20 Marso 2016
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (K)
Sa Prusisyon ng Palaspas: Lucas 19, 28-40
Sa Banal na Misa: Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Lucas 22, 14-23, 56 (o kaya: 23, 1-49)
Sinisimulan ng Inang Simbahan sa araw na ito ang mga Mahal na Araw. Tuwing kapanahunan ng Semana Santa, ginugunita ng Simbahan ang Misteryo Paskwal - ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Si Hesus ay nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay upang ipakita at ipadama sa sangkatauhan ang Dakilang Awa ng Diyos. Inalay ng Panginoon ang Kanyang buhay alang-alang sa ating mga kasalanan. Napakaespesyal ng Mahal na Araw ngayong taon, lalung-lalo na't napapaloob ito sa Banal na Taon ng Awa na idineklara ni Papa Francisco noong nakaraang taon.
Ngayong araw na ito ang unang araw ng Semana Santa. Sa araw na ito ng Linggo ng Palaspas, ginugunita natin ang Maluwalhating Pagpasok ni Hesus sa Jerusalem. Pumasok si Hesus sa Jerusalem na nakasakay sa isang asno upang harapin at ganapin ang Kanyang misyon. Sa Kanyang pagpasok sa Jerusalem, sinalubong Siya ng napakaraming taong nagwawagayway ng kanilang mga palaspas at inilalatag ang kanilang mga balabal sa daan. Ang mga tao'y nagbigay-puri sa Diyos at sa Panginoong Hesus. Subalit, ang mga taong sumalubong sa Panginoong Hesukristo noong Siya'y pumasok sa Jerusalem ang sumigaw kay Pilato upang hilingin ang Kanyang kamatayan sa kahuli-hulihan.
Tatlong katangian ng Panginoong Hesukristo ang ipinapahiwatig ng mga Pagbasa ngayong Linggo ng Palaspas - ang pagiging mapagpakumbaba, masunurin, at mahinahon. Ipinakita ng Panginoong Hesus ang mga katangiang ito noong Siya'y pumasok sa Jerusalem at noong hinaharap Niya ang Kanyang pagdurusa.
Una, ang pagiging mapagpakumbaba. Noong ang Panginoong Hesukristo ay pumasok sa lungsod ng Jerusalem, Siya ay nakasakay sa isang bisirong asno. Ito ay tanda ng Kanyang pagpapakumbaba. Katulad ng sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, "Hinubad Niya (ni Hesus) ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao, at namuhay na isang alipin." (Filipos 2, 7) Si Hesus ay nagpakumbaba noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. Siya'y nagkatawang-tao at ipinanganak ng isang babae, ang Mahal na Birheng Maria. Ngayong matatapos na ng Kanyang misyon, nanatili pa rin Siyang mapagpakumbaba. Hindi isang kabayo ang pinili ni Hesus upang isakay patungong Jerusalem. Bagkus, isang bisirong asno ang pinili at isinakay ni Hesus papasok sa Jerusalem.
Mula pa sa pagsilang ni Hesus, hindi naging ekstraordinario ang Kanyang buhay. Hindi Niya itinaas ang Kanyang sarili. Bagkus, namuhay Siya ng buong kapakumbabaan at kahinahunan. Tinuruan din ng Panginoong Hesus ang Kanyang mga tagasunod at mga alagad na dapat silang magpakumbaba at maging maawain sa bawat isa. Dagdag pa ni Hesus, dapat ding mahalin, paglingkuran, at tulungan ang kapwa. Isinabuhay at isinadiwa din ni Hesus ang Kanyang mga itinuro sa Kanyang mga tagapakinig at alagad. Hindi nagmataas si Hesus kahit kailan. Hindi Siya naging mayabang. Hindi hinangad ni Hesus na maging higit na dakila kaysa sa kapwa-tao noong Siya'y nandito sa daigdig. Bagkus, hinangad ni Hesus na maging kaisa ang tao sa lahat ng bagay, maliban sa kasalanan.
Ikalawa, ang pagiging masunurin. Buong buhay ni Hesus, naging masunurin Siya sa kalooban ng Ama. Hanggang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, hindi Niya sinuway o tinalikuran ang kalooban ng Diyos. Bagkus, ayon pa kay San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, "Naging masunurin Siya (si Hesus) hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus." (Filipos 2, 8) Ganun din ang ipinahayag ni propeta Isaias tungkol kay Hesus sa Unang Pagbasa. Ipinakilala ni propeta Isaias ang isang lingkod ng Diyos na nagdurusa. Si Hesus ang lingkod ng Diyos na tinutukoy ni propeta Isaias. Tiniis ni Hesus ang lahat ng pagdustang ginawa laban sa Kanya, ngunit hindi sumuway sa kalooban ng Diyos kahit kailan.
Para kay Hesus, hindi naging hadlang ang pagdurusa sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Bago Siya dinakip, nagdusa si Hesus sa Halamanan ng Getsemani. Doon sa hardin, taimtim na nanalangin si Hesus sa Ama na ilayo sa Kanya ang kalis ng pagdurusa. Sa mga sandaling yaon, natatakot si Hesus dahil sa mga pagdurusang dadanasin Niya. Sina Pedro, Santiago, at Juan - ang tatlong alagad na isinama Niya sa halamanan, ay natulog na lamang. Wala Siyang karamay sa mga sandaling yaon. Lumapit si Hesus sa Ama sa pamamagitan ng panalangin. Nakahanap si Hesus ng lakas ng loob sa Kanyang Ama. Kaya, sa katapusan ng Kanyang panalangin sa Getsemani, binigkas ni Hesus ang mga salitang ito, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod."
Ikatlo at panghuli, ang pagiging mahinahon. Kahinahunan. Noong si Kristo'y hinarap sa Sanedrin, kay Poncio Pilato, at kay Herodes, Siya'y naging mahinahon. Mahinahon si Hesus noong Siya'y hinatulan ng kamatayan ng Sanedrin. Kahit hindi naging patas ang pagsasakdal ng Sanedrin kay Hesus, hinatulan pa rin Siya ng kamatayan. Noong hinarap ang Panginoon kay Pilato, naging mahinahon din Siya. Ang tanong ni Pilato na Kanyang sinagot, ayon kay San Lucas, ay ang katanungan kung Siya ba ang Hari ng mga Hudyo. Pagkatapos noon, tahimik na lamang si Hesus. Mas lalong naging tahimik si Kristo noong Siya'y hinarap kay Herodes. Noong hiniling ni Herodes si Hesus na gumawa ng kababalaghan sa Kanyang harapan, hindi pinagbigyan ni Hesus ang kahilingan nito. Hindi kumibo si Hesus. Tahimik. Mahinahon. Kahit nasa harapan Niya ang pagdurusa, kapighatian, at kamatayan, nanatiling tahimik at mahinahon si Hesus.
Ang hirap maging mahinahon sa panahon ngayon, lalung-lalo na't punung-puno na ng kaguluhan ang ating kapaligiran. Sa panahon ngayon, dinadaanan na lamang sa karahasan ang pagtugon sa sari-saring mga problema. Wala nang puwang sa atin ang kahinahunan. Kinakailangang maging marahas ang tao kung maghahanap ng solusyon sa mga problema at kaguluhan ngayon. Mag-aayos lang ng problema, dadaanan sa karahasan. Ano na ang nangyari sa kahinahunan?
Nahirapan din siguro si Hesus sa pananatiling mahinahon sa mga sandaling yaon. Subalit, pinili pa rin ni Hesus na maging mahinahon, kahit hinaharap Niya ang pagdurusa, kapighatian, at kamatayan. Si Hesus ay naging mahinahon sa kabila ng mga sigaw ng mga tao noong Siya'y pumasok sa Jerusalem at noong hinatulan Siya ng kamatayan. Sa halip na maging marahas, pinili ni Hesus na maging mahinahon at maamo, kahit hinaharap Niya ang pagdurusa at kamatayan.
Sa kabila ng mga sigaw ng mga taong nagbibigay-pugay sa Kanya noong Siya'y pumasok sa Jerusalem, nanatiling mapagpakumbaba, masunurin, at mahinahon ang Panginoong Hesukristo. Kahit na tinalikuran Siya ng mga taong sumalubong at nagbigay-pugay sa Kanya noong Siya'y hinarap ni Pilato, nanatili pa rin Siyang mapagpakumbaba, masunurin, at mahinahon. Hindi nagpadala si Hesus sa mga sigaw ng mga tao para sa Kanya at laban sa Kanya. Bagkus, tiniis at pinagdaanan ni Hesus ang lahat ng iyon. Hinarap ni Hesus ang lahat ng iyon nang buong pagpapakumbaba, kahinahunan, at pagtalima sa Diyos. Tiniis Niya ang lahat ng iyon alang-alang sa ating kaligtasan. Nakamit ni Hesus ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis nang buong kapakumbabaan, kahinahunan, at pagtalima sa kalooban ng Ama. Sa gayon, tayong lahat ay naligtas ng Diyos dahil sa pagpapamalas ng Kanyang Awa sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento