Sabado, Pebrero 20, 2016

SA PAGBABAGONG-ANYO NI HESUS, IPINASULYAP SA ATIN NG DIYOS ANG PANGAKO NIYANG KALIGTASAN

21 Pebrero 2016
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma (K) 
Genesis 15, 5-12. 17-18/Salmo 26/Filipos 3, 17-4, 1/Lucas 9, 28b-36 



Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na nakipagtipan ang Diyos kay Abram. Nangako ang Diyos kay Abram na siya ang magiging ama ng maraming bansa. Kasindami ng mga buhangin sa dalampasigan at ng mga talaga sa kalangitan ang magiging dami ng kanyang angkan sa mga darating na henerasyon. Kahit hindi lubusang maintindihan ni Abram ang pangako ng Diyos, nanalig pa rin siya sa Diyos at sa kanyang pangako. May mga sinabi ang Diyos na hindi maunawaan ni Abram, subalit pinili pa rin niyang manalig sa Diyos. Buong katapatan siyang nanalig na hindi siya bibiguin ng Diyos. Ganun nga ang nangyari. Hinding-hindi binigo ng Diyos si Abram kahit kailan hanggang sa mga huling sandali ng buhay ni Abram, na mas kilala ngayon bilang si Abraham.

Lumipas man ang panahon, hindi nambibigo ang Diyos. Hindi nagdudulot ng kabiguan ang Diyos. Tapat ang Diyos sa mga pangako na Kanyang binitiwan. Kung ang tao'y mahina at nagdudulot ng kabiguan, paminsan-minsan, ang Diyos ay hindi nambibigo. Siya lamang ang nananatiling tapat sa ating lahat. Kadalasan, tayong lahat ay nambibigo. Nararanasan natin ang kabiguan bilang tao. Marahil ang mga kahinaan natin bilang tao ang dahilan kaya nararanasan natin ang kabiguan. May mga pagkakataon kung kailan binibigo natin ang ating mga sarili o ang ating kapwa. Subalit, ang Diyos ay nananatiling tapat sa Kanyang mga pangako sa sangkatauhan. Ang Diyos ay laging tapat, at hindi magmamaliw ang Kanyang katapatan sa Kanyang mga pangako. 

Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang krus ng Panginoong Hesukristo ang tanda ng pangako ng Diyos para sa ating kaligtasan. May mga taong tumatakwil sa krus ni Hesukristo. Subalit, tayong lahat ay hindi tumatakwil sa krus ni Kristo. Bilang mga Kristiyanong Katoliko, hindi natin itinatakwil ang krus ng Panginoon. Bagkus, ipinagmamalaki natin ang krus ng ating Panginoon. Sa pagdarasal ng Daan ng Krus, sinasabi natin, "Sapagkat sa pamamagitan ng Iyong Mahal na Krus ay tinubos Mo ang sangkatauhan." Bilang mga Katoliko, sinisimulan natin ang bawat panalangin sa pamamagitan ng Tanda ng Krus. Ang krus, para sa ating mga Kristiyanong Katoliko, ang tanda ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

May mga nagsasabing isang negatibong simbolo ang krus sapagkat sinisimbolo nito ang kapahamakan at kamatayan. May mga hindi naniniwala sa krus ni Kristo. Noong kapanahunan ni Hesukristo, ang krus ang tanda ng kapahamakan at kamatayan. Ikinahihiya at itinatakwil ang krus. Subalit, noong si Hesukristo'y ipinako at namatay sa krus sa Kalbaryo, binago Niya ang larawan at simbolo ng krus. Mula sa pagiging tanda ng kapahamakan at kamatayan, ang krus ay naging tanda ng pangako ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya, ang tunay na Kristiyano, ipinagmamalaki ang krus bilang tanda ng kaligtasang dulot ni Kristo. 

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus sa Bundok ng Tabor ayon kay San Lucas. Lagi natin itong mapapakinggan tuwing Ikalawang Linggo ng Kuwaresma. Isa sa mga napakahalagang sandali ng buhay ni Hesus ang Kanyang Pagbabagong-Anyo sa Bundok ng Tabor. Sa Pagbabagong-Anyo ni Hesus, ipinasulyap ang kaluwalhatiang na Kanyang makakamit sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Ayon kay San Lucas, bago nagbago ang anyo ni Hesus, Siya'y nananalangin. Habang nananalangin, doon pa lamang Siya nagbagong-anyo. Ano kaya ang panalangin ni Hesus sa mga sandaling iyon? Sa pakiwari ko, hinihiling Niya sa Ama na ipagkalooban Siya ng lakas upang harapin ang mga mangyayari sa Kanya, lalung-lalo na para sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Masasabi natin na may nararamdamang takot si Hesus sa mga sandaling iyon. Bago Siya umakyat sa Bundok ng Tabor kasama ng tatlong alagad, ipinahayag ni San Pedro Apostol na si Hesus ang Mesiyas ng Diyos at ipinahayag din ni Hesus ang mga kailangan Niyang pagdaanan bilang Mesiyas na isinugo ng Diyos. 

Noong nagbago ang anyo ni Hesus, nagpakita at nakipag-usap sa Kanya ang mga dakilang tauhan ng Lumang Tipan na sina Moises at Elias. Isinulat ni San Lucas kung ano ang pinag-uusapan ng tatlong iyon. Kinausap nina Moises at Elias si Hesus patungkol sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Pagdating sa Herusalem, si Hesus ay dadakipin at papatayin. Subalit, tatlong araw pagkatapos ng pagpanaw ni Hesus, muli Siyang mabubuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus sa Kalbaryo at ng Kanyang Muling Pagkabuhay, tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa sangkatauhan na sila'y ililigtas Niya. Ang sangkatauhan ay iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus.

Hindi magiging madali ang pagkakamit ng tagumpay at kaluwalhatian. Hindi rin madaling tuparin ang mga pangako. May mga bagay na dapat pagdaanan sa pagbibitiw at pagtutupad ng mga pangakong binitiwan. Nangako ang Diyos na tutubusin Niya ang sangkatauhan. Bilang Diyos, maaari naman Niyang gamitin ang pinakamadaling paraan upang tubusin ang sangkatauhan. Subalit, pinili ng Diyos ang pinakamahirap na paraan ng pagtubos sa sangkatauhan. Ang Diyos Anak na si Hesus ay bumaba mula sa langit para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang mga pangako. Wala Siyang binigo kahit kailan. Hindi Siya umatras sa mga pangako na Kanyang binitiwan. Ang pinakadakilang pangako at biyaya ng Diyos sa sangkatauhan ay si Hesus. Sa pamamagitan ni Hesus, natupad ang ipinangakong kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ni Hesus, nagkatotoo ang pangako ng Diyos. Iniligtas ni Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus ng Kalbaryo at ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay, nakamit ni Hesus ang kaluwalhatian at tagumpay, hindi lamang para sa Kanyang sarili, kundi para na rin sa ating lahat. 

Nagbagong-anyo si Hesus upang ipakita at ipaalala sa lahat na hindi magwawakas ang lahat sa Kanyang kamatayan. Hindi magtatapos ang lahat sa pagdurusa at kapighatian. Ipinapakita sa atin ni Hesus ang isang sulyap sa tagumpay at kaluwalhatiang Kanyang makakamit sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Ang pagdurusa at kapighatiang dadanasin ni Hesus ay bahagi ng Kanyang tatahakin tungo sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Bago makamit ni Hesus ang kaligtasan para sa ating lahat, kinailangan Niyang tahakin ang landas ng pagdurusa at kapighatian. Sa Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, nagkatotoo ang kaligtasan ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento