Linggo, Enero 10, 2016

HESUS: ANG BUGTONG NA ANAK NG DIYOS; KINALULUGDAN NG AMA; HINIRANG UPANG MAGING TAGAPAGLIGTAS NG TANAN

Ika-10 ng Enero, 2015
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (K) 
Isaias 42, 1-4. 6-7 (o kaya: 40, 1-5. 9-11)/Salmo 28 (o kaya: Salmo 103)/Mga Gawa 10, 34-38 (o kaya: Tito 2, 11-14; 3, 4-7)/Lucas 3, 15-16. 21-22 


Nagsalita ang Panginoong Diyos patungkol sa Kanyang lingkod na kinalulugdan sa Unang Pagbasa. Ipinapahayag ng Diyos sa propeta Isaias ang mga kantangian at kilos ng Kanyang lingkod. Mahinahon magsalita ang lingkod na ito at hindi magtataas ng Kanyang tinig. Ipinapahayag din ng Diyos ang magiging misyon at tungkulin ng Kanyang lingkod pagdating Niya. Ang lingkod na ito ay darating upang palayain ang mga bilanggo ng kadiliman at magdala ng liwanag sa lahat. Makikipagtipan ang Diyos sa lahat ng tao sa pamamagitan ng lingkod na ito. 

Ayon pa nga sa alternatibong Unang Pagbasa para sa araw na ito (Isaias 40, 1-5. 9-11), ang Kanyang lingkod ang magbibigay aliw sa Kanyang bayan. Mabuting balita mula sa Diyos ang hatid ng lingkod na ito. Bayad na ang utang ng sangkatauhan sa Panginoong Diyos. Pinatawad na Niya ang kasalanan ng tanan. Ang kaningningan ng Panginoon ay makikita ng lahat ng tao, sapagkat tataglayin ito ng Kanyang lingkod. Ipapalaganap ng lingkod ng Diyos na ito ang kaningningan at awa ng Diyos sa buong daigdig. Ipapamalas ng Diyos ang Kanyang kaningningan at awa sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang lingkod. 

Sino ang lingkod na tinutukoy ng Diyos? Ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus, ang ating Panginoon at Tagapagligtas. Bago pa dumating si Hesus sa sanlibutan, ipinapakilala na Siya ng Diyos. Ipinapakilala ng Diyos si Hesus sa pamamagitan ng mga propeta ng Lumang Tipan, kabilang na roon si propeta Isaias. Ang mga tao ay matagal nang naghihintay para sa pagdating ng Mesiyas. Nangako ang Diyos na ipadadala Niya ang Mesiyas. Darating Siya sa takdang panahon. Subalit, bago pa dumating ang Mesiyas upang iligtas ang lahat ng tao, kinakailangang makilala muna Siya ng mga tao. Kaya't ipinapakilala ng Diyos ang Mesiyas bago Siya magpakita sa sangkatauhan. 

Mapapakinggan naman sa Ikalawang Pagbasa ang pangangaral ni Apostol San Pedro. Ipinapakilala ni Apostol San Pedro si Kristo sa pamamagitan ng kanyang pangangaral. Nangaral siya kay Cornelio, isang Romanong kapitan. Ang Ikalawang Pagbasa ay bahagi ng sermon ni San Pedro Apostol kay Cornelio at sa kanyang mga kapamilya at kasambahay. Kung sa Lumang Tipan at sa salaysay ng Banal na Ebanghelyo ay nagpapakilala si Hesus sa bayang Israel bilang Mesiyas at Manunubos, ipinapakilala naman siya ng mga apostol sa Mga Gawa ng mga Apostol at sa mga sulat. Ipinapakilala ng mga apostol ang Panginoong Hesus sa lahat ng tao, Hudyo man o Hentil. 

Ayon nga kay Apostol San Pablo sa kanyang sulat kay Tito (ang alternatibong Ikalawang Pagbasa ngayong araw na ito), ang kagandahang-loob at pag-ibig ng Diyos ang dahilan kaya tayo ay naligtas. Tayong lahat ay naligtas sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ang Panginoong Hesukristo ay hinirang at sinugo ng Ama upang tayong lahat ay iligtas mula sa kasalanan. Kaya, tayo ngayon ay namumuhay nang malaya bilang mga anak ng Diyos. Kung hindi dahil kay Hesus, hindi tayo mamumuhay nang malaya bilang mga anak ng Diyos. Tayo'y namumuhay bilang mga anak ng Diyos dahil sa awa ng Diyos. Kay Hesus, nakita at naranasan ng sangkatauhan ang awa at habag ng Diyos na dakila. 

Sa Ebanghelyo, matutunghayan natin ang salaysay ng pagbibinyag ni San Juan Bautista sa Panginoong Hesus. Subalit, bago pa Siya bininyagan, ang mga tao'y nagtataka kung si San Juan Bautista na nga ang Mesiyas. Sa sobrang pananabik ng mga tao, akala nila na si San Juan Bautista ang Mesiyas na hinihintay. Ngunit, kahit nakatutok na sa kanya ang lahat ng mga tao, sinabi ni San Juan Bautista ang totoo - hindi siya ang Mesiyas. Kahit masikat na si San Juan Bautista, hindi siya nagpasikat. Inamin ni San Juan Bautista na hindi siya ang Mesiyas. Hindi siya ang hinihintay ng bayan. Bagkus, ang Mesiyas na hinihintay ay darating kasunod niya. Ayon pa kay San Juan Bautista, higit na dakila ang Mesiyas kaysa sa kanya. 

Kabilang si Hesus sa mga bininyagan ni San Juan Bautista. Noong bininyagan si Hesus ni Juan Bautista, nabuksan ang langit. Bumaba sa Kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. At nagsalita ang Ama mula sa kalangitan. Muling ipinapakilala ng Diyos ang Mesiyas. Ito ang Mesiyas. Ito ang Anak ng Diyos na minamahal at kinalulugdan ng Ama. Dumating na ang Mesiyas. Dumating na ang Tagapagligtas. Nagpakita na Siya sa lahat ng tao. Ipinapakilala na Siya ng Ama sa sangkatauhan. Kay Hesus, nakita ng lahat ang Mesiyas at Tagapagligtas. 

Hinirang at isinugo si Hesus upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Siya ang Mesiyas na ipinangakong darating. Siya ang katuparan ng pangako ng Diyos sa Kanyang bayan na darating upang iligtas ang Kanyang bayan. Ipinakilala na Siya ng Ama sa Lumang Tipan. Muli na naman Siyang ipinapakilala ng Diyos sa Bagong Tipan noong Siya'y bininyagan ni San Juan Bautista. Sa pamamagitan ng pagpapakilala kay Hesus, ipinapamalas ng Diyos sa sanlibutan ang Kanyang dakilang awa at habag. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento