Agosto 6, 2015
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong-Anyo ng Panginoon (B)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Marcos 9, 2-10
Sa salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo nina San Mateo, San Marcos at San Lucas, matutunghayan natin ang pakikinig at pagtalima ni Hesus sa kalooban ng Ama. Ang pakikinig at pagsunod ni Hesus sa nais ng Ama ay naging daan tungo sa pagkamit ng kaluwalhatian, hindi lamang para sa Kanyang sarili kundi para sa ating lahat. Kahit ang kalooban ng Ama ay mamatay si Hesus, batid ni Hesus na hindi magtatapos ang lahat doon. Hindi nagtapos ang lahat sa kamatayan ni Hesus sa krus. Pagkatapos Niyang mamatay sa krus, si Hesus ay muling nabuhay sa ikatlong araw.
Una, pakikinig. Para kay Hesus, napakahalaga ng pakikinig, lalung-lalo na sa tinig ng Amang Diyos. Sa tuwing may talinghagang ikinukuwento si Hesus, lagi Niyang sinasabi, "Ang sinumang may pandinig ay makinig." Laging ginagamit ng Panginoon ang Kanyang pandinig. Sa katahimikan ay pinapakinggan Niya ang tinig ng Ama. Kahit na pumarito si Hesus sa lupa, lagi Siyang nananalangin sa Ama. Hindi nawala ang ugnayan ni Hesus sa Ama, kahit na Siya ay nasa lupa. Bagkus, lagi Siyang nakikinig sa tinig ng Ama.
Ang pananalangin sa Diyos ay pakikipag-usap sa Kanya, para kay Hesus. Hindi lamang tayo humihingi sa Diyos; nakikipag-usap tayo sa Kanya. Nakikipag-ugnayan tayo sa Diyos sa pananalangin. At ang pinakaimportanteng bagay madalas nating nakakalimutan - kinakausap tayo ng Diyos. Nakikinig din ang Diyos sa atin. Kinakausap din tayo ng Diyos. Subalit, hindi mailalarawan ng mga salita o wika ng tao ang mga winiwika ng Diyos sa atin. Tayong lahat ay kinakausap ng Diyos sa katahimikan. Ang katahimikan ang wika ng Diyos.
Ikalawa, pagtalima. Mahirap tumalima, lalung-lalo na kung napakahirap at napakasakit ang hinihingi mula sa atin. Sa totoo lang, mahirap ding tumalima o sumunod sa mga alituntunin, lalung-lalo na kung wala namang sumusunod doon. Masyadong pasaway o masuwayin ang ilan sa atin, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Hindi na tayo marunong sumunod sa utos ngayon.
Kahit napakasaskit ang kalooban ng Ama, tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama. Hindi Niya ninais na mamatay alang-alang sa kasalanan ng tao. Subalit, pinili Niyang gawin iyon. Alam ni Hesus na ang kalooban ng Ama ay para sa ikabubuti ng sangkatauhan. Napakasakit man ang kalooban ng Ama at lalung-lalo na ang paraan ng Kanyang kamatayan, pinili ni Hesus na sumunod dito. Kahit hindi kagustuhan ng Panginoong Hesus na mamatay ng isang napakasakit na kamatayan, sinunod pa rin Niya ito. Alam Niyang iyon ang kagusuthan ng Ama upang maligtas ang sangkatauhan.
Ikatlo, kaluwalhatian. Ang pagbabagong-anyo ni Hesus sa Bundok ng Tabor ang pagsulyap sa kaluwalhatiang kinamit Niya noong Siya'y muling nabuhay. Iisa lamang ang mensahe ng pagbabagong-anyo ng Panginoong Hesukristo - hindi magwawakas ang lahat sa Kanyang kamatayan. Muling nabuhay si Hesus sa ikatlong araw. Binibigyang-diin ng Pagbabagong-Anyo ni Hesus ang kaluwalhatian ng Kanyang muling Pagkabuhay. Sa Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, nakamit Niya ang tagumpay at kaluwalhatian.
Kung hindi nakinig at tumalima si Hesus sa kalooban ng Ama, hindi Niya makakamit ang kaluwalhatian. Magkakaugnay ang pakikinig at pagtalima sa kaluwalhatian. Maaaring takasan ni Hesus ang kalooban ng Ama, katulad ng ginawa ni propeta Jonas noong sinugo siya ng Diyos sa bayan ng Ninive. Maaari din sanang humiling ng isang pinakamadaling paraan. Subalit, pinili ni Hesus na sundin ang kalooban ng Ama, kahit ang paraang iyon ay ang pinakamasakit at pinakamahirap na paraan.
Ang kaluwalhatiang kinamit ni Hesus ay binuo dahil sa Kanyang pakikinig at pagtalima sa Ama. Alam Niya ang ugnayan ng Kanyang pakikinig at pagtalima sa Ama sa kaluwalhatian ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kahit napakasakit at napakabrutal ang kailangang danasin at tiisin ni Hesus, alam Niyang hindi iyon ang pagtatapos. Hindi magtatapos ang lahat sa Kanyang kamatayan. Bagkus, muling mabubuhay ang Panginoong Hesus sa ikatlong araw. Kahit maaari suwayin ng Panginoon ang kalooban ng Ama, pinili pa rin Niyang sumunod dito. Ang kalooban ng Ama ay para sa kabutihan ng lahat, at ito ang dahilan kung bakit nakinig at tumalima si Hesus, at sa gayon ay nakamit ang kaluwalhatian.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento