Linggo, Marso 20, 2016

HESUS: ANG BAGONG KORDERONG PAMPASKUWA; NAGPAKUMBABA, NAGING TAO, AT NAGLINGKOD UPANG IPADAMA ANG AWA NG DIYOS SA SANGKATAUHAN

24 Marso 2016
Huwebes Santo - Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15



Ang Pista ng Paskuwa ang pinakamalaki at pinakamahalaga sa mga pista ng mga Hudyo. Ito ang pangunahing kapistahan ng Hudaismo. Ginugunita ng mga Hudyo ang pagliligtas ng Diyos sa kanilang mga ninuno mula sa kaalipinan sa Ehipto. Matatagpuan ang kasaysayan ng Pista ng Paskuwa sa Lumang Tipan, sa Aklat ng Exodo. Sa tulong at awa ng Diyos, nagkaroon ng kalayaan ang mga Israelita pagkatapos ng mahigit apatnadaang taong pamumuhay bilang mga alipin sa Ehipto. Dahil sa Awa ng Diyos, natapos ang pagdurusa at kapighatian ng mga Israelita dulot ng kanilang pagkaalipin sa Ehipto. Dahil sa Awa ng Diyos, nakamit nila ang kalayaan. Tumawid sila mula sa pamumuhay bilang mga alipin patungo sa pamumuhay nang may kalayaan sa tulong ng Awa ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, inutusan ng Diyos ang bayang Israel sa pamamagitan nina Moises at Aaron na pahiran ng dugo ang mga pintuan ng kani-kanilang mga tahanan. Ang dugo ng kordero na pinapahiran sa pintuan ng kanilang mga bahay ang magpapakilala na sila ay mga Israelita. Papatayin ng Diyos ang lahat ng mga kabilang sa sambahayan ng mga Ehipto sa gabing yaon. Ang lahat ng mga lalaking panganay, tao man o hayop, ay pinatay ng Diyos noong gabing yaon. Pati ang anak ng Faraon ay hindi naligtas mula sa kamatayan. Subalit, iniligtas ng Diyos ang bawat Israelitang pamilya at kasambahay noong gabing yaon. Ang palatandaan - ang dugong pinahiran sa pintuan ng bawat tahanan ng mga Israelita. 

Hinding-hindi kinalimutan ng mga Israelita ang dakilang gawa ng Diyos para sa kanila. Kung hindi dahil sa Diyos, hindi magiging malaya ang bayang Israel. Ang Diyos ang nagpalaya sa bayang Israel mula sa kaalipinan sa Ehipto. Mula sa pagiging mga alipin ng mga Ehipsiyo, ang mga Israelita'y tumawid at naging malaya. Ang tanging gumabay sa mga Israelita sa kanilang pagtawid mula sa kaalipinan patungo sa kalayaan ay ang Diyos. Kaya, tuwing Pista ng Paskuwa, sama-samang nagpupuri at nagpapasalamat ang bayang Israel sa Diyos. 

Ang ginawang pagpapalaya ng Panginoong Diyos sa bayang Israel sa Lumang Tipan ay muli Niyang ginawa sa Bagong Tipan. Subalit, ang buong sangkatauhan na ang pinalaya ng Diyos. Kakaiba rin ang pamamaraang ginamit ng Diyos sa pagpapalaya sa sangkatauhan. Ipinadala Niya si Hesukristo upang maging Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ni Hesukristo, palalayain ng Diyos ang sangkatuhan mula sa kaalipinan dulot ng kasamaan at kasalanan patungo sa kalayaan dulot Niya. Kaya, ayon sa turo ng Simbahan, si Hesukristo ang bagong Korderong Pampaskuwa. Sapagkat sa pamamagitan Niya ay iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan mula sa kasamaan at kasalanan. 

Isinalaysay ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang Huling Hapunan ng Panginoong Hesukristo. Sa Huling Hapunan, itinatag ng Panginoong Hesukristo ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Ang mga salitang "Ito ang Aking Katawan na ihahandog para sa inyo... Ito ang kalis ng Aking Dugo na ibubuhos para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan," ay tumutukoy sa mangyayari sa Panginoong Hesus kinabukasan. Ipinapakita ng Panginoong Hesus sa mga alagad sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Katawan at Dugo sa anyo ng tinapay at alak ang mangyayari sa Kanya kinabukasan. Si Hesus ay magtitiis ng matinding hirap at pagdurusa, at mamamatay sa krus sa Kalbaryo. 

Sa Ebanghelyo, hinugasan ni Hesus ang paa ng Kanyang mga apostoles. Noong kapanahunan ni Kristo, ang mga abang lingkod lamang ang naghuhugas ng paa ng kanilang mga amo. Nagulat ang mga alagad, lalung-lalo na si San Pedro Apostol, nang makita nila si Hesus na hinuhugasan ang kanilang mga paa. Para sa mga apostol, si Hesus ang kanilang Guro at Panginoon, ang pinakamataas sa kanilang samahan. Hindi nila lubusang maisip at maisalarawan sa kanilang mga isipan na huhugasan ng Panginoong Hesus ang kanilang mga paa. Hindi rin nila lubusang maunawaan kung bakit ganyan ang ginagawa ng Panginoon. Para sa mga alagad, dapat sila mismo ang maghugas sa paa ng Panginoon. Para sa mga alagad, ang Panginoon ang dapat paglingkuran at hindi sila. 

Sa pamamagitan ng paghuhugas sa paa ng mga apostol, itinuturo ni Hesus sa mga alagad kung paano Siya naparito sa sanlibutang ito. Hindi Siya pumarito mula sa langit na nakasakay sa isang kabayo. Kahit Siya ay Diyos, ayon kay San Pablo Apostol, hindi tinaglay ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos noong una Siyang pumarito sa daigdig. Bagkus, nagpakumbaba si Hesus, nagkatawang-tao, at isinilang ng isang babae sa katauhan ng Mahal na Birheng Maria. Si Hesus ay naging tao katulad natin, maliban lamang sa kasalanan. Kahit Siya ay naging tao tulad natin, hindi nagkasala si Hesus kahit kailan. Hindi tinatakan o dinungisan ng kasalanan si Hesus noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. 

Dahil sa Kanyang pagpapakumbaba, namuhay si Hesus bilang lingkod ng Diyos at kapwa buong buhay Niya. At kahit sa mga huling sandali ng Kanyang buhay kasama ang mga alagad, inalay ni Hesus ang Kanyang sarili sa pagpapakumbaba at paglilingkod. Ipinakita ni Hesus sa mga alagad kung paanong magpakumbaba at maglingkod. Ang halimbawang ginamit ni Hesus ay ang paghuhugas sa paa ng Kanyang mga apostol. Kahit si Hesus ang Panginoon at Guro ng mga alagad, hinugasan pa rin Niya ang paa ng mga alagad, kahit tumutol pa ang ilan sa mga iyon. Pumasok si Hesus sa mundo bilang isang mapagpakumbaba at masunuring lingkod ng Diyos. Aalis si Hesus sa mundo sa ganung paraan. Kung paanong pumasok si Hesus sa sanlibutang ito, ganun din Niya iiwanan ang sanlibutan. 

Muling ipinadama ng Diyos ang Kanyang Dakilang Awa sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus. Dahil sa laki ng Awa ng Diyos sa sangkatauhan, ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang maging ating Manunubos at Bagong Korderong Pampaskuwa. Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay nagpakumbaba at naging kaisa natin, maliban sa kasalanan. Sa pamamagitan ni Hesus, pinaglingkuran ng Diyos ang sangkatauhan. Ginawa iyon ng Diyos upang ipadama ang Kanyang Awa sa ating lahat. 

Humantong ang lahat ng ginawang pagpapakita at pagpapadama ng Diyos ng Kanyang Awa at Habag sa sangkatauhan sa Kalbaryo. Sa Kalbaryo, ipinamalas ng Diyos ang pinadakilang Gawa ng Awa na hindi mapapantayan ng sinumang tao kahit kailan - ang paghahain ni Hesukristo ng Kanyang sariling Buhay, Katawan, at Dugo sa krus. Nang ialay ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa Kalbaryo, tinubos Niya ang sangkatauhan. Iniligtas tayo ng Awa ng Diyos mula sa kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan sa pamamagitan ng dakilang paghahain ng Manunubos sa krus. Tayo ay itinawid ng Panginoong Hesukristo mula sa kaalipinan patungo sa kalayaan. Malaya tayo ngayon nang dahil sa Dakilang Gawa ng Awa ng Diyos na naganap sa bundok ng Kalbaryo - ang Paghahain ni Hesukristo ng Kanyang sarili sa krus para sa ating kaligtasan at kalayaan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento