang kamatayan sa krus. Hindi tinakas ni Hesus ang krus. Hindi tinakas ni Hesus ang kalooban ng Diyos. Bagkus, tinanggap at sumunod si Hesus sa kalooban ng Diyos. Pupunta Siya sa Jerusalem upang harapin ang Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus. At pagkatapos ng Kanyang pagdurusa at kamatayan, muling mabubuhay si Hesus sa ikatlong araw.
Nanatiling tapat at masunurin sa kalooban ng Diyos ang Panginoong Hesus. Kahit marami Siyang tinitiis at pinagdadaanang kahirapan sa buhay dahil sa Kanyang karukhaan, sumunod pa rin Siya sa kalooban ng Diyos. Tinanggap at sinunod ni Hesus ang kalooban ng Diyos, kahit ang kahulugan nito'y haharapin Niya ang matinding hirap at pagdurusa sa krus. Hindi tinakasan ni Hesus ang kamatayan sa krus. Bagkus, pinili ni Hesus na tanggapin at harapin ang Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus bilang pagsunod at pagtalima sa kalooban ng Diyos.
Hinarap ni Hesus ang Kanyang pagdurusa at kamatayan sa Jerusalem na mag-isa lang. Mag-isa lamang si Hesus sa oras ng Kanyang Pasyon. Walang sumama o dumamay kay Hesus sa mga oras ng Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Subalit, hinarap pa rin ito ni Hesus. Kahit walang sasama at karamay sa Kanya sa oras ng pagdurusa, haharapin pa rin ito ni Hesus. Pinili ni Hesus na harapin ang pagdurusa at kamatayan, kahit mag-isa lamang Siya sa mga oras na iyon, upang tuparin ang kalooban ng Diyos. Nais ni Hesus na magkaroon ng katuparan at kaganapan ang misyong ibinigay ng Diyos sa Kanya. Magkakaroon lamang ng kaganapan ang misyong ibinigay ng Ama kay Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus.
Ang Panginoong Hesus ay ang tunay na huwaran ng pagiging tapat at masunurin. Kahit marami Siyang tiniis na kahirapan sa buhay, naging tapat at masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama. Batid din ni Hesus na haharapin Niya ang Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus na mag-isa lamang. Subalit, ang katotohanang ito ay hindi naging hadlang para kay Hesus. Dahil sa katapatan ni Hesus sa kalooban ng Ama, hinarap Niya ang matinding hirap at kamatayan sa krus. Buong buhay naging tapat at masunurin si Hesus sa kalooban ng Ama, hanggang sa magkaroon ito ng kaganapan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento