28 Pebrero 2016
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma (K)
Exodo 3, 1-8a. 13-15/Salmo 102/1 Corinto 10, 1-6. 10-12/Lucas 13, 1-9
Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin ang salaysay ng paghirang at pagsugo ng Diyos kay Moises. Si Moises ay isang pastol bago niya nakatagpo ang Panginoong Diyos sa Bundok ng Diyos sa Horeb. Nagpakita ang Panginoon kay Moises sa pamamagitan ng punongkahoy na nagliliyab. Kahit na nagliliyab ang punongkahoy, hindi ito nasusunog. Nagtaka si Moises kung bakit ganun na lamang. Kaya, nilapitan ni Moises ang nagliliyab na punongkahoy. Nang papalapit na si Moises, tinawag siya ng Panginoong Diyos.
Pagkatapos magpakilala ang Panginoong Diyos kay Moises, ipinaliwanag Niya kung bakit tinawag Niya si Moises. Isang napakahalagang namisyon ang ibinigay ng Diyos kay Moises. May pinapagawa ang Diyos kay Moises. Napakaimportante at napakabigat ang ipapagawa ng Diyos kay Moises. Si Moises ay hinirang ng Panginoon upang maging Kanyang instrumento sa pagpapalaya at pagliligtas sa bayang Israel na noo'y namumuhay sa kaalipinan sa Ehipto.
Nahabag ang Diyos sa kalagayan ng mga Israelita noong kapanahunang yaon. Tahimik Siyang nakikiisa sa pagdurusa ng Kanyang bayan. Nararamdaman ng Diyos ang mga paghihirap at pagdurusang nararanasan ng Kanyang bayan sa Ehipto. Hindi kagustuhan ng Diyos na mamuhay bilang mga alipin ang Kanyang bayan. Dahil sa Kanyang habag sa Kanyang bayan, gumawa ng paraan ang Diyos upang mapalaya sila mula sa pagkaalipin. Ililigtas at palalayain ng Diyos ang bayang Israel sa pamamagitan ni Moises. Si Moises ang magiging instrumento at tagapagsalita ng Diyos sa Faraon at sa Kanyang bayan.
Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob. Ito ang Salmo para sa araw na ito. Binibigyang diin ng Salmong ito ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Hindi magmamaliw ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Mananatili ito magpakailanman. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ang dahilan kaya iniligtas Niya ang Kanyang bayang namumuhay sa kaalipinan sa Ehipto sa pamamagitan ni Moises. Ito rin ang mga dahilan kung bakit isinugo Niya si Hesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasamaan.
Binabalaan tayo ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagbabalewala sa habag at kagandahang-loob ng Diyos. Isang napakatindi at napakabigat na kaparusahan ay ipapataw sa atin kapag binalewala natin ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. May mga taong noong kapanahunan ni Moises na hindi nagtiwala at nanalig sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, bagamat nasaksihan nila ang kapangyarihan ng Diyos. Pinagnanasahan nila ang mga masasamang bagay. Karamihan pa nga sa kanila, nagrereklamo dahil sila'y nakukulangan sa mga ibinigay ng Diyos sa kanila. Ito ang kanilang kasalanan - hindi nila binigyan ng kahalagahan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos sa kanila. Binalewala nila ang habag at kagandahang-loob ng Diyos.
Hindi natin basta-basta binabalewala ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ang bukal ng ating mga pagpapala at biyayang ating natatanggap. Kung hindi dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos sa atin, hindi tayo pagpapalain. Wala tayong mga biyaya mula sa Diyos kung ang Diyos ay walang habag at kagandahang-loob. Puro kapighatian at pagdurusa ang mararanasan natin kung walang habag at kagandahang-loob ang Diyos. Hindi rin tayo mabubuhay ngayon kung hindi dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos sa ating lahat. Dapat binibigyan natin ng kahalagahan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos sa ating lahat.
Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang isang talinghaga ni Hesus. Gumamit ng isang talinghaga si Hesus sa Kanyang pagtuturo tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ito'y matapos Niyang mapakinggan ang balita tungkol sa pagpatay ni Poncio Pilato sa mga Galileong naghahandog sa Panginoon. Para kay Hesus, hindi mas masahol ang mga Galileong pinatay ni Pilato kaysa sa mga ibang taga-Galilea. Bagkus, mapapahamak ang lahat ng mga hindi nagsisisi at tumatalikod sa kasalanan. Kahit hindi parusahan sa sanlibutan ang mga hindi nagsisisi at tumatalikod sa kasalanan, mapapahamak sila sa kabilang buhay. Para kay Hesus, ang pagsisisi, pagtalikod sa kasalanan, at pagbabalik-loob sa Diyos ang nagbibigay ng kahalagahan sa habag at kagandahang-loob ng Diyos.
Mapagpasensya, matiyaga ang Diyos. Hinihintay Niyang pagsisihan at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Kanya ang mga makasalanan. Hindi Niya pinarurusahan o pinapahamak agad-agad ang mga makasalanan. Ayaw ng Diyos na mapahamak agad ang sangkatauhan. Ang Diyos ay matiyaga sa Kanyang paghihintay para sa pagsisisi at pagtalikod ng mga makasalanan sa kanilang makasalanang pamumuhay at pagbabalik-loob sa Kanya.
Sa talinghaga, mapapakinggan natin na may isang puno ng igos na walang bunga. Matagal na naghintay ang may-ari ng ubasan upang magkaroon ng bunga ang punong ito, subalit wala siyang makitang bunga. Kaya, sinabihan niya ang tagapag-alaga ng ubasan na putulin ang puno. Subalit, nakiusap ang tagapag-alaga sa may-ari. Gagawin ng tagapag-alaga ang lahat para magkaroon ng bunga ang punong iyon. Huhukayan niya ang palibot at lalagyan ng pataba upang mapabilis ang pagbunga ng punong iyon. Puputulin na lamang niya kung wala pa ring bunga, kahit ginawa na niya ang lahat para magkaroon ng bunga ang puno.
Ganyan ang Diyos. Hindi parurusahan ng Diyos ang mga makasalanan agad-agad. Binibigyan Niya sila ng pangalawang pagkakataon upang magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Ito ay dahil sa habag at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos sa atin. Tayong lahat ay binibigyan ng pangalawang pagkakataon ng Diyos upang magsisi sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya dahil sa Kanyang habag at kagandahang-loob sa ating lahat. Handa Siyang magbigay ng pangalawang pagkakataon sa mga makasalanang nagsisisi't tumatalikod sa kanilang mga kasalanan at nagbabalik-loob sa Kanya.
Tuwing panahon ng Kuwaresma, binibigyang-diin ng Simbahan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Tunay ngang mahabagin at nagmamagandang-loob ang Diyos. Hindi Niya pababayaang mapahamak tayong lahat nang dahil sa ating mga kasalanan. Bagamat makatarungan Siyang Diyos at Hari, hindi Niya hahayaang mapahamak tayo ng kasalanan. Bagkus, tayong lahat ay tinatawag at inaanyayahan ng Diyos na magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Nais ng Diyos na tayong lahat ay maligtas at makinabang sa Kanyang habag at kagandahang-loob sa ating lahat. Sa Krus ni Hesus, makikita natin ang habag at kagandahang-loob ng Diyos sa ating lahat. Ipinadala si Hesus sa sanlibutan upang maging hain para sa ating lahat dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos sa sangkatauhan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento