25 Marso 2016
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42
Tuwing sasapit ang Biyernes Santo, inaanyayahan ng Simbahan ang lahat upang pagnilayan ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo. Ang Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesus ay ang Kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ni Hesus, nasaksihan ng buong sanlibutan ang pinakadakilang Gawa ng Awa na nagmula sa Diyos. Ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang Dakilang Awa at Habag na walang pagmamaliw sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ni Kristo.
Sa Unang Pagbasa, ipinahayag ni propeta Isaias ang mangyayari sa Panginoon. Ang Panginoong Hesus ang nagdurusang lingkod ng Diyos, ayon sa propesiya ni propeta Isaias. Dahil sa kasalanan ng sangkatauhan, nagdusa at nagpakasakit si Hesus. Dinanas ng Panginoong Hesukristo ang mga pagdurusang na dapat pagdanasin natin. Ibinigay at inihandog ng Panginoong Hesus ang Kanyang sarili bilang ating kapalit. Tinanggap ng Panginoon ang pagdurusang dapat tayo ang magdanas. Ang mga pagdurusang dapat pagdanasin natin ay naranasan at tiniis ni Kristo alang-alang sa ating lahat. Ang dahilan kung bakit pinili ni Hesukristo na magtiis ng hirap at pagdurusa alang-alang sa atin ay dahil sa Kanyang Awa at Habag sa ating lahat, mga abang makasalanan.
Ipinakilala din ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa si Hesus bilang Dakilang Saserdote. Kung ang mga saserdote sa tradisyon ng mga Hudyo ay naghahain ng mga tupang walang kapintasan o pinsala alang-alang sa kasalanan ng bayan, gayon din naman, inihain ni Kristo ang Kanyang sariling buhay alang-alang sa ating lahat. Dumaloy ang Kanyang dugo mula sa Kanyang Katawan. Sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, tayo ay nililinis at napapawalang-sala sa harapan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang dugo na dumaloy mula sa Kanyang Katawan, pinatawad at tinubos tayong lahat ng Panginoon. Sa pamamagitan ng dugo ng Panginoong Hesukristo, tayong lahat ay naligtas.
Sa salaysay ng Pasyong Mahal ayon kay San Juan, ipinakita ni Hesus ang Kanyang Awa at Habag sa sangkatauhan. Unang ipinakita ni Hesus ang Kanyang Awa at Habag noong pinagsabihan Niya ang mga dadakip sa Kanya na pabayaan ang Kanyang mga alagad. Hindi nagtago si Hesus mula sa mga bantay at mga kawal na dadakip sa Kanya. Alam ni Hesus na Siya'y dadakipin, subalit hindi Siya tumakas o nagtago. Bagkus, kusang-loob na ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili at humarap sa mga kawal at bantay. Ipinakita ni Hesus na handa Siyang ibigay ang Kanyang sarili alang-alang sa Kanyang mga minamahal, lalung-lalo na kapag mapanganib ang Kanyang hinaharap.
Ang ikalawang pagkakataong ipinakita ni Hesus ang Kanyang Awa at Habag ay noong inutos Niya sina Pedro at ang mga alagad. Ipagtatanggol na sana nina Pedro at ng mga alagad ang Panginoon mula sa Kanyang mga kaaway. Tinaga pa nga ni San Pedro Apostol ang tainga ng alipin ng pinakapunong saserdote na si Malco. Pinagsabihan ni Hesus si Pedro dahil tinaga niya ang tainga ni Malco. At bagamat tahimik si San Juan patungkol sa pagpapagaling sa tainga ni Malco, alam natin na pinagaling ni Hesus ang tainga ni Malco (Lucas 22, 51). Kahit sa harapan ng Kanyang mga kaaway, awa ang ipinapakita ng Panginoon sa kanila. Kahit galit, poot, inggit, kabastusan, at iba't ibang uri ng kasamaan ang ipinapakita ng Kanyang mga kaaway, awa ang iginaganti ng Panginoon sa kanila.
Sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, awa ang ipinapakita ni Hesus. Awa ang ipinapakita at ipinapadama ni Hesus, kahit hinaharap Niya ang landas ng pagdurusa at kamatayan. Kahit sari-sari ang kasamaang ipinapakita ng Kanyang mga kaaway, awa ang Kanyang iginanti sa Kanyang mga kaaway. Hindi nagtanim ng galit si Hesus sa Kanyang mga kaaway. Kahit Siya'y kinutya, hinampas, pinutungan ng koronang tinik, tinadyakan, hindi nagtanim ng galit si Hesus. Bagkus, awa ang ipinakita at ginanti ni Hesus sa Kanyang mga kaaway.
May ugnayan ang Misteryo Paskwal ni Hesus sa Misteryo ng Dakilang Awa ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahain ni Hesus ng Kanyang sarili sa krus, ipinakita ng Diyos ang Kanyang Dakilang Awa sa sangkatauhan. Ang paghahain ni Hesus ng Kanyang sarili sa krus ay ang pagsasalarawan at pagpapahayag ng Mabathalang Awa ng Diyos. Kung hindi dahil sa Awa ng Diyos, hindi iaalay ni Hesus ang Kanyang sariling buhay alang-alang sa ating kaligtasan. Kung hindi dahil sa Awa ng Diyos, hindi tayo maliligtas ni Hesus. Hindi tayo magkakaroon ng kaligtasan kung hindi dahil sa Awa ng Diyos sa ating lahat.
Niloob ng Diyos na ialay ni Kristo ang Kanyang buhay sa krus alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa gayon, ipinakita at ipinahayag ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa sangkatauhan. Awa ang dahilan kaya tayo ay iniligtas ng Diyos. Awa ang dahilan kaya ipinadala ng Diyos si Hesus sa sanlibutan upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Awa ang dahilan kaya merong Misteryo Paskwal. Awa ang dahilan kaya si Hesus ay nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay alang-alang sa atin. Awa ang dahilan kaya naganap ang pinadakilang sakripisyong naganap sa kasaysayan ng daigdig - ang pag-aalay ni Hesukristo ng Kanyang buhay sa krus alang-alang sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paghahaing ito ng Panginoong Hesus, tayong lahat ay nagkaroon ng kaligtasan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento