Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol (Santo Niño) (K)
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Lucas 2, 41-51
Ipinapamalas ng Santo Niño ang dakilang awa at habag ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Diyos Anak na si Hesukristo, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ay bumaba mula sa langit at naging sanggol katulad natin. Unang nagpakita ang Panginoong Hesukristo bilang isang sanggol. Siya ang sanggol na iniluwal ng Mahal na Birheng Maria sa sabsaban sa Betlehem. Nagpakababa ang Panginoong Hesus, bumaba Siya mula sa Kanyang kaluwalhatian sa langit, at naging sanggol at tao katulad natin.
Si Hesus na ating Hari ay walang katulad. Ang mga hari sa mundo, ginagawa ang lahat upang gumawa ng sariling pangalan. Maraming nangangarap maging hari. Subalit, ang tunay na hari natin na si Hesus ay naging sanggol. Maraming nangangarap na umangat sa buhay at makamit ang tagumpay sa buhay. Subalit, si Hesus ay nangarap na maging sanggol at tao katulad natin. Ninais ni Hesus na maging kaisa natin. Ninais ni Hesus na ipamalas at ipadama sa ating lahat ang dakilang awa at habag ng Diyos. Nais ni Hesus na maranasan natin ang dakilang awa at habag ng Diyos, kaya buong pagpapakumbaba Siyang bumaba mula sa langit at lumabas mula sa sinapupunan ni Maria bilang isang sanggol.
Ang Panginoong Hesus ang sanggol na tinutukoy ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ipinahayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa na isang sanggol ang isinilang para sa atin. Si Hesus ang sanggol na ibinigay ng Diyos para sa ating lahat. Ibinigay ng Diyos si Hesus sa atin para sa ating kaligtasan. Taglay ni Hesus ang isang napakalaking kaliwanagang pumapawi sa lahat ng uri ng kadiliman. Hatid din ni Hesus ang kapayapaan, at dinadala Niya ito sa lahat ng mga namumuhay sa gitna ng mga matitinding kaguluhan.
Ipinapaliwanag sa atin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung paano tayo'y itinuring ng Diyos bilang mga anak Niya. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, tayong lahat ay naging mga anak ng Diyos. Dahil kay Hesus, tayong lahat ay tinanggap ng Diyos bilang mga anak Niya. Tayo'y naging mga anak ng Diyos dahil kay Hesus. Isinalarawan ni Hesus ang mukha ng maawaing Diyos. Sa pagturing ng Diyos sa atin bilang Kanyang mga anak, ipinapamalas at ipinapadama Niya sa atin ang Kanyang dakilang awa at habag sa atin.
Mapapakinggan natin ang salaysay ng paghahanap ng Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa Batang Hesus. Tatlong araw nilang hinanap ang Batang Hesus. Sa ikatlong araw, natagpuan nina Maria at Jose ang Batang si Hesus sa Templo. Alalang-alala sina Maria at Jose, lalung-lalo na si Maria, sa kalagayan ni Hesus. Nag-aalala sila sapagkat tatlong araw Siyang nawala sa kanilang paningin. Si Hesus ay nagpaiwan sa Herusalem nang hindi nalalaman nina Maria at Jose.
Tatlong araw nawala si Hesus. Sa loob ng tatlong araw na ito, nag-alala ang Mahal na Ina. Nawala si Hesus sa paningin ni Maria sa loob ng tatlong araw. At noong matagpuan na nila ni Jose ang Batang Hesus sa Templo, isang katanungan ang namutawi sa bibig ng Mahal na Ina. "Bakit ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo?" (Lucas 2, 48)
Si Hesus ay tumugon sa katanungan ng Mahal na Birheng Maria nang ganito, "Bakit po ninyo Ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na Ako'y dapat na nasa bahay ng Aking Ama?" (Lucas 2, 49) Ipinapakita ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang tugon na sa murang edad pa lamang, alam na Niya na mayroon Siyang misyon mula sa Diyos. May bokasyon si Hesus sa Kanyang buhay. Hinirang Siya ng Diyos para sa isang kakaibang tungkulin. Kahit nasa murang edad pa si Hesus sa mga sandaling yaon, alam na Niya na mayroon Siyang pananagutan sa Diyos. May kaalaman na si Hesus patungkol sa magiging misyon Niya.
Kahit bata pa lamang si Hesus sa mga sandaling iyon, may kaalaman na Siya patungkol sa magiging misyon Niya. Hinirang ng Diyos si Hesus upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang magiging misyon ni Hesus pagdating ng itinakdang panahon ay ipamalas sa buong daigdig ang awa ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang mga pangangaral, paggawa ng mga kababalaghan, at ang Kanyang pagkamatay at Muling Pagkabuhay, ipapamalas at ipapadama ni Hesus sa buong sangkatauhan ang awa ng Diyos.
Ang dakilang awa ng Diyos ang dahilan kaya pinili Niyang maging isang sanggol katulad natin. Naging sanggol ang Diyos at lumaking katulad natin, maliban lamang sa kasalanan. Hindi naman kinailangang pahirapan ng Diyos ang Kanyang sarili. Maaaring ipamalas na lamang Niya ang Kanyang kapangyarihan para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Subalit, pinili ng Diyos na damayan tayo sa ating pagkatao. Nais ng Diyos na ipamalas ang Kanyang maluwalhati at makapangyarihang awa sa ating lahat.
Sa Sanggol na Hesus, nakita ng lahat ang Mukha ng Maawaing Diyos. Alalahanin natin ang dahilan ng pagiging Sanggol ni Hesus. Alalahanin natin ang dahilan kung bakit naging sanggol si Hesus. Nais ipakita ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus ang Kanyang Banal na Awa at Habag sa buong sangkatauhan. Dinamayan tayo ni Hesus sa ating pagkatao noong Siya'y naging tao katulad natin, maliban sa kasalanan. Sa pamamagitan nito, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan. Iniligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Awa at Habag sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Awa ng Diyos, ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang maluwalhating kapangyarihan sa lahat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento